Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of presidential assistance in General Santos City
Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agriculture, sa inyong magandang pagpakilala, si Secretary Kiko Laurel. [Magsi-upo po kayo]
At siguro hindi na kailangan ipakilala. Babatiin ko na lang ang idol ko, ang idol niyo, ang idol nating lahat, ang dating senador at babalik na senador, Senator Manny Pacquiao [applause]; ang District Representative ng GenSan Loreto Acharon [applause]; kasama po rin natin dito ang iba’t ibang mga department secretary sa iba’t ibang departamento, nangunguna na diyan ang Department of Social Welfare and Development, Secretary Rex Gatchalian [applause]; kasama din po natin ang Secretary ng DILG, DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos [applause]; ang ating — ang tumutulong po sa amin sa Opisina ng Pangulo, at siya’y naging Special Assistant ngunit ang naging trabaho niya talaga ay ayusin lahat ng mga iba’t ibang issue dito sa southern Philippines, dito sa Mindanao, dito sa mga BARMM provinces, andito po, Secretary Anton Lagdameo, Special Assistant to the President [applause]; Sarangani Province Governor Rogelio Pacquiao [applause]; at ang South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., nandito si Gov. Jun [applause]; ang ating mga kasamahan sa pamahalaan; at ang pinakamahalaga na nandito na kasama natin ngayon, ang ating mga benepisyaryo ng iba’t ibang tulong na dinadala natin ngayong araw. [appaluse]
Magandang araw po sa ating lahat!
Maraming, maraming salamat po sa napakainit na pagtanggap ninyo sa amin. [applause] Kasing init ng panahon ang inyong pagtanggap sa amin, labis pa. Kaya’t kami’y nagpapasalamat sa inyo muli at kagaya ng sinabi — ibinida sa atin ng ating Congressman ay magpapasalamat din po ako sa inyong suportang binigay, na buong loob na ibinigay sa nakaraang halalan at ito po ay — ang isusukli po namin sa inyo, ang talagang tunay na trabaho para tulungan at pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino. [applause]
Masayang masaya po akong makabalik dito sa napakaganda at napakaunlad na GenSan.
Malaki ang ambag ng General Santos City at South Cotabato sa ating food security.
Number one kayo sa huli ng tuna, at export champion pagdating sa pinya. [applause] Malaki rin ang produksiyon ninyo ng mais at saka ng saging.
Ang sabi nila, ito daw ay dahil mataba ang lupa. Pero sa tingin ko, wala akong duda sa aking pananaw, dahil ito ay sa sipag ng mga mamamayan ng General Santos City at South Cotabato. [applause]
Kapag ang lupa daw ay dinilig ng pawis ng taga-South Cotabato, hindi na kailangan ng fertilizer na hihigit pa sa bisa sa pagpapalago ng pananim.
Hindi lang sipag ang inyong taglay, idagdag niyo na rin ang diskarte at ang bukas na pagyakap sa mga bagong pamamaraan [at] teknolohiyang nagpapataas ng inyong ani.
Kaya dapat lang alalayan kayo sa inyong bukal na layunin na paunlarin hindi lamang ang inyong mga pamilya, pero higit sa lahat, ang inyong pamayanan.
Kaya ang pagpunta ko rito ay hindi lang upang personal na magsabi ng maraming salamat sa ating mga kaibigan dito sa GenSan at sa South Cotabato, pero upang magpahayag ng tiwala at magpamalas ng vote of confidence sa inyong kakayahan na makamit ang isang masagana at maaliwalas na bukas.
Nandito po kami ngayon upang makapagbigay ng tulong at ayuda sa ating mga magsasaka, mangingisda, at kanilang pamilya sa gitna ng ating nararanasan na tagtuyot na dala ng El Niño.
Ayon sa ating pinakahuling datos, mahigit sa tatlong milyong Pilipino na ang apektado ng El Niño sa buong bansa, na dahilan din ng pagdeklara ng State of Calamity sa maraming mga iba’t ibang lugar, sa lahat ng mga ibang lugar lalong lalo na sa bandang — lalong lalo na sa… Dito, medyo umulan-ulan na. Pero doon sa Luzon, sa Visayas, sa mga Region VI, Region I, Region II, Region III, Region VI, Region VII, talagang napakabigat ang dinadaanan po nila at walang — matagal na silang hindi nakakita ng ulan, mula pa yata ng Nobyembre.
Ang delubyong ito ay lubhang nakaka-apekto sa lahat ng aspeto ng ating pamumuhay, partikular na sa sektor ng agrikultura kung saan natutuyo at nasisira ang ating mga pananim dahil sa matinding init, sabayan pa ng pagkawala ng tubig mula sa mga irigasyon.
Napakalaki ng nawawala sa sektor ng agrikultura dahil sa kalamidad na ito—mahigit isang daang libong mangingisda at magsasaka at mahigit isang daang libong hektarya ng sakahan at palaisdaan ang naapektuhan sa El Niño.
Kung susumahin po ay halos anim na bilyong piso na ang pagka-lugi sa sektor ng agrikultura.
Dito po sa GenSan ay malaking bahagi ng kalakalan at ekonomiya ang apektado at nanganganib na bumagsak kung hindi natin tutulungan.
Kaya naman po pangungunahan natin ang mga pamamahagi ng presidential assistance para sa ating mga magsasaka at mangingisda dito sa GenSan at iba’t ibang probinsya pa sa rehiyon.
Pina-aalalahanan po natin ang ating mga kwalipikadong benepisyaryo na makipag-ugnayan sa inyong mga lokal na pamahalaan upang agad na makuha ang sampung-libong pisong tulong pinansyal. [applause]
Ito po ay iba pa sa mga tulong na magmumula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ito po ay ating — nanggaling po ito sa Office of the President dahil po marami po tayong programa para tulungan. Mayroon tayong ‘yung AICS, mayroon tayo ‘yung TUPAD. Marami po tayong programa.
Ngunit sa pag-iikot ko at nakita ko, ay sabi ko, mabuti na mayroon tayong maibigay ngunit napakahirap ang dinadanasan ng ating mga kababayan lalo na ‘yung nagsasaka, lalo na ‘yung mga mangingisda.
Ay sabi ko, mayroon naman tayong pondo dito sa Office of the President, kung saan-saan pa tayo… Imbes na gamitin natin kung saan-saan pa, ito na, idagdag natin para sa pondo, para sa pagbigay ng ayuda ng ating mga kasamahan. [applause]
Bukod sa patuloy na serbisyong patubig at irigasyon para sa ating mga magsasaka, ang Department of Agriculture ay patuloy na mag-aabot ng mga kagamitan, ng abono, ng pataba, at mga pasilidad sa pag-aani, gayundin ang ayuda at serbisyo sa may palaisdaan.
Ang DSWD ay narito rin upang mag-abot ng sampung-libong pisong tulong pinansyal mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o ‘yung tinatawag na AICS sa sampung-libong kwalipikadong benepisyaryo at kanilang mga pamilya. [applause]
Maliban pa rito, tatlumpu’t walong benepisyaryo naman ang makakatanggap ng payout mula sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng DOLE. Kaakibat nito ang pag-aabot ng TESDA ng livelihood toolkits sa sampung benepisyaryo at allowance para sa kanilang mga iskolar.
Malugod naman nating pinasasalamatan ang ating butihing House Speaker para sa limang kilong bigas na ating ipapamahagi sa mga naririto ngayon. [applause]
Sa ating pagkakaisa, tiyak ako na makakabangon tayo kahit ano mang unos ang ating kaharapin, dahil kilala natin ang ugali ng Pilipino na matatag at pagiging maabilidad.
Magtulungan po tayong lahat, kasama ang mga ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, mga komunidad, upang malampasan natin ang mga pagsubok na ito.
Ito na po ang epekto ng sinasabi nating tinatawag na climate change na siyang nagdudulot ng matinding init, malalakas na bagyo, El Niño, at La Niña.
Isa lang po ang tinitiyak ko, narito po ang inyong pamahalaan at hindi po kami magkukulang sa pag-alalay sa inyo.
Ang hiling ko lamang ay suportahan din ninyo ang pamahalaan upang maisakatuparan natin ang ating mga plano at programa.
Gamitin po natin nang maigi ang mga ipinamahagi nating tulong ngayon upang mapag-ibayo ang inyong kabuhayan.
Sama-sama po nating itaguyod ang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay nakikilahok sa pagpabuti ng kalagayan ng lahat ng bawat Pilipino rin.
Ito po ang aking sasabihin lamang at ipapangako sa inyong lahat: Hindi po ito minsanan lamang. Hindi po ito ginagawa na pagdating lamang — na habang nandito ako. Ito’y isang programa na patuloy nating gagawin hangga’t kinakailangan. [applause]
Sana ‘yung mga sa inyo na nangangailangan ng tulong, huwag po kayong mahihiya, huwag po kayong magdalawang-isip. Lumapit po kayo sa mga local government, lumapit po kayo sa ating mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno, upang malaman din namin kung sino ang nangangailangan ng tulong upang ito ay mabigyan kaagad namin, na matugunan natin at mabigyan natin ng tulong.
Iyan po ay masasabi ko na maaasahan po ninyo ang inyong pamahalaan. Asahan po ninyo na ang pamahalaan national ay nandito po. Kahit malayo kami at nasa Maynila kami, nakabantay po kami sa inyo at tinitingnan po natin, tinitiyak po natin na kung sino man ang nangangailangan ng tulong ay mabibigyan ng tulong. Iyan po ang unang katungkulan ng isang pangulo. Iyan po ang unang katungkulan ng bawat opisyal ng pamahalaan. At ito na rin ay gagawin na rin natin katungkulan ng bawat Pilipino para mapaganda ang ating minamahal na Pilipinas para maabot na natin ang Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po. Magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
— END —