Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Government Assistance in Virac, Catanduanes
Maraming salamat, Gov, sa inyong pagpakilala.
Ang ating mga opisyal na nandito; ating mga kongresista; at nandito rin po ang ating mga kasama sa Gabinete at sinasama ko po sila upang makita nila mismo ng sarili kung ano ang pangangailangan, kung ano ang tunay na sitwasyon dito sa lalawigan ng Catanduanes na tinamaan ng napakalakas na bagyo.
Nandito po – nandito mula po… Siya ang tiga-ayos doon sa mga nasirang infrastructure, nandito po ang Secretary ng DPWH, Secretary Manny Bonoan.
At upang magbigay ng tulong para sa mga manggagawa na nawalan ‘yung mga iba – lahat po ng ating mga nasiraan ng hanapbuhay, nawalan ng trabaho dahil nasira ang kanilang mga tindahan, nawala ang kanilang mga bilihin, ito po ay nanggaling po sa DOLE, ang Department of Labor and Employment, nandito po is Secretary – nandito po si Secretary Benny Laguesma. Magaling pong kumanta ‘yan. Kakanta ‘yan mamaya.
At ang ating bagong DILG Secretary na dating governor ng Cavite, nandito rin po – sanay po siya sa mga ganitong klaseng sitwasyon dahil nag-governor siya at mabuti naman nasa DILG na siya at marami siyang magagawa at siya ang nagko-coordinate sa gitna ng national government at saka sa local government. Hindi po namin malalaman, hindi po namin magagawa ang aming kailangang gawin kung walang tulong ng mga local government official. Kaya’t nandito po ang DILG Secretary, Secretary Jonvic Remulla.
At ‘yung mga kasama natin sa iba’t ibang ahensya, sa ating Civil Defense Authority ‘yun pong sila ang namamahala sa lahat ng tulong lalong-lalo na sila ang nagre-report sa akin tungkol sa mga sitwasyon sa iba’t ibang lugar.
Kaya po kami nandito dahil nag-inspeksyon po kami. Tiningnan namin sa helicopter nakapunta kami – nakita namin kung ano ‘yung mga naging damage. At tama naman – mukhang tama naman ‘yung mga nire-report sa akin noong kami ay nasa Maynila. At tinitingnan namin ang sitwasyon dito sa inyo ay talaga ang naging – ang naging problema dito ay hindi masyado sa ulan ngunit ang lalakas ng hangin.
Kaya’t – ay umabot yata rito ng 230 kilometers? At saka ‘yung pagbugso ng hangin ay umaabot ng 300 plus kilometers per hour. Napakalakas po ‘yun.
At hindi naman kataka-taka kaya’t noong umiikot kami nakikita talaga namin ‘yung mga yero ng mga building ay parang tinalupan na prutas at nawala lahat ng mga bubong at nakita natin ‘yung mga light materials lamang ay – mga light construction materials lamang ay talagang dala dahil sa lakas ng hangin.
Kaya’t nandito po kami upang magbigay… Ito po na nasa likod ko, ito po ang mga relief goods namin, ito ang food pack. Ito po ay pagkain sa bawat isang kahon para sa isang pamilya makakatagal po ito ng mga tatlong araw – mga halos ganun ng tatlong araw.
Kaya’t lahat po ng nasa evacuation center na hindi pa makauwi ay binibigyan po namin nitong – hangga’t kailangan kunin niyo. Walang deadline po ito. Hangga’t kailangan ninyo na magkaroon pa ng food pack, magpapadala pa rin kami ng patuloy na pagpadala ng food pack.
Pati ‘yung mga na-displace, na nawalan ng tirahan, na napunta sa bahay ng kanilang kapitbahay, ng kanilang kamag-anak, ng kanilang kaibigan ay sila rin ay bibigyan po natin ng food pack at tuloy-tuloy ang suporta po na ating gagawin.
Kasama — kasunod na diyan nakita po ninyo, mayroon dito ang AICS payout. Ito naman po dahil ang mga iba’t ibang pamilya ay may pangangailangan na hindi lamang food pack. Mayroon pa ho kaming mga sanitation, mayroon pa kaming mga medical kit. Ngunit iba’t ibang pamilya may pangangailangan na iba-iba.
Kaya’t mayroon din tayong binibigay na cash assistance. Itong cash assistance para magamit po ninyo na pambili. Kung may maliit kayong bata, pambili ng gatas. Kung may kaila — mayroon kayong inaalagaan na may sakit, para makabili ng gamot.
‘Yun po, para ‘yan diyan — ‘yan po ‘yan. Patuloy din po ‘yan para naman ay patuloy nating tinutulungan ang ating mga kababayan nangangailangan.
Ang susunod talaga, pagkatapos po nitong tinatawag na relief goods ay ‘yan po, ito ‘yung food pack, ito po ‘yung sanitation na pack, ‘yung medical kit. Lahat po ‘yan.
Bukod pa riyan ay nakita naman po natin kagaya ng aking nabanggit ay ang talagang tinamaan ay ang mga istraktura ng mga bahay. Kaya’t ang reconstruction ngayon ang ating — ang ating bibigyan ng — bibigyan ng pansin dahil kailangan po ng…
Nagbibigay po kami – hindi pa, wala pa rito ngunit susunod na po – nagbibigay po kami ng mga tinatawag — mga building materials po. Mga yero, mga dos por dos, pati martilyo, pati pako magdadala po kami para kahit papaano masimulan ninyo ang pagpaayos ng inyong mga bahay.
Iyong mga damaged na bahay at saka ang tinitingnan po namin ay ‘yung damaged homes at saka fully damaged homes. Iyong fully damaged homes wala na, hindi na maayos, kailangan na magtayo ng bago. Iyong partially damaged, ‘yun puwede pang ayusin.
Kaya’t mayroon po tayong binibigay din na cash para makabili po ng mga iba’t ibang gamit na pangangailangan ng mga magre-reconstruct at magre-rebuild ng inyong mga bahay.
Ang susunod namin diyan ay siyempre bago — kasabay niyan, ang kasabay po ng reconstruction ng mga individual na private na tirahan ay ang mga government buildings na tiyak po tayo umaandar… Okay naman ang ospital, ng mga government buildings na nasira, mayroon yata tayong mga bagong tapos na government building na nasira nanaman. Wala tayong magagawa, ‘yan ang weather. Kailangan na lang nating balikan.
Para naman ang serbisyo ng pamahalaan–– local government, national government ay mayroon tayong headquarters, mayroon tayong magamit. Kaya’t titiyakin natin na kahit papaano ‘yung ating mga services na ibinibigay sa taong-bayan ay tuloy-tuloy lang po.
At ‘yan po ang aming gagawin. Mula rito po, pupunta po kami at bibigyan po tayo ng mga report ng local government, ng lalawigan, ng bayan — ng mga iba’t ibang bayan, at lahat po ng mga ahensya ng pamahalaan upang matingnan natin kung ano ba talaga ang kailangang gawin.
At para pagbalik namin sa Maynila ay alam na alam na namin kung anong kailangan ipadala, anong schedule ang pagpadala, anong gamit ang kailangan — kailangan pa ba ng food pack, kailangan na ba ng building materials, lahat po ‘yan.
Kaya’t ‘yun po ang gagawin namin ngayon at… Ngunit huwag kayong mag-alala, pag-alis po namin, tuloy-tuloy din po ang pag-distribute ng ating food packs, pagbigay ng AICS payout, at lahat po ng… Pati na ‘yung mga nasirang tanim –– ang DA magi-inspeksyon diyan para ulit mabigyan ng suporta ang ating mga magsasaka.
Nakita ko po, ‘yun namang mga fishpond, mukha namang medyo hindi gaano malaki ang sira. Mayroong mga nasira kaya’t ‘yun din para sa ating mga mangingisda ay magbibigay din tayo ng tulong para makabawi po at makabangon ulit mula dito sa bagyo na ito.
Napakalakas po ng tama ng Pepito. At kayo ang nauna, kayo ang… Sa palagay ko, ang probinsya na tinamaan talaga ay Aurora, Catanduanes, Nueva Vizcaya… Tumawid po ng Pilipinas, tumawid — galing sa Pacific Ocean tumawid po ng Pilipinas, inuna ang Aurora, tinamaan kayo — Catanduanes, hangga’t tumawid.
At marami po tayong mga kababayan na ganoon din ang sitwasyon. Pero asahan po ninyo, nandito po ang inyong pamahalaan upang matiyak na kung anuman ang inyong pangangailangan… At huwag po kayong nahihiya, huwag po kayong — sabihan…
Kung mayroon talagang problema at mayroon kayong pangangailangan, sabihan ninyo ang local government ninyo, sabihan ninyo ang ahensya ng gobyerno, at gagawin namin ang lahat upang kung anuman ‘yung problema na ‘yun ay nabibigyan natin ng solusyon.
Kaya’t patuloy lang po o asahan po ninyo hindi po — itong mga ating mga responder ay hindi po aalis dito hangga’t sa inyo mismong palagay ay hindi na sila kailangan at — para tiyakin na kayo po ay makabawi na at makabangon muli dito sa ating naging sakuna na bagyo na Pepito.
Iyon lang po. Good luck po. Sana hindi na maulit. Mabuhay po kayo. [applause]
Mabuhay ang Catanduanes. Ang titibay po ninyo.
Mabuhay kayo. [applause]
— END —