Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of financial assistance to farmers, fisherfolk, and families in Patikul, Sulu
Maraming salamat sa ating Special Assistant, sa iyong pagpakilala, Secretary Anton Lagdameo.
[Please, magsiupo po tayo.]
Nakita na po ninyo at nakilala na po ninyo ang iba’t ibang mga Cabinet Secretary na nandito ngayon, na kasama natin. Ang dahilan po kung bakit marami tayong dala na Cabinet secretary dahil pagka kami ay gumawa ng programa, ang aming approach, ang tawag namin ay whole-of-government approach. Ibig sabihin lahat ng bahagi, lahat ng departamento, lahat ng ahensya na sa aming palagay ay makakatulong para maging matagumpay ang aming programa ay sinasama namin sa pagplano, sinasama namin sa pag-implement, pati sa budgeting, sinasama namin para yung buong gobyerno ay nagtatrabaho para maging maganda ang resulta ng aming mga project, ang aming mga programa.
Kaya nandito po, sinama ko po, nandito po si Department of Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel [applause]; ang Secretary ng — Secretary for Defense, Secretary Gilbert Teodoro [applause]; ito ngayon ko lang nalaman, ito daw sabi ni Gov. Sakur, ito ‘yung pinakamayaman so, DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian. [applause] [Mali pala ‘yung inuutangan ko, dapat ikaw.]
At alam niyo po, ‘yung gumigitna po sa national government at saka sa local government para maganda ang ugnayan, maganda ang koordinasyon, para maging maganda ang takbo ng aming mga programa ay ang ating DILG Secretary, Secretary Benhur Abalos [applause]; ang First District Representative ng Sulu, Representative Samier Tan [applause]; sa Second District naman, ang ating Representative, Representative Munir Arbison [applause]; and Kusug Tausug Partylist Representative, Shernee Tan-tambut [applause]; at ang aking matalik at malapit na kaibigan. Alam niyo po si Gov. Sakur Tan at saka ako, matagal na kaming magkakilala dahil pareho kaming politiko. Pero ‘yung pagkakilala namin, lumampas na doon sa pagkapolitiko. Naging kaibigan ko na talaga iyan sa Gov. Sakur. [applause] Kaya pag sinasabi niya, kagaya ng sinabi niya doon sa speech niya, sabi niya, “Well, hindi kami nahihiyang…” Hindi talaga ho nahihiyang humingi iyan. Kung ano kailangan ni Gov. Sakur, tawag ‘yan. Tatawag ‘yan. Nabibigay naman natin para naman — maganda naman ang trabaho ni Gov. Sakur. Kaya tama ‘yung sabi ni Gov. Sakur na sinasabi ‘yung peace and order ang inuna natin. Tingnan niyo naman, naayos naman natin. Maganda na ang Sulu, iba na.
Ang pagka iniisip dati ang Sulu ay iniisip, gulo na hindi puwedeng puntahan dahil yung security, et cetera. Iyon ang mga impression ng taga — lalo na ‘yung tiga-labas.
Ngayon iba na, isa na kayo sa ginagawang tourist spot. Isa na kayo sa pinapasukan ng investment dahil nga wala ng gulo, mapayapa na ang Sulu at kaya’t magpapasalamat tayo sa leadership ni Gov. Sakur Tan dahil siya ang talagang nagdala ng kapayapaan dito sa island of Sulu at lalo na dito sa Jolo.
Kaya’t I’m very, very happy to be here because I’m always happy to see my old friend Gov. Sakur Tan [applause]; ang ating host for the — for today’s activities, Patikul Municipal Mayor, Mayor Kabir Hayudini [applause]; ang iba’t ibang elected officials na nandito na kasama natin today; ang ating kasama sa pamahalaan; at ang pinaka-importante sa lahat na nandito ngayon, na bisita ngayon, kayo, ang aming mga beneficiary na tatanggap ng tulong galing sa pamahalaan [applause]; ladies and gentlemen, Assalamu alaikum kaniyu katan! [cheers and applause]
Ikinalulugod ko na makasama kayo ngayong araw — mula sa mga magsasaka [na] ‘di alintana ang matinding sikat ng araw para sa masaganang ani, hanggang sa mga mangingisda na nakikipagsapalaran sa ating mga karagatan para [sa magandang] huli.
Narito kami ngayon upang ihatid sa inyo ang tulong ng pamahalaan, umagapay sa inyong pagbangon mula sa mga pagsubok na dala ng El Niño, at upang mapakinggan ang inyong mga suliranin.
Nais ko rin na personal na iparating sa inyo ang aking paghanga sa inyong mayamang kultura, lalo na sa inyong sining, likha, musika, at kaugalian.
Mula sa badju at sawal na ginagamit ng inyong kalalakihan hanggang sa patadyong na sinusuot ng [nakararami], hindi [maikakaila] ang inyong angking talento at kasanayan sa paghahabi, pati na sa pag-uukit.
Kaya talaga [namang nakatutuwa] na [napananatili] ninyo ang kultura na [pamana] ng [inyong mga] ninuno sa kabila ng mga siglong lumipas.
Nawa’y ang tulong na dala namin ngayon ay magpalakas sa inyong mga kabuhayan at magpatibay pa lalo sa inyo bilang isang lalawigan.
Kung matatandaan po ninyo, Oktubre noong nakaraang taon, naghatid ng ayuda at iba pang mahahalagang serbisyo ang ating Special Assistant, si Secretary Anton Lagdameo at ang ating DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian.
Matapos ang siyam na buwan, ako naman ang [bumisita] rito upang bigyang pansin ang kalagayan ng labinsiyam na bayan sa inyong lalawigan na napa-ilalim sa State of Calamity dulot ng El Niño.
Ayon sa aming datos, mahigit limang milyong pisong halaga [ng] pananim [ang] nasira dito sa inyong lugar na ikinalugi naman ng humigit kumulang siyam na raan — 912 na magsasaka.
Hindi namin kayo iiwan sa pagharap sa pagsubok na ito, kaya kami ay [magbabahagi] ng ayuda upang makabangon kayong muli at higit pang mapayabong ang inyong pamumuhay.
Bilang panimula, sampung milyong piso ang magmumula sa aking tanggapan upang ipamahagi sa halagang [tig-sampung] libong piso para sa mga magsasaka at mangingisda sa Sulu na naapektuhan ng El Nino. [applause]
Sa ilalim naman ng Ayuda sa Kapos [ang] Kita Program ng DSWD, [makatatanggap] ang mahigit limang libong magsasaka at mangingisda ng cash assistance na nasa sampung libong (10,000) piso naman.
Mula naman sa opisina ng ating Speaker, kasama po dito sa… Kaya po ang tawag po namin is whole-of-government approach ay pati House of Representatives pati Congress sinama na namin. Kaya’t mula sa Office ng House Speaker, House Speaker Martin Romualdez, mayroon din ang lahat ng dumalo rito, [sa pagtitipon], ay mabibigyan ng [tig-limang] kilo ng bigas. Andiyan na ‘yung mga iba na nakita ko na. [applause]
Kasama [rin] natin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao–Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform na maghahandog sa inyo ng karagdagang makinarya at kagamitan sa pagsasaka.
Ngunit, hindi po diyan nagtatapos ang handog namin sa inyo.
Kasabay ng pagbibigay namin ng ayuda ay ang magandang balita tungkol sa ating pagsusulong para sa Jolo Airport Development Project. [applause]
Kasalukuyan na po nating binabalangkas ang lahat ng kinakailangan para masimulan na ang proyektong ito at may nakahanda po tayong isandaang milyong piso na para [pagsimulan] nitong project na ito. [applause]
Sa dako naman ng patuloy na nangyayaring illegal fishing sa karagatan ng Sulu, umaaksyon na po ang ating kapulisan sa pangunguna ng Sulu Maritime Police Station upang magpatrolya at mabantayan ang ating yamang-dagat.
Sa ating mga lokal na pamahalaan, patuloy po ninyong suportahan ang ating kolektibong pagsisikap upang maging mas maayos at ligtas ang ating mga minamahal na mangingisda.
Mga kababayan, maka-aasa kayong tutuparin namin ang aming pangakong matulungan kayong lahat, lalong-lalo na ang mga magsasaka, ang mga mangingisda, at ang [inyong mga] pamilya upang naman masabi natin ay may pag-asang makamit ninyo ang mas maginhawang pamumuhay.
Isa sa aking mga sinumpaan noong [maupo ako] sa pagka-Pangulo ay ang tiyakin na maayos ang kalagayan ng ating mga kababayan na nagsisilbing pundasyon ng ating agrikultura.
Hindi maitatanggi na kayo ang nagtatawid sa ating pang-araw-araw na pangangailangan, subukin man kayo ng panahon at sitwasyon, ginagawa pa rin ninyo.
Kayo ang patunay na ang pagtutulungan at malasakit sa kapwa ang susi tungo sa tunay na nagkakaisang lipunan.
Tunay ngang sa inyo nakasalalay ang kinabukasan hindi lamang ng ating mga kababayan dito sa Sulu, kung hindi pati na rin [ng] ating mga mamamayan sa iba’t ibang sulok ng buong Pilipinas.
Kaya naman, sa Bagong Pilipinas, magiging kaagapay ninyo kami upang mapalago pa ang inyong sektor at mabigyang katuparan ang inyong mga pangarap.
Umaasa [rin] ako na makikiisa kayo sa amin sa pamamagitan ng pagiging mas masinop at maingat sa paggamit ng inyong mga natanggap na ayuda.
Siguraduhin din ninyong [napangangalagaan nang] wasto ang ating kalikasan at huwag abusuhin ang paggamit ng ating mga [pinagkukunang-yaman].
Huwag kayong mag-alinlangan na lumapit po sa Tanggapan ng Pangulo at sa inyong mga lokal na pamahalaan sapagkat bukas po lagi ang aming mga pintuan upang pakinggan ang inyong mga suliranin at hinaing.
Sa ating patuloy na pagbabayanihan, naniniwala naman ako na agaran nating maitataguyod ang mas matatag, mas maunlad at mas masaganang Bagong Pilipinas!
Muli, maraming salamat po sa inyong sipag. Mabuhay kayong lahat! [applause]
— END —