Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of CLOA and COCROM in Pampanga

Speeches 21 November 2024

Maraming, maraming salamat sa ating Agrarian Reform Secretary, Secretary Conrad Estrella III. [Magsi-upo po tayo.]

Kasama din natin ang ating butihing Senador, Senator Francis Tolentino; ang mga kasamahan natin sa House of Representatives: Pampanga 1st District Representative Carmelo Lazatin, Pampanga 3rd District Representative Dong Gonzales, Pampanga 4th District Representative Anna York Bondoc-Sagum, at ang ating host para dito… At pagka nasabi po ni Secretary Conrad na masarap ang pagkain na kinakain niya pagka napupunta siya rito sa Pampanga, ito po ang nagluluto po para sa amin at hindi po namin makalimutan lagi na pagka kami ay nandito ay mayroon pa kaming pabaon pauwi galing po kay Nanay – Vice Governor, Vice Governor Nanay Lilia Pineda; ang mayor ng Bacolor, Mayor Eduardo Datu; lahat ng ating mga opisyal sa lokal na pamahalaan; aking mga kasamahan sa pamahalaan; at ang pinakamahalaga na kasama natin ngayong araw na ito kayo po ang mga Agrarian Reform beneficiaries na sa wakas makakatanggap ng titulo at kasama na ang condonation para sa utang, [applause] magandang araw po sa inyong lahat.

Maraming salamat po sa mainit na pagtanggap ninyo sa amin.

Sa tuwing nakikita ko sa aking kalendaryo na may nakalagay na Distribution of Certificate of Land Ownership Award o tinatawag na CLOA at kasabay ang Certificate of Condonation with Release of Mortgage o ‘yung tawag naman natin ay COCROM, talagang hindi ko mapigilan na bilangin ang mga araw hangga’t ako’y makarating. [applause]

Sapagkat ang pagtitipon na ito… Sapagkat ang pagtitipon natin na ganito ay nangangahulugan na makakapaghatid kami sa inyo ng serbisyo, na pinakamahalagang parte ng aming trabaho.

Nitong mga nakaraang linggo, anim na sunod-sunod na bagyo ang dumaan sa ating bansa. Nagdulot ng napakalaking pinsala.

Kasama sa mga lubos na naapektuhan ng mga kalamidad ang ating mga magsasaka na ang kabuhayan ay madalas na nakadepende sa panahon.

Ngunit sa pagkakataong ito, nais po naming mabawasan ang inyong iniisip at inaalala.

Kasama ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan na pinangungunahan ni Kalihim Conrad Estrella, namamahagi po kami ng 30 CLOA sa 28 agrarian reform beneficiaries o ARBs at halos tatlong libong COCROM sa kulang-kulang dalawang libo’t limang daang benepisyaryo ng repormang pansakahan.

Sa kabuuan po, nagkakahalaga ng mahigit dalawang daan at anim na milyong piso ng utang ng mga magsasaka ay burado na po, wala ng bisa. [applause]

Kasama na rito ang amortisasyon, ang interes, at iba pang mga surcharge na nakaangkla sa inyong mga lupang sakahan sa loob ng napakahabang panahon.

Simula ngayon, pinapawalang-bisa na po natin ang inyong utang sa lupang ipinagkaloob sa inyo sa ilalim ng repormang agraryo.

Isa pa ito sa talaga na ating mga layunin. Isang hakbang ito upang pagtibayin pa ang sektor ng agrikultura at matulungan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga magsasaka.

Lagi ko pong naikukuwento sa ating mga magsasaka na kami ni Secretary Conrad ang nagpapatuloy ng nasimulan ng aking ama at ang kanyang lolo.

Dahil po nagsimula ang repormang agraryo sa administrasyon ng aking ama at kasama naman niya ‘yung kanyang kalihim ng DAR ang lolo naman ni Secretary Conrad na kapangalan din niya Conrado Estrella.

At ngayon, sa ilalim ng administrasyong ito, aking nilagdaan ang New Agrarian Emancipation Act na siyang nagpapalaya sa ating mga magsasaka mula sa pagkakautang sa lupang pang-agraryo. Si Secretary Conrad naman ngayon ang Kalihim ng DAR na nagpapatupad nito.

Kaya naman sa buong sigasig namin ni Secretary Conrad na kailangan na ipagpatupad namin ang programang ito. Naniniwala kami na nararapat lamang na mas pag-ibayuhin ang kakayahan ng ating mga ARBs, ang ating mga beneficiary.

Patuloy ang pamahalaan sa pag-iisip ng mga makabagong paraan upang lalong mapaunlad ang sektor ng agrikultura.

Kaugnay nito, nagpulong kami kahapon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kasama ang pribadong sektor.

Dito nagmungkahi ng mga hakbang na paramihin pa ang ating mga seedling nursery sa buong bansa para mapaigting pa natin ang pagtatanim ng mga gulay at bigas.

Ito po ‘yung programang ginawa po namin ay ‘yung seedling production. Para po ang ating mga magsasaka ay ang kanilang ginagamit na variety na itatanim, hindi lamang na palay kung ‘di pati na ang mga gulay, ‘yung pinakamaganda at sapat na hindi na tayo nagi-import.

Nagi-import pa tayo ng mga seedling. Dapat kayang-kaya naman nating gawin dito sa Pilipinas. Kaya’t ‘yan po ang ating bagong programa para paramihin ang seedling production dito sa Pilipinas. Hindi na tayo mag-import. At kasama diyan ang ating mga magsasaka, pinakamagandang seedling ang kanilang gagamitin sa kanilang pagtatanim. [applause]

Sigurado ako na sa ganitong paraan ay makakatulong ito sa ilang pangunahing industriya ninyo rito sa Pampanga, kagaya ng pagsasaka, specialty food, at ang food processing.

At hindi lang pala rito kilala ang mga Kapampangan. Nabalitaan ko ang inyong lalawigan ang pinakamalaking supplier ng itlog dito sa Central Luzon, na kumakatawan sa 17 porsyento ng kabuuang produksyon ng itlog sa buong Pilipinas.

Sa tulong ng Partnership Against Hunger and Poverty Program ng gobyerno, isa sa mga kapuri-puring kontribusyon ng inyong probinsya ay ang patuloy na pagsu-supply ng itlog sa ating mga Persons Deprived of Liberty o ‘yung tinatawag na mga PDL sa mga bilangguan o BJMP na facilities.

Ang programang ito ay isang halimbawa ng magandang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan.

Talaga naman pong napakalaki ang maitutulong ng kababayan nating Kapampangan sa pangkalahatang pag-unlad ng ating bansa.

Ang mga proyektong gaya nito ay nag-uudyok sa amin na maging mas pursigido pa sa pag-abot ng tulong.

Nawa’y magsilbing inspirasyon din ang aming handog ngayong araw para sa panibagong yugto sa inyong mga buhay, kung saan hindi lamang kayo at ang inyong pamilya ang aasenso—maging ang buong bansa ay kasama ninyo sa inyong tagumpay. [applause]

Ito po ang aking panawagan: Magkaisa tayo sa pagtatanim ng mga binhi ng pag-asa para sa Bagong Pilipinas.

Muli, maraming, maraming salamat sa inyong lahat. Mabuhay ang ating mga magsasakang Pilipino! [applause]

Mabuhay ang Lalawigan ng Pampanga! [applause]

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —