Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Certificates of Land Ownership Award (CLOA) and Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) in Isabela
[Ilocano] Agrarian Reform Secretary, Secretary Conrado Estrella. [Ilocano]
Baka po si Secretary Estrella maiiwan po rito ng matagal dahil ‘pag nabalitaan ni Sandro ‘yung kwento mo, hindi ka na makakauwi ng ano. Delikado ito, magagalit po sa kanya.
Ang ating DA Secretary nandito po, DA Secretary Kiko Laurel ng Department of Agriculture; nandiyan din po pinakilala na po ang ating mga miyembro ng ating Gabinete na isinama po natin upang lahat ng departamento ng lahat ng buong pamahalaang nasyonal ay nandito para tumulong, hindi lamang dito sa pagbigay natin ng CLOA at COCROM kung hindi pati na doon sa typhoon relief.
Bisita din po natin ang ating kandidata na magdadala ng bagong buhay sa Senado, ito po ang ating susunod na senador, senator Camille Villar. Ngayon lang yata nakapunta rito ng Isabela, ng Cabagan, first time. Ah, okay. At ang ating mga congressman, mga members of the House of Representatives; the governors who are here with us today, also who have been all introduced; Isabela Provincial Governor na maganda ang kanyang kwento tungkol sa kanyang naging proyekto dahil nga sa pagbigay ng bigas sa lahat ng nangangailangan dito sa Isabela. At mabuti naman at tatagal nang tatagal ang proyektong ‘yan hanggang mamatay silang lahat. Ngunit hindi mamamatay lahat ‘yan dahil may glutathione. Tatagal pa itong project mo. Ang ating governor, Governor Rodito Albano. [applause] Ang mayor ng Cabagan, Mayor Christopher Mamauag at saka ang ating mga local officials na nandito ngayon. At ang pinakamahalaga, ang pinakaimportante na nandito kasama natin ngayon kayo po mga Agrarian Reform beneficiaries. [applause] Aking mga kasamahan sa pamahalaang nasyonal at sa pamahalaang lokal; at ang ating mga kaibigan, [Ilocano].
Lubos po ang aking kagalakan na makasama kayo ngayon dito.
Hindi lamang dahil lagi akong natutuwa kapag ako’y nakakabisita sa Isabela. Ngunit batid po namin na marami sa ating mga kababayan sa iba’t ibang dako ng bansa at dito sa Isabela ang nagsusumikap na malampasan ang hagupit ng anim na sunod-sunod na bagyo.
Nakikita ko po ngayon ang tibay ng loob at diwa [ng] pagkakaisa ng mga taga-Isabela upang makaahon mula sa mga pagsubok na ito.
Huwag po kayong mangamba. Kami po sa pamahalaan ay patuloy na kumikilos para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng mga nakaraang bagyo.
Sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad, hindi po namin nakakalimutan ang aming prayoridad na maiahon sa kahirapan ang ating mga kababayan, lalo na ang ating mga magsasaka. [applause]
Batid namin na ang pagkakautang ay isa sa mga nagbibigay sa inyo ng alalahanin at paghihirap.
Kaya naman, narito kami na patuloy ang pagsuporta sa inyo, hindi tumitigil sa pagbibigay ng lupa at pagpapawalang-bisa sa utang sa lupa ninyo, ngunit alam namin kung ano ang halaga nito sa kabuhayan.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ko po ang tinatawag na New Agrarian Emancipation Act. Sa ilalim ng batas na ito, mapapawalang-bisa ang mga bayarin na kaugnay ng amortisasyon ng inyong lupang sakahan.
Ngayon po dahil diyan ito po ay… Kaya ngayong araw, namamahagi po tayo ng tinatawag na COCROM, ibig sabihin niyan Certificate of Condonation with Release of Mortgage. Ang simple lang na paliwanag diyan ay wala na po – lahat po ng naging utang ng mga Agrarian Reform beneficiary, burado na po, wala na po. Hindi niyo na kailangang alalahanin. [applause]
Ito ay sagisag ng ating hangaring maibsan ang pasaning dala ng amortisasyon, ng interes, mga surcharge na matagal nang kaakibat ng inyong mga lupang sakahan.
Mayroong mahigit dalawampu’t limang libong COCROM para sa mahigit na dalawampu’t isang libong benepisyaryo dito sa probinsya ng Isabela.
Sinasaklaw ng mga sertipikong ito ang humigit-kumulang dalawampu’t dalawang libong ektarya ng lupa dito sa Isabela—katumbas ng mahigit isang bilyong piso na halaga na utang na ating pinapawalang-bisa.
Wala na po kayong iisipin kaugnay sa amortisasyon. [applause] Ang tanging aalalahanin na lang po ninyo ay kung papaano lilinangin ang inyong mga kakayahan sa pagsasaka at kung paano palalaguin ang inyong mga lupa.
Kasabay nito, mamamahagi rin tayo ng mahigit apat na raan at limampung Certificate of Land Ownership Award o ‘yung CLOA sa mahigit na tatlong daan at apatnapung magsasaka sa inyong lalawigan. Sinasaklaw naman nito ang humigit na limang daang ektarya na lupa dito sa Isabela.
Ang COCROM po at CLOA na inyong matatanggap ay biyayang may kalakip na responsibilidad— responsibilidad na pangalagaan at pagyamanin ang lupang ito para sa inyong pamilya at pamayanan.
Hindi dito nagtatapos ang ating mga hakbang upang mapalago ang agrikultura at mapaginhawa ang buhay ng mga magsasaka sa bawat sulok ng Pilipinas.
Pinapalawig ng Department of Agriculture ang insurance ng ating magsasaka at mangingisda upang masiguradong kayo ay handa at protektado sa anumang pinsala o krisis o sakuna na darating sa inyong mga sakahan.
Kamakailan lamang, mabilis natin naipamahagi ang halos dalawampu’t limang milyong indemnity check sa mahigit isang libo’t apat na raang benepisyaryo sa Mindoro naman na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.
Ito pong insurance na ito sa mga pananim o kagamitan sa pangingisda ay napakahalaga, lalong-lalo na sa mga rehiyon na madalas tamaan ng bagyo o kalamidad.
Kaya po hinihikayat ko ang ating mga magsasaka at mangingisda na mag-enroll po sa programa na ito ‘yung Philippine Crop Insurance Corporation upang masiguro po ang proteksyon ng inyong mga kabuhayan laban sa mga sakuna.
Bukod pa riyan, hindi tumitigil ang gobyerno sa paggawa ng mga hakbang para maging moderno at angkop sa pagbabago ng klima ang mga proseso at kagamitang pang-agrikultura.
Napakahalaga po ng papel na ginagampanan sa pagsulong ng ating agrikultura, pagsiguro ng ating pagkain ang bawat hapag-kainan, at pagpapaunlad para sa ating kinabukasan.
Nandito po ang pambansang pamahalaan, katulong ang lokal na pamahalaan, upang humanap ng mga solusyon sa mga hamon [na] inyong kinakaharap.
Sama-sama po tayong magtatayo ng isang Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po. [Ilocano] [applause]
— END —