Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Certificates of Condonation and Release of Mortgage in Paniqui, Tarlac

Speeches 30 September 2024

Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Agrarian Reform, Secretary Conrado Estrella. [Magsi-upo po tayo.]

Salamat sa pag-introduce. Iyon lang ay nabisto tayo doon sa mga biyahe natin. Akala niya siya lang ‘yung natatakot sa weather. Ako rin, hindi lang ako nagpapahalata pero nanginginig pa rin ‘yung laman ko. [applause] Pero hindi na bale — hindi na po bale dahil isa sa pinakamalaki at makabuluhang karangalan bilang isang Pangulo ay ang buuhin ang naging pangarap ng milyong-milyong Pilipino na magkaroon ng sariling lupa at mabura ang inyong mga utang.

Iyan po — kaya po kahit na may ulan, kahit na may bagyo, kami kahit na may sakit, dadating at dadating po kami dahil hindi po — [applause] wala nang nagbibigay… Wala nang magbibigay ng mas kasiyahan sa aming nagseserbisyo publiko ang nagagawa at matutulungan kayo pong lahat.

Ang House Deputy Speaker and Las Piñas Lone District Representative Camille Villar. Palagay ko po sa darating na ilang linggo, ilang buwan eh makikilala ninyo nang mabuti na ang ating congresswoman… Alam niyo po kilala ko po si Congressman Camille — hindi ka pa nasanay na Congressman Camille ang tawag ko sayo eh. Pero si Congressman Camille bata pa ‘yan kilalang-kilala ko na ‘yan. Kaya malakas ang loob ko noong sinama namin sa line-up ng senador. At sa darating nga na ilang buwan at ilang linggo ay makikilala ninyo nang mabuti at makikita rin niyo po ang aking nakita: gaano kagaling, gaano kasipag, gaano kabait ‘yang batang ‘yan. Congresswoman Camille Villar. [applause]

Tarlac 1st District Representative Jaime Eduardo Marc Cojuangco. Alam niyo po si Jaime siya nga ang pinaka — ang tawag namin po diyan sa House of Representatives ‘yung “Benjamin”. Ang Benjamin ngayon ng House of Representatives itong si Jaime, batang-bata pa kayang-kaya na niya ‘yung trabaho niya. [applause]

Ang Special Envoy to UNICEF — siya po ang nag-aalaga — siya po ang nakikipag-ugnay sa United Nations tungkol sa ating pag-aalaga sa ating mga kabataan, Special Envoy Nikki Louise Prieto Teodoro; ang Tarlac — ang ina ng Lalawigan ng Tarlac, Apo Provincial Governor Susan Yap; Paniqui Municipal Mayor Leonardo Roxas; at lahat ng ating mga elected officials ng Lalawigan ng Tarlac at ng Bayan ng Paniqui… At kagaya ng aking nabanggit, ang pinakamahalaga na ating bisita ngayon, nakikipaglahok dito sa ating kaunting seremonya, kayo po, ang ating agrarian reform beneficiaries [applause]; at aking mga kasamahan sa pamahalaan, ating — aking mga kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat, lalong-lalo na sa mga Tarlaceño at Tarlaceña.

Hindi na ako magmamarunong na magbati ng Kapampangan dahil talagang matatawa na lang kayo ‘pag narinig niyo akong sumubok ng Kapampangan. [Ilocano] [applause]

Nagpapasalamat po ako sa inyong pagdalo dito sa ating pagtitipon sa kabila ng medyo masama na panahon. Hindi naman din ako nagulat na nandito pa rin kayo dahil ganito naman talaga tayong mga Pilipino, hindi basta-basta nagpapatinag. Kailangan lang na mag-doble ingat dahil sa ulan—madulas ang kalsada—malakas ang hangin dulot ng Bagyong Julian.

Bagamat may bagyo, ako po ay masaya sa araw na ito sapagkat kasama natin ang mga nagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa ating bansa— ang ating mga magsasaka at agrarian reform beneficiaries. [applause]

Tanggapin po ninyo ang aming pasasalamat sa mahalagang papel na ginagampanan ninyo araw-araw para masiguro na ang bawat Pilipino ay may sapat na pagkain.

Alam namin na bago ninyo maani ang inyong mga pananim, kinakailangan ninyo ng lupang matataniman.

Noong naipagkaloob na sa inyo ang mga lupang sakahan sa ilalim ng repormang pang-agraryo, ang naging pangamba ninyo naman ay ang pambayad sa lupang ipinagkakaloob.

Kaya ngayong araw, sa bisa ng Republic Act 11953 o ang tinatawag na New Agrarian Emancipation Act na nilagdaan ng inyong abang lingkod noong nakaraang taon, burado na po ang inyong pagkakautang. [applause]

Narito po kami ngayon, kasama ang mga opisyal mula sa Department of Agrarian Reform at mga iba’t ibang mga opisyal — mga Register of Deeds pati ‘yung LandBank ay kasama dito sa programang ito. Nandito po kami upang ipagkaloob ang mga Certificates of Condonation and Release of Mortgages o ang tinatawag natin na COCROMs.

Sinasagot at inaalis na ng gobyerno ang malaking pasanin na dala ng mga utang na naging kakambal ng inyong mga lupang sakahan.

Ang inyong mga amortisasyon, interes, at iba pang surcharge—lahat po burado na. [applause]

Para po sa mga taga-Tarlac, higit sa apat na libo at anim na raang COCROMs ang ipapamahagi natin sa tatlong libo at limang daan na agrarian reform beneficiaries.

Ito ay katumbas ng higit sa isang daan at dalawampu’t apat na milyong pisong halaga ng amortisasyon na buburahin na natin.

Katulad po ni Ginoong Mario Velasco, na mula sa Bantog, Caricutan, La Paz at isa sa mga benepisyaryo ng programang ito.

Ayon po sa kanya, siya po ay ilang dekada nang nagsasaka na dala ang hamon ng araw-araw na pangangailangan at ang mga iba’t ibang gastusin.

Sa haba rin ng panahon na siya ay nagtatanim, ang pinakamabigat na pasanin ay ang utang na tila ay tanikala sa lupang sinasaka.

Sa pamamagitan po ng programang ito, hindi na kailangan pang alalahanin ang amortisasyon. Ang pera na nakalaan sana rito ay maaari na ninyo pong gamitin sa pang-araw-araw at ibang pangangailangan sa inyong pagsasaka.

Wala na po kayong alalahanin, maging ang mga susunod pang magmamana ng lupang inyong sinasaka. Ngayon po ay may panibagong pagkakataon na kayo upang [mapaunlad] ang inyong mga kabuhayan at ang inyong mga pamilya.

Nauunawaan po ng pamahalaan ang karanasan ni Mario at ng iba pa nating mga magsasaka kaya batid ng pamahalaan ang halaga ng programang ito upang mabawasan ang gastusin at lalong makatulong pa sa ating mga agrarian reform beneficiaries. [applause]

At sa amin din naman ni Secretary Conrad Estrella, hindi po ito ordinaryong programa ng pamahalaan.

Sa katunayan po, ito po ay sinimulan ng aking ama, si former President Ferdinand Marcos Sr. at ang lolo naman ni Secretary Estrella na si Secretary Conrado F. Estrella Sr.

Kaya naman noong ako ay binigyan ninyo ng pagkakataon na maging pangulo, hindi ako nagdalawang-isip, tinawag ko kaagad si Secretary Conrad — unang-una nilagay ko siya kaagad bilang Agrarian Reform Secretary dahil alam ko kabisado niya, alam niya ‘yung trabaho na ‘yan. [applause]

Dahil bata pa kami, wala pa kaming hawak na posisyon ay pinag-uusapan na niya, pinag-aaralan na niya dahil nga sa lolo niya, ang lolo niya ang nagpalaki sa kanya, eh ganoon din sa akin. Kaya’t kaagad, tinawag ko siya at sinabi ko, ituloy na natin ang nasimulan ng ating mga ninuno.

Para po sa inyo ang araw na ito — para po sa inyo mga minamahal naming benepisyaryong magsasaka.

May isa lamang akong hiling sa inyo: kaakibat ng mga biyayang ito ay ang responsibilidad na pagyamanin pa ang ating mga lupa, hindi lamang sa ika-uunlad ninyo, kung hindi para sa buong Pilipinas.

Hindi dito po magtatapos ang ating [pagsubok]. Ngunit ang araw na ito ay magsilbi sanang paalala na ang pamahalaan ay handang tumulong sa inyo.

Nandito kami at patuloy na nakikinig sa inyong mga pangangailangan upang magkaroon kayo ng mas maginhawa at mas matatag na kinabukasan.

Higit pa nating pagtutulungan ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura dahil malaki ang paniniwala kong mas marami pa tayong kaya at dapat gawin.

Muli, mag-ingat po tayong lahat. Atin pong ipatuloy ang binabantayan na Bagyong Julian, at handang magbigay ang pamahalaan ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan.

Maraming salamat sa inyong lahat. [applause] Maraming salamat sa ating mga magsasaka.

Mabuhay ang ating mga magsasaka!

Mabuhay ang ating mga agrarian reform beneficiary!

Mabuhay ang Tarlac!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —