Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Assistance to Typhoon-Affected Residents and Farmers in Cagayan

Speeches 27 September 2025

(Ilocano)

Governor Egay Aglipay

(Ilocano)

Very good mabilis ang trabaho.

(Ilocano)

Nandito po kami upang mabigyan ng tulong ang ating mga magsasaka na tinamaan ng Bagyong Nando. At nakita naman natin dito sa Cagayan ang isa sa — ang tinamaan nang malakas.

Doon sa amin sinuwerte kami sa Ilocos Norte hindi gaano. Malakas ang tubig, malakas ang hangin pero wala masyadong nasira ‘yun lang tanim namin. Pero… Nakita ko ‘yung mga rice field, nakapag-harvest sila nang maaga. Kaya kahit papaano nasalba natin ‘yung harvest na ‘yun. Kahit na medyo maaga eh mabuti na ‘yun imbes na masira.

Kaya naman kami nandito upang makatulong sa ating mga magsasaka (Ilocano) na mag-recover dito sa mga nawala sa inyo na kinuha ng typhoon na Nando dito sa nakaraan na weekend.

Marami po tayong naging biktima at marami po tayong kailangan na tulungan dahil po ito nga ay wala tayong magagawa nagbabago talaga ang panahon. Kailangan po natin baguhin ang ating sistema ng agrikultura.

Kailangan natin kilalanin at maunawaan kung ano ba ang kailangang gawin para sa sistema ng ating mga – ng ating weather prediction, ng PAGASA, lahat ‘yan para mas maganda ang ating response.

Kaya po isinama ko na po, nandito po ang apat na kalihim ng iba’t ibang departamento. Ang nagbigay po ng tulong para sa ating mga magsasaka, nandito po sa DA, ang Secretary ng Department of Agriculture, si Secretary Kiko Laurel. [applause]

Namamahagi rin po lalo po lahat ito nakikita niyo po DSWD po ito para ibibigay para doon sa mga displaced, ‘yung mga umalis, kailangan umalis, na-evacuate na kailangan umalis sa bahay. Galing naman po sa DSWD ‘yan. Nandito po ang ating kalihim, Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development. [applause]

Nandito rin po mag-iinspekyon na naman ang ating bagong secretary of the Department of Public Works. Kasi titingnan daw niya kung naging problema ang mga hindi magandang ginawang flood control project. Kaya nandito po DPWH secretary, Secretary Vince Dizon. [applause]

Kasama din po diyan dahil mayroon tayong ginagawa po na feeding program para sa ating mga kabataan. Hindi lang feeding program, kung hindi pati ang medical na examination. Binibigyan po… Pupunta po kami sa eskuwelahan mamaya para makita kung maganda ang takbo nung pagbigay hindi lamang ‘yung pagpakain, kung hindi magpapatingin.

Pati na teacher pinapatingin – ‘yung mga maestra nagpapatingin na rin at kung kailangan nila ng gamot, kung kailangan nila magpa-test ay gagawin na rin natin. Ito ay ginagawa po ng ating DepEd secretary, Secretary Sonny Angara. [applause]

At dito naman po nakikita… Alam niyo po hindi siguro ninyong nalagtaan – nakita po ninyo ang mga pangyayari dito sa nakita nating mga malaking problema sa dating mga flood control project.

Kaya naman ay tiningnan po namin – ito si Secretary Vince Dizon at saka kami nag-meeting kami nang mabuti at tinitingnan namin ano ba dito ‘yung maganda, ano ba dito ‘yung hindi na talaga puwede na mukhang ghost project ito, mukhang substandard ito.

Kaya po tiningnan po namin lahat po inisa-isa po namin lahat ng project na ‘yan at nakita namin nakapag-savings po sa budget ng Pilipinas para sa susunod na taon, para sa 2026, nakahanap po kami ng medyo malaking halaga. Ang halaga is 255.55 bilyon na piso. [applause]

Biruin ninyo. Kung hindi po natin ginawa ‘yan ‘yang 255 billion na ‘yan kung saan-saan na lang mapupunta. Kaya mabuti. Kaya kinansila (cancel) na po natin lahat ng flood control project para sa 2026 at iyan po ang naging savings natin. [applause]

Huwag po kayong mag-alala, hindi ibig sabihin matitigil ang flood control project dahil po sa aming pag-aaral, mayroon pa po – iyong budget ng flood control projects sa 2025 ay 300 plus billion. So, hindi pa naubos ‘yun.

So, tuloy-tuloy pa rin ang magiging flood control project hanggang sa susunod na taon at mayroon naman tayo na ia-approve na flood control project para naman – basta’t nakita natin ay maayos, maayos ang proposal, maayos ang program of work, maayos ang completion, may acceptance ng local government. [applause] That’s the new factor that we put in.

Gov. Egay, I was surprised because noong umikot ako kausap ‘yung isang barangay chairman, wala na pa lang acceptance ngayon. Eh hindi puwede ‘yun. Kaya ang acceptance po pagka may national – may project po ng national government, halimbawa, gagawa sila ng kalsada, magtatayo ng school building at maglalagay sila ng flood control… Noong governor po ako, hindi po puwedeng sabihing completed ‘yung project na ‘yun hanggang tinanggap ng local government executive. [applause]

Ang problema tinanggal ‘yun noong nakaraang ilang taon. I don’t know what year they removed that ano. Pero nagulat ako kasi napakaimportante ‘yan na mayroon kang clearance sa barangay chairman, may clearance ka sa mayor, may clearance ka sa probinsya dahil iyon ang paraan namin, sa local government, para tiyakin na ‘yung mga project ay maganda ang pagkagawa at tama at hindi naman nagmahal nang masyado.

Kaya po ibabalik po natin. Iyan Gov, [applause] lahat ng LGU ngayon – mula ngayon ay ibabalik natin ang proseso ng pag-accept ng local government executive.

So, sa 255 billion po na naging savings natin sa DPWH dahil tinanggal na po natin ‘yung mga malalabong project na mukhang hindi naman maganda, 255 billion po. Ang 36 na bilyong piso ay magiging karagdagang pondo sa DSWD para sa AICS, sa Disability Inclusive Social Protection of Children, at Sustainable Livelihood Program.

Ano po itong mga ito? Ang AICS alam naman po ninyo pagka nagkaproblema, nagka bagyo, ito po ‘yung nilalabas po natin para tumulong po sa mga naging biktima.

Ito naman Disability Inclusive Social Protection of Children para po sa mga PWD na bata. Lalakihan po natin ang budget nila. [applause]

At ito namang Sustainable Livelihood Program, napakaganda po nito. Iyong mga miyembro ng 4Ps ay pinupuntahan po ng DSWD ‘yan at tinutulungan sila para makapag-graduate na sila sa 4Ps. Mayroon na silang sariling negosyo; maayos na ang kanilang pagpakain sa kanilang pamilya, sa kanilang mga anak, pagpaaral, lahat ‘yun.

Ito pong Sustainable Livelihood Program para po ito turuan sila kung anuman ang gusto nilang pasukin na ‘yung maliit na negosyo. Eh kahit na ano, tutulungan po ng DSWD. Napakaganda po ng programang ‘yan kaya’t dinagdagan po natin lahat-lahat ‘yang tatlong programang ‘yan ng 35.91 bilyon. [applause]

Mahigit 26 na bilyon at kalahating milyong pisong budget mapupunta naman sa DepEd, sa Department of Education. [applause] Dahil po ay napakahalaga kailangan maging magagaling ang – dapat ‘yung mga anak natin mas magagaling sa atin.

Kaya dapat maganda ang mga eskuwelahan natin. Kaya po ginagawa po namin para pagandahin… Unang-una, paramihin ang schoolroom, number one. Pangalawa, ‘yung gamit ng titser natin, nung mga bata ay kumpleto naman. Pangatlo, na mayroon tayong feeding program para sa kanila.

Dahil ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit hindi nakakapag-aral nang mabuti ang mga bata ay masakit ang ngipin, may lagnat, basta masama ang katawan. Kaya iyon din ay tinutugunan din po natin. Diyan po natin kukunin.

Mayroon pang 10 bilyon ito naman sa CHED, para sa ano sa college. Ang CHED ay para naman ‘yung ating scholarship ay tuloy-tuloy. Ngayon, ang CHED dati libre nga ang SUC, ‘yung ating mga universities, state universities and college, mga SUC natin. Pero may gastos pa rin dahil saan tityra ‘yung estudyante? Paano siya bibili ng libro? Paano ‘yung kakainin niya? May gastos pa rin ‘yun.

At nakikita naman namin kahit anong gawin nila, hindi kaya ng magulang, hindi kaya ng pamilya. Tumutulong naman lahat. Pero pampatuloy, dinagdagan po namin ng scholarship program ‘yan. Kaya ‘yung sa CHED po [applause] kasama mayroon – ‘yung mga scholar natin, ‘yung magagaling talaga, ay ‘yun ay tutulungan po natin para hindi naman – para matapos sila – para makatapos sila.

Ang hangarin po natin sa ating education program ay sana bawat pamilyang Pilipino may graduate sa college o sa TESDA para buo naman ang kanyang training, buo naman ang kanyang edukasyon, at makahanap siya ng trabaho. [applause]

Sa DOH naman, 29 na bilyong piso ang ilalagay natin sa Department of Health. Iyong sa Department of Health ay para naman matapos natin kasi po naglalagay – pinaparami po natin ang ating mga ospital. Dahil ito natutunan po natin noong COVID, noong pandemya, na ang talagang nagamit na ospital ‘yung tinatawag na specialty hospital sa Maynila. Iyong specialty hospital: National Kidney Center, Children’s Hospital, Heart Center, ‘yun po specialty.

Pero doon napunta ang pasyente talaga dahil noong una, hindi po natin nauunawaan kung ano ‘yung COVID. So, pinuntahan natin ‘yung mga specialty hospital. Pero nakita namin nasa Maynila lang.

Kaya gagawin po natin ‘yung mga ospital ninyo, maglalagay po tayo ng specialty ward para nga dito sa mga sakit na ito: sa cancer, para sa sakit sa puso, lahat po ‘yan, sa diabetes, sa dialysis, lahat po ilalagay po natin diyan. [applause]

At ‘yung pinag-uusapan na nilipat na 60 billion na kinuha sa PhilHealth para dalhin sa national government, ay itong 60 billion na ito ay ibabalik na namin dahil nangangamba ang tao eh. [applause] Akala nila walang pera ang PhilHealth. Maraming pera ang PhilHealth. Pero hindi na bale. Ibabalik namin, gagamitin namin ‘yung 60 billion na ‘yun para paramihin na naman ang ating mga programa. [applause]

Kaya iyan ang magbabayad – iyan ang magbabayad sa ating zero balance billing na libre na ang pagpunta sa ospital. Iyong MAIP, ‘yung MAIP na medical assistance na ibinibigay natin palalakihin din po natin ‘yan.

Ito sa cancer patients, Philippine Children’s Medical Center, at pararamihin namin ang benepisyo na nanggagaling sa PhilHealth.

Mga 40 bilyong piso naman ang pupunta sa Department of Agriculture. [applause] Dahil alam naman po natin maraming pagkukulang para lalo na sa mechanization at magbibigay tayo ng mga tractor, mga harvester, mga irrigator.

Ang ginagawa po namin ‘yung bagong irrigation systems solar na po para ‘yung bomba ay hindi na kailangan ng kurudo, hindi na kailangan na maglagay ng malalaking koneksyon. Ito po ay solar-powered na at ito po ay ipapakalat natin. At iyan po ang ginagawa ng Department of Agriculture. [applause]

At nabanggit na rin ni Gobernador ‘yung tinatawag naming Rice Processing Center. Ito po ano ba ‘yung Rice Processing Center? Ito po ang mga processing center magdadala po kayo ng palay ninyo, kahit basa, hanggang siguro ‘yung on average mula – hanggang 120 tons kada araw na basa na palay ida-dry na ‘yan, igigiling na ‘yan, ipa-polish na ‘yan, iba-bag na. Paglabas doon, mamimili kayo anong gusto ninyo: 10-kilo bag, 25-kilo bag, 50-kilo bag? At ‘yun nasa labas na ‘yun.

Kayo ang magiging may-ari niyan. [applause] Hindi may-ari ang gobyerno; hindi may-ari ang trader. Napupunta ‘yan. Kaya tinanong ko po, habang nagsasalita ka Gov, ay tinanong ko sa Secretary natin, alam niyo po mayroon po na kami ‘yung rice processing nakapaglagay na tayo, mayroon tayong – nakapaglagay na tayo mga 140. At sa pagkatapos ng taong ito, ay aabot na ‘yan to what? 146 para sa taong 2025. Okay, sa ikinalat po natin.

Pero tama po ‘yung sinabi ng Governor ninyo. Kaya sasabihin ko — I’m giving the instruction now to the Department of Agriculture to work with the Governor to find a site at ‘yung mga nasa pipeline i-realign [applause] natin, dalhin natin dito sa Cagayan. Gov, ikaw na ang bahalang mamili ng lugar. Saan natin ilalagay?

[Gov. Aglipay: Mayroon na po!]

Oh, ‘yun kita mo! Napakabilis ng inyong governor. Oo. [applause] Ayos! Okay! [applause]

Tapos hindi lang ‘yun ang gagawin. May mga cold storage na gagawin para sa mga – sa gulay natin, para sa isda, para sa ano para hindi naman masira. At iyon ‘yun kasama po ‘yun sa mga programa ng Department of Agriculture.

Pati na ‘yung transport, ‘yung truck, mayroon din tayong programa dahil lagi kong tinatanong: Eh ‘yung ating farmer mayroon nga siyang ani, papaano niya dadalhin ‘yung palay niya doon sa – kung minsan malayo? Sabi ko bigyan ninyo ng truck. [applause] O ‘di ‘yung cooperative bibigyan natin ng truck [applause] para kayo na ang mamamahala, kayo na – mababawasan na ang gastos ninyo, dahil hindi na ipapadala sa Nueva Ecija pa, dito na lang sa Cagayan. [applause]

Lahat po ng kita sa pagtatanim ng palay hanggang sa gawing bigas, hindi po mapupunta sa trader, hindi po mapupunta – hindi po pinagkikitaan sa palengke. Lahat po ng kita na ‘yan maiiwan po sa inyo, sa farmers, sa cooperative, para magamit ninyo para sa inyong mga buhay. [applause]

Ang susunod pa na malaki din ay limang bilyong piso ay ibibigay natin sa National Irrigation [Administration]. [applause] Dahil po eh alam naman po natin ‘yun na ngang usapan namin kanina basta’t kahit na kalimutan mo na ‘yung fertilizer, kalimutan mo na ‘yung seedlings, kalimutan mo na ‘yung pesticide, basta’t mayroon tayong patubig, maganda ang ani natin. [applause]

Kaya’t ‘yun. Kaya’t ang National Irrigation [Administration] pararamihin ulit. Iyon ang nagiging problema is ‘yung distribution ngayon.

Kapag nakapaglagay na tayo nung dam, kailangan nating isipin papaano natin ikakalata, papaano natin pararatingin sa mga farmer natin ‘yung tubig. Pero may plano na tayo at dito natin kukunin ‘yung pondong ‘yun. [applause]

At sa para ‘yung mga tinatawag ika nga ay tinutukoy nila na social, social programs. Ito ‘yung pagtulong sa ating mga kababayan kapagka may problema, pagka may sakuna, pagka may disaster kagaya nito, tayo naman ay maglalagay tayo ng 19 na bilyong piso na ilalagay sa DOLE, ilalagay sa TUPAD. Ito po ang DOLE – at sa DOLE, ‘yung Department of Labor and Employment, ito po sila ang nagbibigay ng tinatawag na TUPAD, Integrated Livelihood and Emergency Employment Special Training po.

Ito po ang TUPAD ang ginagawa po ng DOLE magbibigay po sila ng tulong at mayroon pang kasama na training. Kasama na rin diyan ‘yung DTI, ‘yung Trade and Investment natin. Magsasama-sama po sila.

Kaya alam niyo po ang ginawa po natin sa pamahalaan ay tiniyak natin na lahat ng ahensya ng pamahalaan ay sabay-sabay na nagtutulungan. Dahil ‘yung mga problemang hinaharap ng pamahalaan ay hindi simple, hindi maliliit. Kaya kailangan talagang full force, lahat. Kung sa basketball ay full-court press dapat kasi para magawa natin lahat ng nais nating gawin, gawin nating mabilis at walang sobrang gastos.

Dalawang bilyong piso naman ang ilalagay natin 2.5 – halos 2.5 billion ibibigay po natin sa Department of Information and Communication. Sila po ay nagpaparami ng Internet lalong-lalo na sa ating mga eskuwelahan, lalong-lalo na sa ating mga government offices.

Para po pagka mayroon kayong kailangan, mag-renew ng lisensya, pagka may kailangan kayo magbabayad kayo ng buwis, hindi ninyo na kailangan puntahan ‘yung mga opisina. Hindi ninyo na kailangan ka-deal ‘yung mga fixer. Basta’t gagawin na lang ninyo sa bahay ninyo. Pagka konektado na po, gagawin na lang ninyo lahat sa bahay ninyo.

Iyong mga medyo senior sa atin na hindi marunong masyado sa computer, ipagawa ninyo sa mga anak niyo, sa mga apo ninyo. Kayang-kaya nila ‘yan. [applause] Dahil kung marunong silang mag-Facebook, kaya nilang gawin ‘yung aking sinasabi na mula sa bahay, sa computer, sa telepono kaya. Sa smartphone kaya na. Lahat ng bayaran, lahat ng ano pati dokumento hindi na kayo mag-aantay, pipila ng kalahating araw. Tapos sasabihin sa’yo ‘pag nakuha mo ‘yung signature sasabihin, “Ay kulang pa ‘yan. Pumunta ka doon sa kabila, sa ano pumila ka na naman ng tatlong oras.” Tapos mayroon ka na naman pupuntahan.

Binabawasan po natin ‘yan dahil napakahirap sa taumbayan. Kaya iyan po ang ating nilaan sa ating DICT para gumanda ang sistema na ‘yun. [applause]

Tapos ‘yung sinasabi na naman ng inyong Governor. Mayroon tayo pong nilagay na 4.62 million pesos sa DOE, Department of Energy, para sa electrification program. At ang NGCP ngayon ay kinakausap natin lagi, mino-monitor natin lagi, dahil behind sila sa schedule ng capital investment, ng paglagay ng linya. Pero nandoon po tayo, tinututukan po natin para mahabol nila ‘yung kanilang commitment doon sa kontrata nila.

Mayroon po tayo, marami po tayo – mayroon po tayo 135 million sa Department of Finance para sa anti-agricultural smuggling. Dalawang daan at apat na milyong piso sa DENR kasi gagawa po tayo ng waste-to-energy. Alam mo ‘yung mga siyudad po natin hirap na hirap na kung ano ang gagawin doon sa basura. Mayroon bagong teknolohiya susunugin ‘yung basura at may makukuha pa tayong kuryente sa ‘pag ano – waste-to-energy ang tawag.

Tapos para sa mga transport system, ‘yung three billion ilalagay naman natin sa DOTr, Department of [Transportation], para pagandahin ‘yung mga tren natin, para pagandahin ang ating mga kalsada.

Iyan po ay – titiyakin po natin na hindi na po mauulit ‘yung ating nakita. Titiyakin po natin na bawat sentimo na pera ninyo – hindi namin pera ito, pera ninyo na ibinahagi ninyo sa mga opisyal ng pamahalaan.

Kami po ay kung tawagin ay “custodian” lang, tiga-bantay lang kami sa pera ninyo. Hindi nagiging amin… Hindi dapat maging – hindi amin ‘yan. Sa inyo para rin ‘yan. Pero sa amin, ang responsibilidad, ang katungkulan na tiyakin na ang bawat sentimo ay mapupunta sa maganda para pagandahin po ang buhay ng ating mga kababayan, para pagandahin po maging mas maginhawa ang buhay ng inyong mga pamilya, para po sa pagpaganda at pag-usbong ng ating ginagawa, na binubuo na Bagong Pilipinas. [applause]

(Ilocano)

— END —