Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Assistance to Typhoon-Affected Families in Masbate

Speeches 1 October 2025

Magandang umaga po. Good morning po sa inyong lahat. [applause]

Kami po kung makita po ninyo – Gov, Mayor – kung makita po ninyo ang pagpunta po namin dito ay kasama po natin ang iba’t ibang kalihim ng mga iba’t ibang departamento ay nandito upang magdala ng tulong dahil napakabigat ang pagkatama ng “Opong” lalong-lalo na dito sa Masbate.

Marami pa tayong ginagawa doon sa nakaraan na bagyo. Hindi pa tayo tapos doon sa nakaraan na bagyo, tinamaan na tayo ng panibagong bagyo. Tapos may lindol pa yata noong kagabi.

Kaya nandito kaming lahat upang lahat ng pangangailangan ng mga na-displace – ‘yung nawalan ng bahay, wala ng tirahan – ay mabigyan ng tulong.

Unang-una, siyempre ito’y nakikita po ninyo, mayroon po tayo galing sa DSWD. Nandito po si Secretary Rex Gatchalian ng DSWD. [applause] At nauna na siya. Nauna na siya kahapon pa yata. Oo, [garbled] one nandito na siya. At nakapagpadala kaagad nitong ating food pack.

Mayroon tayong family food pack, food box ito ‘yung nakikita ninyo. Ipapamigay natin sa lahat ng mga nangangailangan at tuloy-tuloy po ‘yan. Hindi lamang ito ‘yung nakikita ninyo sa harap ninyo. Marami po tayong nakareserba dahil kawawa naman ang ating mga kababayan kapag hindi natin natulungan lalong-lalo na sa oras na ganito.

Nandiyan po ang mga food pack. Ang PCSO nagpadala rin ng kanilang sariling food pack. Mayroon din tayong tinatawag na hygiene kit upang mayroon kayong magamit para – to keep yourself – para maging healthy naman kayo at maaalagaan ninyo lalo na ‘yung mga bata.

Kasi ‘pag nakikita ko itong mga evacuation center na ganito ay nakikita natin nagsisiksikan ang tao at mabilis kumalat ang sakit kung sakaling mayroon man.

Kaya nandiyan din ang ating mga medical team ng Department of Health para tumingin at tiyakin na kayong lahat ay naaalagaan.

Ngayon sa – tiningnan po natin – ang report sa atin naman ng ating kalihim ng DepEd, Secretary Sonny Angara, [applause] nakita naman natin na napakalaki ng sira na nandito sa mga eskuwelahan at ‘yan po ay maaayos naman po natin ‘yan within one month, 30 days. Dahil ilan ang classroom na nasira? [Officials: 806 po.]

O, 806 na classroom ang nasira. Kaya baka matatagalan nang kaunti, isang buwan bago makabalik.

Ang pinakamalaking problema sa kasalukuyan ay ‘yung kuryente dahil ‘yun ay – ‘yun ang pinakakomplikado dahil hindi lang ganoon kasimple na ipagkakabit-kabit mo ulit ‘yung mga alambre. Kailangan tiyakin na hindi magkaproblema. ‘Pag in-on ‘yung kuryente ay baka lumiyab, baka masira, baka mag-short. Kaya kailangan maingat na maingat kaya baka matagalan nang kaunti.

Ngunit nakapagpadala na tayo ng generators sa inyong ospital dahil kulang ang – may generator ang ospital pero kulang. Kaya dinamihan natin ang generator para mas maraming pasyente ang kayang tanggapin ng inyong ospital.

Ngayon dito sa relief goods – sa relief naman ‘yung DOLE mayroon silang programa ‘yung TUPAD mayroong binigay at ‘yung ibang programa ‘yung – [What is the other one?] – nakapag-release na sila ‘yung TUPAD para sa mga cash-for-work, para sa mga livelihood project, para naman makabawi ng – 28 million na ang binitawan ng DOLE para sa ating mga naghahanap ulit, mabalik, makabawi pagkatapos nga ng bagyo.

I have – nag-instruction din ako dahil sa request ng governor – Governor Kho nag-request – nag-instruct na ako sa DBM bago ako umalis ng Maynila na mag-download ng 100 million na LGSF para mayroon kayong immediate na magamit na para sa pag-rehabilitation. [applause]

Kaya po ay patuloy po ito. Huwag kayong mag-alala patuloy po ang suporta ng pamahalaan hangga’t nangangailangan kayo. Kahit na matagalan tayo nang kaunti dahil hindi pa ninyo naaayos ang inyong mga tahanan, naka-support na kami.

Kahit umalis kayo sa evacuation center, pero hindi kayo makauwi sa sarili ninyong mga tahanan, ay tuluyan pa rin magsu-supply kami nitong family food pack.

Ngunit kung titingnan din ninyo doon sa labas, mayroon na po tayong water purification — iyong mga truck-truck na nandiyan — iyong LAB for All na purification. Iyon naman ay galing sa First Lady at naiwan dito at nandiyan ginagamit natin.

Iyong DSWD para naman – mahirap naman ‘yung kinakain ninyo puro de-lata. So, kaya naglagay po kami ng food truck para may mainit naman. Nandoon na nakapila na. [applause]

Bukod pa roon, mayroon tayong cash assistance. Dahil ang bawat pamilya ay iba-iba ang pangangailangan. Kaya hindi naman basta ito lang ang ating ibibigay. Siguro ‘yung mga gamot ninyo, ‘yung mga bibilhin ninyong pagkain ng bata, lahat ‘yan. Eh hindi lahat ng pamilya pangangailangan ‘yan. Kaya magbibigay kami ng cash assistance. Nandiyan po ‘yung pumipila po diyan. [applause] Iyan po binibigyan tigsa-10,000 para may cash, may per ana magamit para sa inyong pangangailangan.

Kaya huwag kayo pong mag-alala hindi kayo basta’t maiiwanan na lang. Kahit na nakadaan na ‘yung bagyo ay nandito pa rin ang inyong pamahalaan. Hindi po kami aalis dito hanggang lahat ng evacuees, lahat ng ating mga tinamaan ng bagyo ay nakatayo na, nakaahon na. At ‘yan po ang aming hangarin ay laging makapag-serbisyo pagka lalo na ganitong panahon, panahon ng bagyo ay kailangan po natin talagang tulungan.

Mayroon po tayo ito pang-Wi-Fi ito. Ibibigay natin po dito. Ito ‘yung Starlink na sa satellite para mayroon tayong telepono, mayroon tayong email, magagamit po natin ang mga telephone natin. [applause]

Kaya iyan po ay tuloy-tuloy naman po ang ating ginagawa. At kagaya ng aking nabanggit, eh huwag po kayong mag-alala at nandito po kami. At kung ano ‘yung pangangailangan ninyo – pagkain, gamot, cash, kung anuman – ay nandito po tayo para tulungan kayo. [applause]

Kaya kaunting tiyaga lang po. Wala… Ang mahirap dito wala talaga tayong magawa sa panahon. At kung babagyo, babagyo kahit na anong gawin natin. Ang maaari lang nating gawin ay paghandaan, makapag-evacuate. Mukha naman nagawa natin. Naka-preemptive evacuation ang probinsiya.

Pero medyo minalas ang Masbate dahil pagpasok ng “Opong”, sapol, talagang tinamaan ang – pinakamalakas na tama. Mayroon siyempre ‘yung ibang probinsiya: Romblon, marami – may tama din sila. Pero hindi kagaya dito sa naranasan ninyo dito sa Masbate.

Kaya dito po kami nauna at tinitiyak po namin na lahat po kayo ay suportado ng mga iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan. [applause]

Kaya huwag po kayong magdadalawang-isip. Kung mayroon kayong pangangailangan, sabihin po ninyo sa sinuman na ahensiya, sa DSWD, siyempre sa provincial government, sa municipal government, lahat po ay puwede, sa city government, lahat po ay – huwag po kayong magdadalawang-isip. ‘Pag may pangangailangan kayo, kung maibibigay namin, gagawin namin, ibibigay po namin sa inyo. [applause]

Kaya kaunting tiyaga na lang, kaunting dasal ay makakabalik din po tayo, at nandito po kami sa likod ninyo.

Maraming, maraming salamat po. At good luck po sa inyong lahat. [applause]

— END —