Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Ceremonial Turnover of 333 Housing Units in Disiplina Village Arkong Bato, Valenzuela City
Maraming salamat sa ating Human Settlements and Urban Development Secretary, Secretary Jose Ramon Aliling; National Housing Authority General Manager Joeben Tai; Valenzuela First District Representative Kenneth Gatchalian; Valenzuela Second District Representative Gerald Galang; Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian; to all beneficiaries of the government housing program; my fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen.
Magandang araw po sa inyong lahat. [applause]
Nasisiyahan po ako na makasama ang ating mga kababayan dito sa Valenzuela, lalo na at ang pagtitipon natin ngayon ay inaasahang maghahatid ng ngiti at higit na kapanatagan sa inyong mga pamilya.
Ngayong araw, pormal nating itini-turn over ang higit sa tatlong daan tatlumpung housing units para sa ating mga benepisyaryo.
Hindi naman kaila na isa sa mga problema na kinakaharap natin ngayon ay ang sunod-sunod na pag-ulan at ang pagbaha.
Sa tuwing may ganitong panganib, tahanan ang una nating inaasahang masisilungan. Dito dapat ligtas ang ating mga anak. Dito dapat tayo nakakapagpahinga nang walang pangamba.
Ngunit para sa maraming pamilyang nakatira sa danger zone, ang tahanan mismo ang nalalagay sa panganib.
Sa tuwing masama ang panahon, nag-aalala sila para sa kanilang pamilya, kagamitan, at kaligtasan.
Kaya mahalagang mabigyan natin ang mga pamilyang ito ng pagkakataong makalipat sa isang komunidad na mas ligtas para sa kanilang mga pamilya.
Dito sa Barangay Arkong Bato, itinayo ang Disiplina Village. Ito po ay bahagi ng ating relocation program para sa mga informal settler families, kabilang ang mga pamilyang nakatira sa mga lugar na madalas bahain malapit sa Tullahan River.
Binubuo ang proyektong ito ng limang yugto na patuloy nating isinusulong at kinukumpleto upang mas marami pang pamilya ang makinabang.
At ngayon, isa na namang mahalagang bahagi ng proyektong ito ang ating naitupad sa turnover ng mga housing unit na ito.
Bukod sa seguridad ng isang maayos na kabahayan, ang isa pang maganda sa proyektong ito ay malapit ito sa mga paaralan at mga pagamutan. Mas madali para sa mga bata ang makapag-aral at para sa mga pamilya na masiguro ang kanilang mga kalusugan.
Kaya, sa ating mga pamilyang benepisyaryo, congratulations po sa inyong lahat. [applause]
Inaasahan ko po na ito ay simula ng pagbuo ninyo sa mga masasayang alaala ng inyong pamilya. Nawa sa mga tahanan na ito ay mapalaki ninyo nang maayos ang inyong mga anak, at maipagpatuloy ang mga pangarap na matagal na ninyong pinagsisikapang abutin.
Tinawag itong Disiplina Village, kaya umaasa tayo na sama-sama rin ninyong pangangalagaan ang inyong bagong komunidad.
Bukod sa proyektong ito, halos anim na raang libong pabahay mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo nitong taon ang nagawa ng inyong pamahalaan upang magkaroon ng sariling bahay ang ating mga kababayan sa ilalim ng iba’t ibang programa ng pamahalaan.
Kasama sa programang ito ang Expanded 4PH Program ng DHSUD, at sa tulong na rin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation, Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, at National Home Mortgage Finance Corporation.
Gaya ng sinabi ko noong nakaraang SONA, puspusan nating pinupuno ang kakulangan sa pabahay sa buong bansa.
Asahan ninyo na patuloy na magtutulungan ang pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, mga komunidad, at ang ating mga katuwang na pribadong sektor upang maipagpatuloy ang marami pang programa sa pabahay na tulad na ganito.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, ating tinitiyak na ang pag-unlad ay nararamdaman sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan. At nagsisimula iyon sa pagkakaroon ng isang tahanang ligtas, matibay, at matatawag ninyong inyo.
Muli, congratulations po sa inyong lahat.
Welcome home. [applause]
Maraming salamat, mabuhay po kayo.
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
—END—