Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Bawat Bayan Makikinabang: Obando, Bulacan
Maraming, maraming salamat sa ating mayor, Mayor Valeda; Congresswoman Villarica; at lahat ng opisyal, mga barangay na opisyal na nandito.
Magandang tanghali po sa inyong lahat.
Unang-una po, mabuti na po, alam niyo po noong nagkaapoy doon sa basurahan at ang Obando ang pinaka naapektuhan at delikado kasi ‘yung usok doon, ‘yung nanggagaling doon.
Naamoy niyo ba talaga dito sa ano…? [Crowd: Yes.] Ha?
Sabi nila talagang masama ‘yung usok, hindi pangkaraniwan na usok ‘yun eh dahil may toxic waste ‘yung sa ilalim.
Kaya po ay ipapaliwanag ko lang po medyo natagalan nang kaunti, dalawang linggo, ‘di ba bago? [Official: Twenty-four days.] Twenty-four days bago… O ‘di tatlong linggo, more than three weeks.
At napaka… Ang naging problema po ay ang basurahan ay napakalalim. Kaya’t hindi maaari na basta’t bubuhusan lang ng tubig ng fire truck. Dahil wala rin, mawawala din ‘yung tubig, hindi aabot doon sa ilalim.
Kaya’t ang kailangan namin gawin ay matabunan ng basa na lupa. At ‘yung ginawa natin ay nagpatulong tayo sa mga nagre-reclamation dito at sinasabi namin ‘yung hinuhukay ninyo sa – dito niyo na lang dalhin.
Ngunit bago namin magawa ‘yun, nagpagawa pa kami ng kalsada para makapasok ‘yung malalaking truck, mga dump truck, para ihuhulog nga ‘yung lupa para patayin ‘yung apoy na nasa ilalim.
Noong unang nangyari ito, tinanong ko, gaano ba kalalim ‘yung basurahan? Eh ika nila, hindi namin alam.
Eh sabi kailangan niyong pag-aralan nang mabuti saan ba nagsimula ‘yan, gaano kalalim ang paghukay, at lahat-lahat.
Two storeys pala, ganyan – ganyang kataas ‘yung basura. Kaya’t ‘yung apoy hanggang dito sa baba. Kaya’t hindi kaya na basta ‘yung fire truck na basta babasain lang na ganoon, hindi kaya.
Kaya’t kailangan talagang patayin, tabunan ng lupa. Kaya’t after mga one and a half weeks, mga 10 days, nabuo na ‘yung kalsada, kaya inumpisahan na ‘to.
Iyong mga kaibigan natin sa mga kompanya na nagre-reclaim ay nagpatulong kami. Sabi namin ‘yun na nga, ‘yung mga hinuhukay ninyo, sa amin niyo na dalhin ‘yan at para maitambak namin doon sa may apoy.
Kaya sa awa ng Diyos, after one week pagkatapos nun nagsimula ‘yung pagtambak ng lupa ay nawala na ‘yung apoy. Sana naman wala naman masyadong napinsala. Wala naman masyadong nagkasakit.
Pero talagang delikado kasi ‘yung usok na ‘yan. Hindi parang usok na nanggagaling sa apoy na may kahoy o kung ano. Pero kung ano-ano kasi ang nasa ilalim nun.
Ang pinakadelikado pala, ngayon ko lang nalaman, ang pinakadelikado pala ‘yung usok na nanggagaling sa nasusunog na plastic.
Kasi kung papel-papel lang, kahoy lang, ‘yung plastic ang delikado. Iba pala ‘yung lumalabas diyan. Kaya ‘yung iba, kung masyadong mabigat ang usok ay magkakasakit.
Naitakbo naman ninyo, Mayor? ‘Di ba? Nadala niyo sa ospital? O sige, wala namang casualty? [Official: Mayroon po.] Mayroon din. Ay naku. Hindi bale. Mula ngayon talagang babantayan na natin ‘yung mga ganyang klase.
Wala tayong magagawa dahil alam naman ninyo ‘pag tag-araw, talagang napaka-init. Sumisindi – lumiliyab pala nang mag-isa ‘yan eh. Walang nagsindi. Basta’t lumiliyab na lang mag-isa. Kaya ganyan po ang nangyari.
Sana ay nasa mabuti na kayong kalagayan. Tapos na, patay na ‘yung apoy, at hindi na mauulit. Kaya good luck po sa inyong lahat.
Nandito naman po ako ngayon upang tingnan ‘yung aming programa. Ito ‘yung sa Bawat Bayan Makikinabang.
Iyong programa na ‘yan ay may dalawang bahagi.
Unang-una ay para ‘yung tinatawag na LGSF, Local Government Support Fund. Ito po ay isang pondo na para sa local government talaga.
Ngunit sa nakaraang ilang taon, hindi po nagagamit para sa local government itong pondo na ito. Kaya noong nakaupo na ako, sabi ko ito na ‘yung pagkakataon natin. Gamitin na natin sa tama ‘yung LGSF, Local Government Support Fund.
At kako ay pinalalapit ko naman talaga ang national government at saka ‘yung local government.
Alam niyo po galing po ako sa local government. Nag-gobernador ako sa Ilocos Norte ng siyam na taon. Kaya nakikita ko kung ano ‘yung mga puwedeng gawin ng local – ano ang kakayahan ng local government, ano ‘yung kailangan tulungan.
Kaya iyan po ang aming ginawa. Nagbaba po kami ng pondo, binigay po natin sa mga probinsya, sa mga lungsod, sa mga bayan.
At ito po ang naging bunga niyan ay itong rice subsidy na binibigay natin. Hiningi natin sa ating mga local government officials, mga barangay chairman, sa mga mayor, at hiningi natin ang listahan ng mga tao na nangangailangan ng tulong.
At ‘yan ang ginagamit po naming listahan. Dahil alam po natin na kung ang national government lang ang nagtatrabaho sa programa, medyo may katagalan bago bumaba.
Kaya nga dahil galing naman ako sa local government, sabi ko, ba’t ‘di tayo magpatulong sa mga local government?
Dahil sila… Kung kami pupunta, magse-survey pa kami. Magpapadala kami ng tao bawat lugar kung sino ba dito ang nangangailangan. Eh alam ko naman sa local government, mga mayor, mga barangay chairman, mga barangay official, nasa inyo na ‘yung listahan niyan. Araw-araw niyong tinitingnan ‘yung listahan na ‘yan eh.
Kaya sabi ko doon na lang natin kunin. Huwag na tayong kumbaga sa English, do not reinvent the wheel. Huwag na natin ulitin ‘yung kanilang ginawang trabaho.
Kaya ‘yan po ang aming ginawa. Kaya sabi ko, bigyan natin ng rice subsidy lahat ng nangangailangan sa bawat bayan. At ‘yan po ang – kaya po kami nandito para sinimulan natin ang pagbigay ng itong tigsa-10 kilo na sako ng bigas. Iyan po ang nanggagaling po sa LGSF, binaba po natin.
At huwag po kayong mag-alala dahil hindi po ito minsanan lamang. Magbibigay kami ng 10 kilong bigas kada dalawang buwan, anim na beses sa isang taon, paulit-ulit po. [applause]
Kaya hangga’t nangangailangan, hangga’t nangangailangan pa kayo, nandoon po kami para tumulong. Iyan po ang aming naging programa ngayon sa LGSF.
Mayroon naman, kadugtong doon, may kadugtong na programa para naman sa mga barangay. Iyong Social-Civic – ang tawag Socio-Civic Development Program.
Ito ay pondo ulit na nakita namin. Tanong niyo sa congresswoman ninyo. Ingit na ingit ‘yung mga congressman eh. Sabi buti pa ‘yung local nabibigyan, kami wala pa kami nakukuha. Ika ko, hindi bale, nag-umpisa na, nag-umpisa na.
Kaya ang ginawa naman namin kumuha kami doon sa pondong ‘yun para sa bara-barangay. Bawat barangay ay binigyan natin ng PhP200,000.
‘Yun lang… Ang hiningi lang natin ay sa mga – sa ating mga barangay official ay ‘yung PhP100,000 doon gamitin natin para tumulong sa mga presidential scholars.
Sila tawag ngayon, ‘yung nandoon kanina, ang tawag ngayon sa kanila mga presidential scholars. Dahil sila ang scholar na nanggaling sa Office of the President.
At sinasabi ko nga sa kanila eh pakinabangan nila nang mabuti ‘yung pondo na ‘yan para makapagtapos sila. Para sa ganoong paraan ay magkakaroon sila ng kaalaman at dunong para pagka panahon na nila na sila naman ang magiging leader, sila naman ang magpapatakbo ng Pilipinas, eh sa – handa na sila at sanay – nakasanayan na nila ang trabaho na ‘yan.
Kaya ‘yun lang ang hiningi namin sa ating mga barangay chairman.
‘Yung PhP100,000, maghanap ng lima na iskolar sa kada barangay. Limang iskolar bawat barangay.
At sa PhP100,000, limang skolar, PhP20,000 ang ibibigay natin sa bawat iskolar. ‘Yun po ang aming… ‘Yung isang – ‘yung natira, yung isa pang kalahati na PhP100,000, nasa sa inyo na ‘yun.
At kayo ang nakakaalam kung ano ‘yung pangangailangan ninyo eh. Na –iba-iba ang ginawa. Mayroon – may barangay, ang ginawa, bumili ulit ng ano, bigas. At ‘yun pa rin, nagbigay ng rice subsidy.
‘Yung ibang barangay, bumili ng tricycle. Ginawang – para sa – para may paikot daw sa ano. Basta kayo na ang bahala.
Dahil kagaya ng sabi ko – ay lagi kong sinasabi, ang pinakamarunong doon sa bawat lugar ay ‘yung mga taga doon, ang mga local na official, mga barangay, mga barangay official, ‘yung mga mayor, lahat alam ninyo ‘yan.
Kaya ‘yan ang ating – ‘yan ang ating talagang binigyan ng diin sa programa na ito.
‘Yun lang po at tinitingnan po natin kung ano pa ang maaari nating gawin. Dahil… ang talagang ginagawa ko po dahil nga sa karanasan ko bilang gobernador ay inilalapit ko po ang national government at saka ang local government.
At hindi ko po – at hindi po ako – nag-aalala po ako, sabi ko, bakit ang laking asset nung local government, ba’t ‘di natin – ‘bat ‘di tayo magtulungan?
At nakikita naman natin, kapag nagtulungan, kapag maganda ang ugnayan sa national at saka local government, mas marami, mas mabilis ang serbisyo maibababa natin sa mga tao.
Kaya ‘yan po ang aming naging istratehiya, ‘yan po ang aming naging plano.
Palagay ko naman ay magiging mas maganda ‘yan.
At lagi kong sinasabi sa ating mga local official, kung maganda ang maging resulta nitong sinusubukan natin ngayon na sa LGSF at saka sa SCDP, Socio-Civic Development Program para naman sa barangay.
Kapag maganda ang patakbo natin at nakita natin na maganda ‘yung plano, ‘yung programa, at maganda ang pagka-implement ng ating mga local official, ay titiyakin ko sa susunod na taon, palakihin pa natin ‘yung budget para mas parami pa tayong matulungan.
[applause]
Ayan, ligawan niyo na ‘yan si Congresswoman dahil sila ang may hawak ng budget kaya paano na natin, medyo himas-himasin niyo na para naka-ready na siya para sa susunod na budget.
Kaya po eh ito po ay alalahanin… Basta alam po ninyo, ito’y para alam po ninyo na kami sa pamahalaan, lahat, lahat ng bahagi ng pamahalaan, local government, national government, legislature, wala po kaming ginawa kung hindi mag-isip kung papaano pa ang magagawa, ano – papaano pa maitutulong natin sa taumbayan. At lahat po ng ating kakayahan ay doon natin nilalagay.
Mayroon din po kami… ‘Yung pinanggalingan po namin ay isang eskuwelahan, may malaking programa din po tayo.
Ang nakita po natin doon, ‘yung tinatawag na YAKAP program. ‘Yung YAKAP program ay para sa – nagsimula ‘yan para sa mga nag-aaral, ‘yung mga estudyante na magpatingin, na may doktor doon, may nurse doon, na magpatingin kung okay sila, kung –
Dahil nakita namin, isa sa pinaka nagiging sagabal sa pag-aaral ng mga kabataan ay magkakasakit. At dahil hindi maganda ‘yung kinakain nila, hindi naman – kung anuman, hindi magpatingin sa doktor.
Eh siyempre, alam naman natin, magpapatingin ka, magbabayad ka, malaki masyado, hindi nalang pupunta.
Kaya ginawa namin, nilagay namin sa eskuwelahan ‘yung YAKAP program para lahat ng kabataan – nagsimula sa kabataan, sinama na rin namin ‘yung mga guro para din sila’y matibay-tibay ang katawan nila. At pati na mga magulang.
At sabi ko eh sila naman, nandiyan na sila. Eh ‘di sige, magkonsultasyon na sila sa ating mga doktor, sa ating mga nurse.
At mayroon diyan, kumpleto po, pati gamot. Pagka may kailangan na gamot, ibibigay po doon. Libre po lahat ito.
At ‘yung isa pang programa na ginawa namin, ‘yung school-based – tawag school-based feeding program.
Lahat nung mga kabataan ay pinapakain po natin ng magandang pagkain, na masustansya na pagkain.
At ito po ay pinag-aralan ng DOST, ‘yung Department of Science and Technology para – saka mga nutritionist po para tiyakin na ‘yung mga binibigay nating pagkain sa ating mga kabataan ay masustansya.
Kaya ‘yan po ang tuloy-tuloy para makatulong, para gumanda po ang takbo ng ating edukasyon, educational system.
Dahil po, kagaya po ng sinasabi ko sa mga kasamahan ko sa pamahalaan at sa ating mga kababayan.
Para sa akin, ang edukasyon po ay hindi pribilehiyo. Ang edukasyon para sa akin ay karapatan ng bawat bata.
Karapatan nila at ‘yun ang katungkulan ng pamahalaan na makapagbigay ng magandang edukasyon sa bawat isa na nais mag-aral.
Lahat naman siguro ng – siyempre mga magulang, gusto nilang maganda ang pag-aaral ng kanilang anak. Kaya dapat kami sa pamahalaan ay nakahanda rin kami para mabigyan ng tulong lahat ng nangangailangan ng tulong.
Kaya po ganoon po ay kami po ay tuloy-tuloy po. Naghahanap ng mga para-paraan upang tumulong sa taumbayan, upang pagandahin ang buhay ninyo, magdala man nang kaunting – kahit kaunting ginawa sa inyong pamumuhay.
At hindi lang po kami nagdadala ng programa, kami po ay nakikinig din sa inyo.
Kung ano ‘yung inyong pangangailangan, kung ano sa palagay ninyo ang mga dapat ayusin, kung ano pa ang kailangan ninyo, kung ano pa ang dapat gawin. Eh kung… Hanggat kaya ng pamahalaan, gagawin po namin.
Kaya’t huwag po kayo nag-aalala. Ang pamahalaan ninyo, your government is there.
Your government is beside you. Your government is behind you. Ginagawa po namin lahat para tumulog sa ating minamahal na mga kababayan para pagandahin din ang buhay ng bawat Pilipino at pagandahin ang ating minamahal na Pilipinas.
Iyon lang po.
Marami pong salamat.
Good luck po.
Magandang tanghali po sa inyo lahat. [applause]
— END —