Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Bawat Bayan Makikinabang in Mandaluyong City

Speeches 18 May 2026

Maraming salamat sa ating kaibigan, ang dating ninyong mayor at dating secretary ng DILG, si Benhur Abalos at saka siyempre ang butihing mayor. Iyong speech mo nakakaiyak na. Sinasabi ko kay Benhur, sabi ko pagka tinuloy pa niya, maluluha na ako. Maraming salamat.

Cong. Queenie, Apo Chairman, [Ilokano]. At sa inyo pong lahat, magandang hapon po. [applause] At sa… [cheers] [crowd chants: BBM! BBM! BBM! BBM!]

Parang naalala ko ‘yung four years ago dito rin tayo during noong kampanya. At dito pa rin ang pinakamalakas na sigaw na narinig ko sa loob ng… [cheers and applause]

Tinatapatan ninyo ‘yung init ng panahon sa init ng salubong ninyo. Salamat. Salamat po.

Ako po ay nandito upang dalhin ang aming mga programa na para pagtulong at sa pag-uugnay ng national government at saka sa [local] government.

At dalawa pong program na ‘yan. Iyong una, ‘yung una ay ‘yung nanggaling po sa LGSF. Ano ba ‘yung LGSF? Iyong LGSF, Local Government Support Fund.

Ito po ay talagang pondo para tulungan at bigyan ng pagkakataon ang ating mga local government sa kanilang mga inisyatibo.

Ngunit sa nakaraang ilang taon, ilang dekada, ay hindi nagagamit sa local government ‘yang pondo na ‘yan. Saan-saan nagagamit pero hindi nararamdaman ng local government.

Masasabi ko ‘yun dahil local government ako, nasa Ilocos Norte ako. Naging gobernador ako tatlong term, siyam na taon. At ‘yung LGSF, kahit tinatanong ko sa aking mga kapwa na governor at saka mayor, papaano ba ‘yan? Saan ba makuha?

Wala, walang nakakaalam. Kaya sabi ko ito na, ang pagkakataon ko na magamit natin ‘yung LGSF nang tama.

Ngayon, bakit kailangan na mag-ugnayan ang national government at saka ang local government? Dahil alam naman po natin kapag national government lamang ang gumagalaw, kung minsan may katagalan bago maramdaman ng taong-bayan kung ano man ‘yung serbisyo, kung ano man ‘yung pondo, kung ano ba ‘yung tulong na ibinibigay ng pamahalaan. Dahil ang national government eh hanggang region lang talaga kami. Kaya ‘pag bababa kami ay magpapadala kami ng tao bawat bayan, bawat probinsya, bawat lungsod. At kaya natatagalan.

Eh ika ko, alam ko naman na ang local government, ba’t ‘di tayo makipagkooperasyon sa kanila dahil ang local government nandiyan na? Hindi mo na kailangan magpadala ng tao, magtanong lang tayo.

Eh ‘yun nga ang lagi kong sinasabi sa mga kasamahan ko sa national, ika ko sa kanila hindi niyo masyado – hindi kayo nakikipag-usap sa local. Hindi niyo nalalaman talaga kung ano ‘yung sitwasyon sa kanila hanggat makausap mo sila.

Pero pagka maganda ang kooperasyon at koordinasyon ng national government at saka ng local government, mas mabilis ang pagbaba ng pondo, ng serbisyo, mas efficient. Ibig sabihin, mapupunta ‘yung tulong doon talaga sa tama.

At kayong sa local government, kayong nakakaunawa kung ano ba talaga ang pangangailangan at sino sa inyong mga komunidad ang nangangailangan ng tulong.

Kaya po ‘yan ang aming ginawa. Binaba na natin ‘yung LGSF sa iba’t ibang probinsya, lungsod, mga bayan. At ang sinama lang po natin sa programang ‘yan, ito po ang pagbigay ng bigas.

Bakit po bigas? Dahil po hindi ko po makalimutan noong una akong naupo ay tinanong sa akin, in-interview ako ng isang reporter, tinanong sa akin, “ano ba talaga ang gusto mong ma-achieve habang ikaw maging Pangulo?” Eh ika ko sana sa pagkatapos ay gusto kong marinig sana na wala ng gutom na Pilipino.

Dahil nakakalungkot naman malaman na mayroon pa tayong mga kababayan na nahihirapan kung saan sila kukuha ng kanilang pagkain. Kung minsan, isang beses lang kakain sa isang araw. Kung minsan, isang beses lang sa dalawang araw. At hindi nalalaman kung saan ‘yung susunod na kain na kukunin ng mga nangangailangan.

Kaya sabi ko ‘yun na muna ang unahin natin. Tiyakin natin na lahat ng mga nangangailangan ay mabigyan natin nitong bigas para naman makatiyak sila na may mailalagay sila sa kanilang hapag at nakakasiguro sila na mayroon silang bigas na puwedeng kainin at ipakain sa kanilang pamilya.

Kaya ito po nagbibigay po kami ng tigsa-10 kilo na sako ng bigas. ‘Yan po, ginawa namin kinuha po namin ang listahan ng mga nangangailangan at kailangan makatulong na bibigyan ng bigas. Nangyari ‘yan sinabi namin hihingin namin sa barangay chairman, hihingin namin sa city mayor.

Dahil imbes na ang national government pupunta pa doon, magse-survey, sino ba ang nandito? Eh sabi ko naalala ko noong governor ako, araw-araw namin inaayos ‘yang mga listahan na ‘yan para hindi na kailangan maghintay.

Iyon na nga ang nangyari. Kinuha namin ang mga listahan sa ating mga mayor, sa ating mga barangay chairman, at nalaman na namin nasa amin na ‘yung listahan upang mabigay itong 10 kilo na sako ng bigas sa ating mga mahal na kababayan na nangangailangan ng tulong. [applause and cheers]

Huwag po kayong mag-alala na minsanan lang ito. Hindi po ito minsanan. Ang programa po na ito magbibigay po kami ng isang sako na 10 kilo, tigsa-10 kilo, gagawin po namin ‘yun anim na beses sa bawat taon. Ibig sabihin, bawat dalawang buwan, mayroon na naman sako ng bigas. [applause]

Kaya hindi naman… Kasi ano ba naman ‘yung minsanan, pagkatapos na maubos ay wala na. ‘Di bale po, tuloy-tuloy po ito.

At ‘yan ang aming nakita na malaking maitutulong sa ating bawat mga kababayan natin na hanggang ngayon ay naghihirap pa para makahanap at malagyan ng pagkain ang kanilang mga hapag sa kanilang mga tahanan.

Ang isa pang programa po ay ‘yung para sa mga bara-barangay naman. Ito po ang Socio-Civic Development Program. Ito po, ang ginawa po namin, ito ‘yung mga tsekeng nakita ninyo na daladala ng mga barangay chairman, ‘yan po ay tigda-200,000.

Ang hiningi lang namin sa mga chairman at sa mga opisyales ay ika namin, ‘yung kalahati ng 200,000, ‘yung 100,000 gamitin naman natin para sa mga scholar.

Magbigay tayo ng scholarship, tigtu-20,000 bawat scholar para bawat barangay mayroong limang presidential scholar. Presidential scholar na ang tawag sa kanila. May limang presidential scholar.

Ang guidance lang, ang instruction ko lang na binigay, hanapin ninyo ‘yung mga malapit ng magtapos. Pero mukhang – baka hindi magtapos dahil sa kakulangan ng pambayad, kailangan magtrabaho, o kung ano man ang naging dahilan. ‘Yan ang ating ginawa.

Nandoon po kanina sa labas ‘yung mga presidential scholars. Noong pagpasok namin nandito ay kinausap ko nga sila at sinasabi ko sa kanila, pagbutihin nila. Gamitin nila nang mabuti ‘yung scholarship nila. At napakahalaga ang magkaroon ng magandang pinag-aralan, may magandang edukasyon, at maraming kaalaman ang bawat tao.

Dahil po mga kahit – sila ngayon ay kabataan, nag-aaral pa. Darating naman po ang panahon na sila na ang leader ng bansa natin. Sila na ang magpapatakbo ng mga negosyo, ng mga ahensya ng gobyerno. Sila na po. Kaya kailangan handa na po sila.

Kaya po ‘yan ang ginawa po natin. Iyong 100,000, 20,000 kada isa, bawat barangay may limang iskolar.

‘Yung natira naman na 100,000, ika ko, ibigay na natin sa kanila, bahala na sila. Bahala na ‘yung mga barangay official kung saan nila ilalagay ‘yang perang ‘yan.

Halimbawa, mayroon na akong nakita sa labas tricycle na. So doon nagamit, 90,000 ‘yung motor tapos nagpagawa nung sakayan, tigsa-10,000 or something.

So magandang gamit ‘yun kasi magagamit talaga nang mabuti ‘yan. Kaya kani-kanilang idea ang nangyari. Marami akong nakitang iba-ibang ideas.

Iyong ibang barangay ginawa bigas pa rin eh. Dinagdagan lang nila ‘yung bigas. Kaya iba-iba kung ano ang pangangailangan.

Kasi para sa akin lagi kong sinasabi walang nakakaalam ng lugar ninyo na mas alam kaysa sa inyo ‘yung lugar ninyo. Walang ganoon. There is no person who knows more about Mandaluyong than the mayor. There is no person who knows more about the province than the governor.

Kaya’t bigay natin ang ano para mayroon kayong ‘yung initiative ninyo, kung ano ‘yung mga iniisip ninyo ay kayo na ang bahala na mag-implement para maramdaman ng taong-bayan itong mga tulong na binibigay ng pamahalaan.

‘Yan po, ‘yan po ang ating ginagawa at patuloy po ang aming paghahanap ng iba’t ibang paraan upang kayo po ay mabigyan ng tulong, kayo po ay naaalagaan, kayo po ay naaalalayan dahil po alam po natin marami pa po sa atin ang nangangailangan ng tulong.

Asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay hindi – hindi na kami nagpapahinga at lahat kami ay lagi kaming nag-iisip kung ano pa ba ang mga para-paraan na magagawa natin upang matulungan ang mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong at papaano paratingin ang tulong na ‘yan sa taong-bayan para maramdaman at magamit agad.

Kaya asahan po ninyo na ang pamahalaan ninyo ay nandito, ang pamahalaan ninyo ay laging nag-iisip ng lahat ng bagay na maaaring gawin upang tulungan kayo.

At hindi lamang na nag-uutos kami na ito ‘yung gawin ninyo, ito ‘yung gawin ninyo. Nakikinig din po kami. Kung may kailangan kayo, kung mayroon kayong nakikitang kailangan ayusin, sabihin po ninyo sa amin.

Gagawin po namin, hanggat kaya naming gawin, gagawin po namin. At tuloy-tuloy po dapat ang ugnayan. Hindi lamang sa gobyerno, kung hindi sa isa’t isa. At sa ganoong paraan, lahat ng pangangailangan at least malalaman natin at mahahanapan natin kung hindi solusyon, pantulong man lang.

Iyan po ang aming hangarin sa pamahalang na ito. Nandito po kami, nakikinig po sa inyo, nag-aalalay po sa inyo, nagmamahal sa inyo, at ginagawa ang lahat para pagandahin ang inyong mga buhay.

Maraming salamat po.

Magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]

— END —