Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Bawat Bayan Makikinabang: Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao Occidental
Daghang salamat sa ating SAP, Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo.
[Please magsiupo muna tayo.]
All right, maraming salamat to Secretary Anton Lagdameo sa iyong pagpakilala. Maayong adlaw ka ninyong tanan.
Maraming salamat sa napakainit na salubong na ibinigay ninyo sa akin. [applause] At ako naman… Kami po ay nandito upang unang-una ang una naming pinuntahan ang inyong ospital para tingnan kung ano ‘yung mga naging earthquake damage, ano na ‘yung mga kailangan pang gawin, at natingnan din natin ‘yung dapat na ma-inaugurate mga two weeks ago, ‘yung wing na bagong gawa.
Dahil malaman po ninyo na sa administrasyong ito napakahalaga para sa amin na maganda ang pag-alaga sa mga nagkakasakit sa ating mga kababayan. At hindi lamang sa mga nagkakasakit, inuunahan po natin ngayon. Hindi na natin hinihintay na magkasakit. Tinitiyak natin na… Halimbawa, ‘yung mga bata, kumpleto ang bakuna at nakakapagbigay tayo ng konsultasyon. Hindi na namin hinihintay na maging grabe pa ang karamdaman ng ating mga kababayan bago tulungan.
Sa umpisang-umpisa pa lang ay ginagawa namin ang lahat para maganda ang kinakain, maganda ang nutrisyon, maganda ang pag-alaga at pag-testing para habang maaga ay mas mabuti.
Ang kasabihan nga ‘yan sa English eh an ounce of prevention is better than a pound of cure. Kaya mas maganda ‘pag inuunahan natin. Kaya po healthcare po ay napakalaking prayoridad sa administrasyong ito.
Ito naman po aming ibang programa itong nasama sa Bawat Bayan ay Makikinabang ay puwede na ring sabihin, puwede na rin nating tawagin Bawat Barangay ang Makikinabang.
Dahil alam niyo po, ako po ay naging governor ng Ilocos Norte ng siyam na taon. Tatlo rin akong termino doon. Kaya nakita ko ang halaga ng local government at kung ano ang kayang gawin ng ating mga local government, mula sa gobernador hanggang sa mayor, hanggang sa barangay official.
At lagi ko ngang sinasabi kung hindi magtrabaho nang mabuti, kung hindi tumutulong sa national government ang mga local government, kahit gaano kaganda ang aming mga serbisyo na binibigay, kahit gaano kaganda ang mga benepisyo na dinadala ng national government,
‘pag hindi maganda ang naging ugnayan sa local government at saka sa national government ay hindi rin mararamdaman ng tao ‘yang mga serbisyong ‘yan, ‘yang mga benepisyong ‘yan.
Kaya mula sa umpisa ay sabi ko palapitin natin ang local government at saka national government. At maraming maitutulong sa lahat ng mga gagawin natin sa national government.
Kaya dapat ang pananaw namin ang local government partner talaga — kailangan partner ng national government.
At halimbawa, pagka nagkaroon ng sakuna, ‘yan kagaya nung dumaan na lindol. Pagka aasahan lang natin, ang first responder talaga kapag may sakuna, ‘pag may bagyo, ‘pag may lindol, kung may anuman, pagka may baha, ang first responder, ang una talagang pumupunta riyan ay ang mga local government officials at saka mga NGO at mga local.
Kaya’t kailangan, ang sabi ko, imbis na basta’t sasabihin tayo gagawa lahat, sabihin tulungan natin ang local government para magkasabay-sabay ‘yung ating mga ginagawa.
Dahil kapag hinintay niyo pa sa Maynila ang desisyon kung saan dadalhin ‘yung mga gamit, kung saan dadalhin ‘yung relief goods, eh baka matagalan
pa.
Eh pagka may ganyan, pagka mayroong disaster, ay dapat talaga mabilis ang galaw natin, mabilis ang pag-respond natin.
Kaya ‘yan po ay isang halimbawa kung saan natin ginagawa ngayon ay inuunahan, nagtutulungan kami ng local government. Lahat ng mga gamit dinadala na namin. Inuunahan na nga natin pati bagyo, pati lindol, kahit na anong klaseng sakuna.
Kaya ito po ang aming tema. Ito po ang aming laging ginagawa, ang aking pinipilit na dapat eh ang local government at saka national government ay talagang maganda ang coordination, maganda ang trabaho nila, maganda na sabay-sabay.
Kaya nagkabunga po nitong programa na ito na Bawat Bayan ay Makikinabang.
Ano bang ibig sabihin nito? Dalawa po ang kasama diyan sa programa. Mayroon po diyan isa pa ‘yung tawag na LGSF fund galing po sa national government.
Mayroon din po kaming binibigay na pondo para sa mga local government, sa mga governor, sa mga mayor para sa kanilang pangangailangan.
At para din para makatulong sa ating mga kababayan na hindi nakakatiyak sa kanilang pagkain ay makapagbigay – nakakapagbigay tayo doon sa mga nangangailangan ng bigas. Iyon po ‘yung sa LGSF.
Ito po kung saan tayo ngayon dito ay ang tinatawag na – iba naman ‘to Socio-Civic Development Fund – Projects Fund.
Ito po ay para naman sa ating mga bara-barangay.
At ang sistema po na ginagawa natin dito, lahat ng barangay sa buong Pilipinas ay binibigyan natin ng 200,000 piso bawat barangay.
Buong Pilipinas ‘to, hindi lang po dito sa inyo. [applause]
Ang hiningi lang natin sa ating mga barangay official ay ‘yung isang daan libo ay mabigay sa mga scholarship.
Kaya ang plano po ay ganito: 200,000 ibibigay natin sa barangay official, ‘yung 100,000 doon gagamitin para sa scholarship. Bawat barangay mamimili ng lima na scholar para matulungan naman na makapagtapos.
Ang sabi lang namin sa mga barangay official, siguro ang pinakamaganda, mamili kayo ‘yung mga malapit ng magtapos pero baka hindi makapagtapos dahil eh kulang sa pambayad, kailangan magtrabaho, kung ano man ang dahilan.
Ngunit so ang mangyayari diyan, bawat barangay lima ang scholar, tawag po natin diyan ay Presidential Scholar dahil itong pondo na ito ay galing sa Office of the President.
Kaya Presidential Scholar, tiglilimang Presidential Scholar ngayon ang kada barangay.
At bawat isa makakatanggap ng 20,000 piso para sa kanilang pangangailangan para naman makapagtapos sila. [applause]
Ito po ay napakahalaga. Ito nakikita ko, mayroon dito ‘yung mga ibang scholar ay nakarating dito.
At ang lagi kong sinasabi sa ating mga Presidential Scholar, sana mapakinabangan ninyo nang mabuti itong pondong ito dahil napakahalaga ‘yan para makapagtapos kayo.
Ang mahalaga ay makapagtapos kayo dahil kapag maganda ang inyong pinag-aralan, kapag maganda ang naging training ninyo, ay malaking bagay ito para makatulong sa inyong sarili, pagandahin ang buhay ninyo, pagandahin ang buhay ng inyong mga pamilya, pagandahin ang komunidad ninyo. At sa ganoong paraan para pagandahin ang buong Pilipinas.
Dahil iba po ang nakapag-aral. Marami pong kayang gawin, marami pong kaalaman. At lagi kong pinapaalala sa ating mga Presidential Scholar, ang natutunan ninyo, ang kaalaman na makukuha ninyo sa pag-aaral ay kayamanan ‘yan na hindi na mamawala sa inyo ‘yan. Hindi kayang agawin ‘yan, hindi kayang nakawin ‘yan, hindi ‘yan nalulusaw habang buhay ninyo, nasa sa inyo na ‘yan.
At araw-araw sa buhay ninyo, pagkatapos ninyo sa eskuwela, araw-araw ninyong magagamit ‘yang kaalaman na ‘yan. At ‘yun na nga, para naman mas madaming opportunity, mas maraming oportunidad para sumikat at para maging maganda ang buhay ninyo.
At alam niyo po, ang katotohanan niyan ay kailangan, darating ang panahon… Siyempre ‘yung mga kabataan akala nila matagal pa ‘yan. Pero darating na, malapit na ‘yan. Darating ang araw na kayo na ang namumuno.
Hindi lamang sa gobyerno, kundi sa mga negosyo, kundi sa mga kung ano-anong mga ginagawa.
Dahil po ay ang katotohanan sabi nga nila wala naman daw forever.
Siguro kami, kaming mga nakaupo ngayon, hindi naman kami forever na nandito. Darating ang panahon na kayo na ang mga lider ng Pilipinas.
Kaya’t kailangan handa kayo. May kaalaman kayo. Mayroon kayong karanasan, at kayo ay alam ninyo ang gagawin para makatulong sa ating mga kababayan, para makatulong sa inyong mga sarili, at para pagandahin ang ating minamahal na Pilipinas.
Iyan po ang halaga ng pag-aaral, ang halaga ng pagtatapo para mayroon naman kayong stock knowledge para kahit na anong papasukan ninyo ay patuloy ang paggamit ninyo dito sa mga bagong kaalaman na nakuha ninyo sa mga eskuwela.
‘Yun naman po ay 200,000 po, 100,000 bawat barangay bibigay natin sa mga Presidential Scholar.
‘Yun naman natira na 100,000 na nasa barangay chairman, hindi na po namin sinasabi sa mga barangay official kung saan nila gagamitin ‘yan.
Dahil, eto nga, naging karanasan ko bilang gobernador, wala nang mas alam ang sitwasyon ng isang barangay kung hindi ang mga barangay official.
Kahit na sinong expert, eksperto na magsasabi, hindi alam ko ‘yan. Hindi mo masasabi na mas alam nila ang sitwasyon sa barangay na ‘yan kundi tanong mo sa mga barangay official.
Kaya ‘yung isang daan libo, nasa sa inyo na ‘yan, saan niyo gagamitin. Marami po kaming… [applause]
Marami na rin po kaming napuntahan. Iba-iba po ang paggamit doon sa 100,000. ‘Yung ibang barangay bumili bigas para makadagdag doon sa rice giving natin na ginagawa sa LGSF. Bigas, binili.
‘Yung iba bumili ng motorsiklo. ‘Yung iba bumili ng mga monoblock, bumili ng computer, bumili ng parang gamit para sa agrikultura. ‘Yan po.
Kaya hindi na namin inuutos, hindi na namin sinasabi, eto ang dapat ninyong gawin. At palagay ko, nakakasiguro naman ako, alam naman ng mga barangay official natin kung saan gagamitin ‘yung pera na ‘yan.
At sinasabi ko sa ating mga chairman, sa mga official ng mga barangay, kung maging maganda ang resulta nitong programa na sinimula natin ngayon, basta’t maging maganda ang resulta nito, ay titiyakin natin palalakihin pa natin ‘yang pondong ‘yan. [applause]
Hihingihan ngayon natin ang ating mga congressman. Pagdating ng budget, pupuntahan natin ang mga congressman, sasabihin ko, “magandang programa ito, dagdagan ninyo ng pondo.”
Pero basta’t naman eh nakakarating sa tao, ‘yan lang naman ang mahalaga. Basta’t makarating sa tao ang mga serbisyo, mga benepisyo na dinadala ng national government.
Kaya napakaimportante po na ang development ng Pilipinas ay hindi lamang sa taas, hindi lamang sa matataas na opisyal, hindi lang sa Maynila, kung hindi sa bawat barangay sa buong Pilipinas.
Ang bilang ng barangay sa Pilipinas siguro mga 32,000 plus ang bilang ng barangay.
Nakapagtapos na tayo, nakapagbigay na tayo ng ganitong pondo, ‘yung 200,000 sa bawat barangay, nakapagbigay na tayo sa halos 37,000 na barangay ay nabigyan na. [applause] Tatapusin po natin hanggat mabigyan natin lahat ng barangay.
Dito naman ngayon, ang barangay na binibigyan natin ng 200,000 ay 565 barangays: Davao de Oro, Davao del Norte, and Davao Occidental.
Kaya ipagpatuloy po natin itong programang ito, ang ating mga scholar, gamitin ninyo nang mabuti itong pondong ito. Take advantage — pagsamantalahan ninyo na mayroon tayong pondo na maibigay at mag-aral kayo nang mabuti.
Trabahuhin ninyo nang mabuti ang inyong eskuwela.
At siguro naman, sana sa darating na – ‘yung susunod nating pagkikita ay may hawak na kayong mga diploma.
‘Yan po ang pangarap natin. ‘Yan po ay para – kaya natin ginagawa po ito. [applause]
Maraming, maraming salamat po. Good luck po sa inyong lahat.
At dadagdag ko pa po, bago po ako magtapos. Alam niyo po, ang pamahalaan, ang inyong pamahalaan, ay hindi lang nag-uutos sa inyo na ito ‘yung gagawin ninyo, ganyan ang gagawin ninyo, ‘yung mga opisyal, ‘yung mga kababayan natin.
Kami po ay kasama po diyan. Kami ay nakikinig po.
Kaya kung mayroon kayong mga hinaing, mayroon kayong mga inaalala, mayroon kayong nakitang maganda na sa palagay ninyo ay dapat gawin, sabihin niyo po kami. Sabihin ninyo ang inyong mga local official, sabihin ninyo ‘yung mga opisyal sa mga ahensya ng gobyerno, kung national man o kung local man, at kung kaya naming gawin, kung ito ba ay kung ano pa ang sasabihin ninyo sa amin kung ito ba ay makakatulong nang mabuti sa ating mga kababayan, hanggat kaya po ng ating pamahalaan, gagawin po natin para tiyakin na lahat ng pangangailangan ninyo o karamihan ng pangangailangan ninyo ay maibibigay natin sa inyo. [applause]
Asahan po ninyo ang pamahalaan ninyo – ang pamahalaan ninyo ay nandito, hindi kayo nakakalimutan kahit kayo’y nasa malayong lugar ay nandito po kami, ginagawa po namin ang lahat, nag-iisip kami na ginagawa din namin lahat ng kaya namin at alam naming gawin para tulungan at pagandahin at magdala ng kahit kaunting ginhawa sa inyong mga buhay.
Kaya asahan po ninyo na ang pamahalaan ninyo ay laging nandito para mag-alaga, mag-alalay, at tumulong sa inyong lahat.
Maraming, maraming salamat po. Magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]
— END —