Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Bawat Bayan Makikinabang: Camiguin
Unang-una, magpapasalamat ako sa init na salubong na binigay ng Camiguin sa akin dito sa aking pagdating ngayong araw.
Maraming, maraming salamat at talaga naman ay nakita ko ulit kung gaano kaganda ang probinsya ninyo at gaano talaga… [applause]
At gaano kababait ang mga tiga-Camiguin at hindi ka magtataka na ito ‘yung lugar na nakikita natin na kapag naayos natin, inayos natin ‘yung puwerto. Pagka palakihin natin, pagandahin natin ‘yung airport ninyo ay palagay ko talagang magdadagsaan ang tao rito at dadami nang husto ang mga magiging bisita ninyo.
Kaya siguro tamang-tama na itong mga ginagawa natin para mapaghandaan natin ang magiging mas maganda na takbo ng hindi lamang sa turismo, kung hindi sa lahat ng mga pagkakataon, mga oportunidad na ibinibigay kapag tayo ay maganda ang development.
Kaya po ang sadya ko po ngayon dito ay dahil tinitingnan ko po ang patakbo ng ating bagong mga programa.
‘Yung isa po diyan, nakita po ninyo, nag-distribute kami nang kaunti ng mga tigsasampung kilo na sako ng bigas.
At ‘yung iba nakatanggap na. Lahat ay makakakuha niyan dahil ito po ay nanggaling sa LGSF.
Ano ba ‘yung LGSF? ‘Yung LGSF is Local Government Support Fund.
At ito ay pondo talagang tinatabi para sa mga local government.
Ngunit sa nakaraan, hindi talaga nagagamit ng local government.
At alam kong – alam ko ‘yan dahil naging gobernador ako ng siyam na taon sa Ilocos Norte.
At sa siyam na taon na ‘yan, tinatanong ko sa aking mga kapwa governor, papaano ba maka-avail nung LGSF?
Lahat hindi malaman kung papaano ang gagawin. Patsamba-tsamba lang kung medyo may nakausap ka, kung pagbibigyan ka ng presidente.
Ngayon sabi ko, hindi, gamitin natin nang tama. Kaya ‘yang LGSF na ‘yan ay hindi na ginagawa… Ang ginagawa namin ay binababa namin ‘yang pondong ‘yan sa mga probinsya, sa bayan para may magamit ang ating mga local government officials.
‘Yun lamang, ang isa pang – ang sinabi lang natin ay gumawa ng listahan ng ating mga
kababayan na nangangailangan ng tulong na makapagdala ng pagkain sa kanilang mga pamilya at nahihirapan na makapagpakain sa kanilang mga pamilya.
Kaya sabi ko, gamitan ninyo — gumawa kayo ng listahan niyan. At local government ang magaling gumawa niyan.
Sabi ko sa kanila, gumawa kayo ng listahan ng mga taong ‘yan at ‘yan ay bibigyan natin ng bigas na tulong sa pamamagitan ng pagbigay ng bigas. At itong mga – ‘yun na nga ‘yung nakita ninyo, ‘yung tigsasampung kilo na sako.
At ito po ay para tiyakin. Dahil po para sa akin, ang tanging pangarap ko bilang Pangulo ay makita natin at masabi natin na wala ng gutom na Pilipino. [applause]
‘Yun lang naman. Basta’t maabot natin.
Basta’t maabot lang natin ‘yun, talaga sasabihin ko successful na, maganda na ang nagawa ko bilang Pangulo.
Basta’t masimulan natin na tumutulong tayo. At ito pong pagbibigay ng bigas na ito, kagaya ng sabi ni Gov sa akin, second round na ito. Second round na ito dahil hindi lang po minsanan ‘yan.
‘Yang pagbigay ng tigsasampung kilo na sako ng bigas ay gagawin namin anim na beses sa bawat taon. [applause] Every two months, mayroon na naman pong ibibigay. At patuloy-patuloy po natin.
Ngunit hindi lang sa bigas nagamit ‘yung tinatawag na LGSF. Mayroon pa akong nakita rito, ginamit para sa kasalukuyang pagpapatayo ng multipurpose building sa municipal ground, Phase 2 ng multipurpose building sa Purok 1 Poblacion, Catarman na pagpapalawak din sa Catarman Hospital.
Kasi para sa akin dahil nanggaling ako sa local government ay sinasabi ko huwag na tayong – hindi kami nag-uutos, huwag na tayong nag-uutos sa kanila kung ano ‘yung gagawin nila.
‘Yun lang ang hihingiin namin ‘yung bigas. Kung ano pang pondo na mayroon sila, bahala na sila diyan.
At alam nila kung ano ang gagawin nila sa perang ‘yan. Alam nila kung saan nila ilalagay. Alam nila kung saan ang talagang nangangailangan.
Kaya we leave it up to the local government officials to decide what to do with the Local Government Support Fund kapag mayroong – ‘yung hindi nagamit para sa pagbigay ng bigas.
‘Yan po ang ating ginagawa. Kaya ang tawag po ng programa nito ay Bawat Bayan Makikinabang. Dahil binababa po namin sa
ating mga local government.
Malaki po ang tiwala ko kasi sa local government. Marami po ako – noong nasa local government pa ako, marami po akong nakilala na aba magagaling ito bakit ‘di natin masyadong naririnig o nabibigyan ng pagkakataon para ‘yung mga initiative ng mga local government officials ay magawa naman nila.
Mayroon silang gagamitin para magawa nila.
Kaya’t ‘yan po ang aming ginawa. Dahil po kung ito ay ginawa namin, sabihin natin national government lang ang gumawa nito.
Papaano? Gagawa kami ng listahan kung sino ang mga benepisyaryo. Papaano namin gagawin? Magpapadala kami ng team dito. Magse-survey-survey. Gaano katagal
‘yun?
Tapos ‘yung listahan na ‘yun, iaakyat sa DILG para titingnan at saka sa DSWD, kung tama ‘yung listahan. O ‘pag na-confirm, okay, sige, puwede. Gaano katagal ‘yun?
Mabilis na rin ‘yung anim na buwan. Hindi ba? Kasi aakyat pa ‘yun para bago ma-approve, tapos bababa ulit bago ma-implement.
Eh kako nga sa kanila, bakit pa tayo gagawa ng listahan? Ang mga governor, ang mga mayor araw-araw nila inaayos ‘yang listahan na ‘yan. Basta hingiin niyo sa isang governor, hingiin niyo sa isang mayor, doon sa file cabinet niya, may listahan na ‘yan.
At saka every day, pinapa… Ito, nag-graduate, maganda na. Ito, naging mahirap ito, sama natin sa listahan.
Kaya ‘yan po ang ginawa namin. Kaya nakita naman ninyo, nagsimula lang ito mga tatlong – nakaraang mga apat na buwan. Nakadalawang ikot na dito sa Camiguin.
At dito sa Bagong Pilipinas Rice Program,
5,096 ang benepisyaryo dito sa Camiguin. [applause]
[inaudible]
Oo. Dito na? Ah, good. Ah, all right. Nandito pala kayo. Nandito ang ating mga benepisyaryo. Buti na lang may maganda kayong stadium na pinagkasya ninyo lahat.
Kaya ‘yan po ang LGSF. ‘Yan ‘yung una.
May kasamang bigas, may kasamang mga ibang project ng ating mga local government.
‘Yung isa pa po na proyekto namin ay dinadaan po natin sa… Ang tawag namin Socio- Civic Development Program. Ito naman ay para sa mga barangay.
Binigyan po natin ang bawat barangay ng tigda-200,000 piso para mayroon silang magamit. [applause]
Dahil ulit, ginawa namin ito dahil sa naging karanasan ko noong governor ako. Kapag lumalapit ‘yung barangay kung minsan ay sasabihin ng barangay ‘yung share namin, papaano ‘yung ano 10 percent ng barangay.
Mayroon kaming gustong ayusin, mayroon kaming gustong itayo. Laging nangyayari nako nagamit na sa iba eh. Wala nang naiwan para sa mga barangay.
Kaya sabi ko, baguhin natin ulit ‘yan, aayusin natin. Kaya gumawa po tayo, itong SCPF ay ginawa po natin, binigyan natin bawat barangay sa buong Pilipinas, buong Pilipinas, lahat ‘yan ay binigyan natin ng 200,000 kada isa. [applause] ‘Yun lamang.
Ang hiningi lang namin sa ating mga barangay official, kalahati doon ay gagamitin para sa scholarship. So, 100,000, kalahati ng 200,000 ay gagamitin para sa scholarship.
Kaya nagkaroon na ng tinatawag na presidential scholar. So, papaano ang sistema?
Ang sistema ay bawat barangay ay ‘yung mga barangay official, mamimili sila ng limang scholar bawat barangay. Ang bawat scholar, makakatanggap ng PhP20,000. Dahil nga, ito para maging – tawag na ngayon sa kanila presidential scholar.
So, lahat-lahat sa buong barangay, we have more than 42,000 barangays in the country.
At pagka nabuo natin ‘yang ganyang klaseng sistema ay napakarami ang mapapaaral natin at alam naman po natin napakahalaga ng edukasyon.
Lalong-lalo na kailangan suportahan natin nang mabuti ang ating mga kabataan dahil ito ay magpapaganda sa kanilang buhay, magpapaganda sa buhay ng kanilang pamilya.
At sa ganoong paraan, mapapaganda ang buhay dito sa buong Pilipinas. Kaya po ‘yan po ang inuna namin na ang mga – kada barangay mayroong 20,000 para sa lima na scholars.
At sa ngayon ay naka… Kung sa 40,000 plus na barangay sa buong Pilipinas, nabigyan na natin ang 23,431. Halos nakalahati na natin. Kaya tuloy-tuloy… By the end of the year, matatapos ito. By the end of the year, matatapos ito.
Ngayon, doon sa pondo na binigay natin sa barangay, 200,000, 100,000, nilagay sa scholarship. Paano ngayon ‘yung natira na 100,000? Bahala na ‘yung barangay official. Alam ng barangay kung ano ‘yung kailangan niya. [applause] Mayroon silang magamit.
Sa mga napuntahan ko, kung saan-saan napupunta. Iyong ibang barangay, bigas din ang binili para tumulong ulit. Bigas din ang binili.
Mayroon bumili ng mga rescue vehicle; mayroon ‘yung nag-ayos ng barangay,
‘yung kanilang opisina; ‘yung isa, iba tulong sa pulis, iba-iba.
Pero iniiwanan na namin sa mga barangay chairman dahil lagi kong sinasabi ang isang chief executive sa isa, sa probinsya man, sa lungsod man, sa bayan man, sa barangay man, sino ‘yung mga opisyal diyan, alam nila nang mabuti kung ano ang problema doon.
Mas alam nila kaysa sa amin. Dahil araw-araw nandiyan. At araw-araw kausap ang tao.
Kaya binigay na namin sa kanila para mayroon kayong magamit naman. For the same… Kagaya nung LGSF, para sa ibang mga local government, ay para mayroon kayong magamit, para for your own initiatives.
At nakakatiyak ako na ito’y mapupunta sa magandang paraan. Ang biro ko nga eh, malakas ang loob ko, malakas ang tiwala ko sa mga local government na hindi mapupunta sa mga alanganin na flood control project ‘yan.
Dahil ganito ‘yun – ganoon ang naging experience ko sa Ilocos. Pagka hindi maganda ‘yung trabaho mo, talagang nako pupuntahan ka ng tao. At sasabihin sa’yo, sisi – lalo na ‘yung mga… Naalala ko sa Ilocos, ‘yung mga auntie ko pinapagalitan ako ‘pag hindi maganda ‘yung mga ginagawa ko.
Kaya mayroong – may monitoring system na pormal, mayroon ding monitoring system na informal na siguro para sa akin mas mabisa pa kaysa sa dun ang ginagawa natin sa government.
Kaya ‘yan lang po at tiyakin po natin na lahat ng nangangailangan ay mabibigyan natin ng tulong.
Kaya po asahan po ninyo na ang pamahalaan ninyo ay nandito kasama ninyo. Hindi po kayo nakakalimutan.
Panay ang ulit na ang Camiguin daw second to the smallest. Sabi ko walang saysay ‘yun. Basta’t may tao doon, may Pilipino doon, kailangan natin tulungan. [applause]
Hindi naman na palibasa’t malalaki ang probinsya ay nauuna. Hindi naman dapat ganoon.
Kaya ‘yan ay pinagpatas-patas, pinagpantay-pantay po natin ang pagtrato sa lahat ng ating mga kababayan, sa lahat ng tulong na ibinibigay natin. Asahan po ninyo ‘yung pamahalaan ninyo ay laging nandito at laging iniisip kung papaano kayong tulungan,
kung papaano tulungan ang mga nangangailangan ng tulong, kung papaano alalayan ang pang-araw-araw ninyo na buhay.
At alam niyo po may idadagdag pa po ako kami sa national government binago na namin ang pag-iisip. Hindi lang kami nagsasabi sa local government na ito ‘yung gagawin ninyo, ganyan ‘yung gagawin.
Nakikinig din po kami. Kaya kapag mayroon kayong naiisip o mayroon kayong nakikita na hindi tama o mayroon kayong naiisip na solusyon sa problema doon sa lugar ninyo, sabihan niyo po kami.
At gagawin namin ang lahat kung basta’t makita na maganda naman ang inyong proposal, hanggat kaya po ng pamahalaan, gagawin po namin lahat ‘yan para matiyak nga na ang ating mga kababayan ay mabigyan naman kahit papaano nang kaunting ginhawa.
Maraming, maraming salamat po.
Mabuhay po kayong lahat. [applause]
— END —