Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Batangas, Bawat Bayan Makikinabang Event

Speeches 24 April 2026

Maraming, maraming salamat sa ating Executive Secretary, anak ng Batangas, ang Executive Secretary, Secretary Ralph Recto. [applause]

Babatiin ko rin ang butihin at matalik kong kaibigan na – ay magsiupo po tayo.

Babatiin ko rin po ang ating butihing gobernadora na kaibigan ko. Alam niyo po ang katotohanan ay mas nauna ko pa naging kaibigan si Ate Vi – Ate Vi pa lang siya noon, hindi pa siya gobernador noon. [applause]

Bago ko naging malapit naman sa pamilya ni Ralph Recto at kababata ko silang pareho. Ngunit hindi ko akalain na bibisita ako rito sa Batangas bilang isang Pangulo na magbabati sila sa isa’t isa, eh may kilig pa nang kaunti. [laughter]

Sa ibang probinsya walang ganyan eh, dito lang ‘yan sa Batangas.

Ang dating congressman and present mayor; magandang hapon ang ating mga kongresista na nandito; lahat ng LGU executives, mga mayor; at ang ating mga barangay officials, mga ABC President, barangay chairman na nandito lahat; at ang isa pang grupo ng beneficiary, ang ating mga iskolar na ating binibigyan nang kaunting tulong. [applause]

Ako po ay nagagalak na makarating dito sa inyo sa Batangas, hindi lamang dahil matagal-tagal na rin na hindi ako nakakapagbisita at lagi ko naman — lagi kong tinitingnan kung kailan ako makakabalik at ako’y natutuwa na nabigyan naman ako ng pagkakataon na makabalik ngayon sa inyo rito.

Lalong-lalo na dahil ating inilalabas at sinisimulan itong ating mga bagong programa. Ito nga ‘yung ating narinig, itong – unang-una, ‘yung sa LGSF. Ang ginawa po namin ay magbibigay kami ng pondo sa mga LGUs, sa mga probinsya, sa mga city government.

At kung minsan ‘pag pinag-uusapan ang LGUs, ‘pag narinig mo na LGU, iniisip lang natin bayan, sa lungsod at saka probinsya. Hindi po natin dapat makalimutan ang barangay. [applause]

At kaya naman sila ay kasama, ay isang napakahalagang bahagi nitong ating mga programa na ginagawa. Iyong LGSF po ay binibigay natin sa mga local government executives upang tumulong sa ating mga programa na inilalahad ng ating pamahalaan.

At ganoon din sa ating mga barangay ay nagbibigay din tayo dito sa ating ibang programa naman na nanggagaling sa Socio-Economic Development Fund, ay lahat po ng pondo na ito… Halimbawa ‘yung LGSF po, matagal na pong nandiyan. ‘Yung Socio-Economic Development Fund – Projects Fund, nandiyan na rin, matagal na rin ‘yan.

Ngunit hindi ko po makalimutan nung governor ako, nakikita ko itong mga pondong ito, hindi naman nabababa sa local government, at nagagamit kung saan-saan.

At siyempre alam na alam natin – alam mo three terms din po ako nag-governor sa Ilocos Norte. So siyam na taon ako nandoon at marami talaga akong natutunan.

Kaya mula noong naging governor ako, bago po ako naging Presidente, naging vice governor po ako, naging governor ako, tapos naging congressman ako, naging governor ulit. Lagi akong sinisipa sa trabaho ko kaya pabago-bago. Bago naging congressman ulit, tapos naging senador.

Kaya mula noong nag-governor po ako, sinasabi ko na, bakit hindi niyo ginagamit ang ating mga local government? At ang nararamdaman ko dati bilang gobernador ay inuutusan lang kami ng national government, itong gawin ninyo, itong gawin ninyo.

Hindi naman bagay. Sabi ko, madalas ko ngang sabihin noong una akong naging senador sinasabi ko sa mga kasama ko, si Senator Ralph noon, alam niya ito, ay sinasabi ko sa kanila, alam niyo ‘yung mga ginagawa ninyong mga panukala ay maganda ‘yan kung tingnan mo sa papel. Pero sinasabi ko sa iyo bilang dating gobernador, pagbaba niyan sa local level, walang mangyayari diyan dahil hindi tama ‘yung approach ninyo. [applause] Kaya kailangan baguhin ninyo ang inyong pag-iisip.

Kaya mula noon ay lagi kong iniisip ang local government ay in many ways, puwede mong sabihin, ay napakahalaga para sa buong pamahalaan, sa lokal na pamahalaan at sa pambansang pamahalaan.

Dahil lagi ko pong sinasabi, kahit napakaganda ng mga programa, ng mga proyekto ng national government, kung hindi po sisipagan, kung hindi po gagawin nang maganda ang trabaho ng ating mga local government, ang taong-bayan wala naman pong mararamdaman.

‘Pag hindi maayos ang patakbo ng mga mayor, ‘pag ‘di maayos ang takbo ng ating mga board member, ‘pag hindi maayos ang ating mga barangay chairman at saka barangay official, hindi po aabot kahit na ano pa ang binibigay ng national government.

At ang katotohanan, hindi kaya ng national government gawin lahat ‘yan kung hindi tulungan ng local government. Kaya po, ito po ang naging resulta po niyan. [applause]

Ang naging bunga po niyan, ng pag-iisip na ‘yan, itong mga programang kagaya nito na LGSF, na nagbibigay tayo sa local government executives, nang sa ganon ay magawa nila lahat ng mga kanilang pangangailangan.

At naisip din namin, dapat ‘yung mga barangay dahil kailangan natin tulungan… Dahil alam naman natin, ilang beses natin naririnig sa pagka umabot – pagka ‘yung mga barangay chairman ay kailangan namin – ‘yung barangay at saka SK – lagi natin naririnig, ‘pag dumating sa kanila, mayroon silang proyekto, mayroon silang gustong gawin. Sasabihin, “wala na tayong pondo. Nagamit na ‘yung 10%, napunta na kung saan-saan.”

Sabi ko, hindi naman siguro tama ‘yun. It’s time already na may hawak na pondo rin ang ating mga barangay chairman. [applause]

Dahil kung ano man ang kayamanan ng national government ay hindi dapat maiwan sa taas, dapat maibaba lahat ‘yan. [applause] At ‘yan ang pinakamahalagang trabaho ng lahat ng public servant.

Kaya sabi natin mag-isip tayo, mag-isip tayo. Kaming dalawa ni Sec. Ralph, mag-isip tayo ng magandang programa para matulungan ang ating mga barangay chairman, ating barangay officials, na makapagbigay din – mailabas din nila ‘yung kanilang initiative para kung ano ang pangangailangan nila.

Dahil lagi ko pong sinasabi as a local government official, noong gobernador ako, pinagmamalaki ko lagi, walang mas nakakaalam dito sa probinsya ko kaysa sa ako. Ako ang gobernador dito. Kung may mas marunong dito, siya ang dapat maging gobernador. Dapat ‘yung gobernador, ikaw ang pinakamarunong doon sa lugar mo. [applause]

Kaya naniniwala din ako, lahat ng mayor, kayo ang pinakamarunong doon sa bayan ninyo. ‘Yung mga barangay chairman, ‘yung mga barangay official, kayo ang nakakaalam kung ano ba talaga ang kondisyon doon sa lugar ninyo. [applause and cheers]

At lagi ko pong sinasabi noon pa, sinasabi ko, makinig kayo, ‘yung mga national official, makinig kayo sa local government. Dahil magbibigay nga naman sila ng problema nila, pero madalas sila rin ang magbibigay sa iyo ng solusyon doon sa problema nila. Dahil hindi namin alam ang kondisyon doon sa inyo.

Kayo magsasabi ang puwedeng gawin, ganito, ganyan, ganyan, pinakamaayos na solusyon diyan ay ganito, ganyan. Kaya nabuhay po itong mga programang ito upang mabigyan ng pagkakataon ang ating mga local government official na tugunan ang talagang mga problema na hinaharap ng kanilang mga constituent, ang mga nandoon na inaalagaan nila sa kanilang mga bayan, sa kanilang mga barangay, sa kanilang mga lungsod, sa kanilang mga probinsya. ‘Yan po ang pinanggalingan po nitong lahat ng pag-iisip na ito.

At idadagdag ko na rin, hindi po kasama dito sa programang ito, ngunit kahit na ‘yung pagpatayo po natin, dahil kulang na kulang tayo sa silid-aralan, kaya’t gumagawa kami ng malawakang proyekto para magtayo ng silid-aralan.

Ngunit tinanong ko, kung pinakamabilis natin na pagtayo ng silid-aralan, ilan ang magagawa natin? Eh ang kulang natin, ganito karami. Anong magagawa natin sa bawat taon? Ganito lang eh. Kakaunti naman. Bakit ganyan? Eh hindi tayo matatapos niyan.

Naisip ko rin. Sabi ko, kayang-kaya ng mga local government ‘yan. Kaya pati sa pagpatayo ng silid-aralan, kasama na ngayon ang local government. [applause and cheers]

Kaya po patuloy po natin ginagawa ito para makatulong din. At unang-una, alam po ninyo, nabanggit na ‘yung PhP200,000 na ibinibigay natin sa kada barangay ay PhP100,000 doon ay para sa education – para sa mga iskolar na gagawin natin presidential scholar. [applause]

Tigda-PhP20,000 ang ibibigay natin. Mamimili ang ating mga barangay official ng lima na deserving student para naman tiyakin ay makatapos naman sila.

At sa ating mga province, sa ating mga bayan ay ganoon din ang ating ginawa. Dinaan naman namin po sa Local Government Support Fund, ‘yung LGSF, at upang ito naman, ‘yung programa na pagbigay ng bigas. Dahil ito ay napakasimpleng bagay, ngunit napakalaki po ang epekto po nito.

At asahan po ninyo, hindi ito minsanan. Hindi ito nangyari ganito, magpoprograma tayo, magpapa-picture tayo, tapos wala na, hindi niyo na makikita.

Halibawa, ‘yung pagbigay ng bigas ay kada dalawang buwan ay magbibigay ulit ng bigas. So anim na beses sa isang taon. [applause]

Dahil po noong una akong umupo bilang Pangulo ay may nagtanong sa akin na hindi ko ine-expect na tanong tinanong sa akin, “ano ba talagang – pagka natapos ka…” Nagsisimula pa lang ako noon pero ‘yun ang tanong, “pagka natapos ka, ano ‘yung talagang pangarap mo para sa Pilipinas na sana natupad mo?”

Ang sabi ko, ang pangarap ko ay sana pagbaba ko bilang Pangulo ay wala nang gutom na Pilipino. [applause] Kaya dahan-dahan po natin tinatrabaho na umabot tayo doon sa pangarap… Maging totoo ang aking pangarap.

At para naman sa barangay, ‘yung dalawang daan ay para ‘yung mga iskolar dahil po napakahalaga na ang ating mga kabataan ay makapag-aral.

Dahil alam naman natin sinasabi – matagal na nasa eskwela pa tayo naririnig natin, ang pag-asa ng bayan ay ang ating kabataan. Totoong-totoo po ‘yun.

At ang pag-aaral at pagka nag-graduate, basta may pinag-aralan, kahit na po ano pang mangyari sa taong ‘yun, ‘yang yaman na ‘yan na na-train sila nang mabuti, na marami silang alam, na natuto sila, may disiplina sila, ‘yang yaman po na ‘yan ay kahit ano pang gawin, hindi kayang nakawin ng kahit sino. [applause] At ‘yan po ay magagamit ng ating mga kabataan habang buhay nila.

Kaya sa palagay ko isa na ito sa pinakamagandang maibigay natin para sa ating mga kabataan.

Patuloy po nating gagawin ito. At sinasabi ko sa inyong lahat, kagaya nang sabi ko, huwag ninyong isipin na minsanan lang ito.

Ngunit babalik ko rin sa inyo. ‘Pag sa ating mga government officials, sa ating mga local government, pagbutihan ninyo itong ginagawa nating mga programang ito. ‘Pag maganda ang maging resulta nito, asahan ninyo sa susunod na budget, lalakihan pa namin ang pondo para dito. [applause and cheers]

The success or failure of these programs depends upon our working together well. ‘Yung pagkakaisa ng national government — pagkakaisa sa national government at saka sa local government.

At kung maayos ang maging trabaho natin, makikita ng tao ‘yan. At masasabi natin ay maganda pala ito. Dagdagan natin ng pondo para mas malawak pa, mas marami pa tayong matutulungan, mas marami pang magkakaroon ng benepisyo dito sa ating ginagawa. [applause] Nagkataon naman po, nataon itong programang ito, talagang ito ang schedule ng mga programang ito. Eh nataon pa na nagkaroon ng giyera sa Gitnang Silangan.

At alam naman natin ang nagiging problema. Tumaas ang presyo ng langis. At alam na natin ‘yan. ‘Pag tumaas ang presyo ng langis, kasama na diyan lahat ng bilihin ng tao.

Sabi ko naman sa ating mga economic manager, ika ko, wala naman tayong magagawa doon sa langis dahil wala naman tayong sarili natin. Mayroon tayong kaunting gas pero kakaunti lang. Kaya umaasa tayo sa presyuhan sa ibang bansa.

Ngunit ang maaari nating tulungan ay ang presyuhan ng pagkain. Kaya po ito ay naging kasama sa ating pag-iisip.

At sa palagay ko naman, itong mga programang ito ay patuloy na gagawin at tamang-tama ay dahil may krisis ng langis at tamang-tama ay ‘yung mga nangangailangan ay matutulungan.

Sana po ay ito ay maramdaman ng lahat. Titiyakin po natin na ito ay nararamdaman, maramdaman ng lahat. Hindi lang po ng mga opisyal, hindi lamang po ang mga nakakalapit, may access, ika nga. Ngunit lahat po ng taong-bayan, lahat po ng ating mga kababayan.

Ito ay galing lang po dahil alam naman natin tayong lahat, lalo na tayong mga nasa public service, nasa serbisyo publiko, ito po ay dahil lahat, bunga lahat ng ating pagmamahal sa ating mga kapwa Pilipino, sa ating minamahal na bansang Pilipinas.

Kaya po hindi po kami titigil, kaya po hindi po kami magpapahinga, hindi na kami natutulog, hindi na kakain hanggang po masabi natin na lahat ng ating kayang gawin ay ginawa natin at naramdaman ng tao, at marami tayong natulungan, at marami tayong nagawa pagandahin ang Pilipinas. [applause]

Mabuhay po kayong lahat!

Maraming, maraming salamat po. [applause and cheers]

Tinapatan niyo po ‘yung init ng panahon sa init ng pagsalubong sa akin.

Maraming, maraming salamat po. [applause and cheers]

Magandang hapon po.

Mabuhay ang Batangas!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause]

— END —