Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the 32nd National Correctional Consciousness Week

Speeches 28 October 2026

Maraming salamat sa ating Justice Secretary, Secretary Fredderick Vida; ang Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda [Magsiupo tayo]; officials from the Bureau of Corrections led by Director General Gregorio Pio Catapang Jr.; Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Jesse Hermogenes Andres; ang mga kasama ko sa pamahalaan; mga kababayan ko.

Magandang umaga sa inyong lahat. [Applause]

Ako’y nagpapasalamat sa inyong paanyaya sa pagdiriwang ng ika-32 National Correctional Consciousness Week.

Ang correctional system ay mahalagang bahagi ng criminal justice system natin. Sa pamamagitan nito, nasisiguro natin na may pananagutan at hustisya sa ating bansa.

Gayunpaman, naniniwala ang pamahalaan na ang bawat taong nagkamali at humarap sa pananagutan ay dapat ding bigyan ng pagkakataon na magbago at makapagsimula muli. [Applause]

Batid ng pamahalaan ang lahat ng mga problema: masisikip na bilangguan, mabagal na pag-usad ng kaso, at kawalan ng access sa tulong na legal.

May mga person deprived of liberty o PDL na nananatiling nakakulong kahit nakapagsilbi na sila ng kanilang sentensya. Ang ilan ay nangangailangan lamang ng tulong ng isang abogado upang maayos ang kanilang mga papeles.

Completing a sentence should mean going home to your family, not waiting for delayed paperwork.

Hindi natin dapat hayaang maantala ang paglaya ng mga kuwalipikadong PDL dahil sa kakulangan ng serbisyong legal.

Matagal na natin itong isinusulong. Simula pa lang po ng administrasyong ito, sinabihan ko na ang DOJ na pagtuunan ng pansin ang ating correction system; siguruhin na may tulong legal ang mga PDL; at pabilisin ang paglaya ng mga nakatapos na ng kanilang sentensya.

Ito ay natutunan ko nung governor ako ng Ilocos Norte at nag-inspect ako sa Laoag City Jail dahil yung isang mother nung isang preso ay nagreklamo sa akin at sabi yung pagkain, na hindi daw ginagamit yung buong budget kaya’t pinuntahan ko at naayos naman namin

Ngunit marami akong nakita na sinasabi ko, hindi dapat nakakulong na ito. Ang problema lang ay wala silang abogado. Hindi nila kayang makakuha ng abogado. Ngunit, kung mabigyan sila ng tulong na legal ay makakalaya na sila.

Nagkataon naman, ang aking asawa ay isang abogada at siya’y nagtuturo sa law school, sa eskwelahan doon sa amin sa Ilocos. At kaya ang ginawa niya ay dinala niya ang mga estudyante niya na tinuturuan niya. Dinala niya sa kulungan at dahan-dahan, nakausap niya yung mga iba’t ibang nakakulong at yung iba’t iba naman ay napalaya namin.

Kaya ito, nung dumating ako bilang Pangulong, nung umupo ako bilang Pangulo, sabi ko, palagay ko, ganyan din ang sitwasyon sa ibang mga kulungan. Kaya isa sa pinakauna kong ginawa bilang Pangulo ay sabihan ang ating DOJ, ang secretary pa nun, si Secretary Boying Remulla, at sinabi ko sa kanya, ito ang sitwasyon. At nagkataon, alam na alam din niya na ganun talaga.

Kaya ginawa namin lahat ng maaring gawin, 2022 nung ako’y naging Pangulo. Kaya patuloy natin pinagbubuti ang proseso at ang serbisyo. Sa pamamagitan ng Katarungan Caravan, inilalapit natin ang serbisyong legal sa ating mga kababayan, kabilang na ang mga PDL.

Sa ilalim ng Bilis Laya Program, nakikipagtulungan tayo sa mga volunteer lawyer upang mapabilis ang pagsusuri ng mga record at dokumento ng mga PDL at kuwalipikado na makalaya.

Nakita rin natin ang halaga ng ganitong tulong noong ika-20 ng Oktubre, sa pagbisita ng Unang Ginang, si Liza Araneta-Marcos dito sa inyo, sa Bilibid Prison.

Sa araw na iyon, 43 kuwalipikadong PDL ang tumanggap ng Certificates of Discharge from Prison, habang 857 naman ang nakinabang sa serbisyong legal. [Applause]

Nagpapasalamat ako sa inyo, sa inyong mainit na pagtanggap sa ating Unang Ginang.

Sa loob lamang ng apat na taon, umabot na sa 36,000 PDL ang nakalaya sa pamamagitan nitong mga repormang ito. Nakatutulong ito sa pagbabawas ng pagsikip ng bilangguan at muling pagsasama sa ating mga pamilya.

Mahirap ang magbagong-buhay kung masikip at hindi maayos ang ating mga bilangguan.

Kaya isinusulong din natin ang pagpapalawak at pagbubuti ng ating mga pasilidad upang magkaroon ng mas ligtas at mas maayos na lugar para sa rehabilitasyon.

Kabilang dito ang Palawan Mega Ecozone – iyong nakita natin sa video – sa Iwahig Prison and Penal Farm, at ang panukalang Sablayan Mega Ecozone sa Occidental Mindoro. Isinusulong din natin ang panukalang BuCor Global City sa Muntinlupa City.

Sa Palayan City, Nueva Ecija naman ay itinayo natin ang Central Luzon Regional Prison Facility. Ito na ang kauna-unahang regional correctional system na ipapatayo makalipas ang mahigit 50 taon, mula nung itatag ang Leyte Regional Prison noong 1973, sa ilalim ng administrasyon pa ng aking ama.

Higit sa pagbubuti ng ating mga pasilidad, mahalaga na handa ang ating mga PDL sa kanilang pagbabalik sa lipunan.

Kaya habang nasa loob pa ng ating mga pasilidad, nagbibigay na tayo ng education sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS, vocational training tulad ng mga welding, mga programang pangkabuhayan tulad ng woodcraft at handicrafts.

Patuloy tayong nagbibigay ng skills training sa mga PDL sa tulong ng TESDA.

Ngayong linggo, magbibigay din ang TESDA ng scholarship vouchers para sa skills training na lagpas na dalawang daan na PDL, kasama na ang mga nakatakdang lalaya na. [Applause]

Magbibigay rin ang DSWD ng cash assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.

Sa mga PDL natin na nakatakda at iyong malapit na lumaya, taos-puso ko kayong binabati.

Pangalagaan ninyo ang mga mabubuting natutunan ninyo sa loob ng koreksyonal. Gamitin ang mga kasanayan upang makahanap ng marangal na hanapbuhay at makatulong sa inyong mga kapwa.

Para naman sa inyo na nananatili pa sa pasilidad, sa pamamagitan ng e-Dalaw, maaari ninyong makausap ang inyong mga mahal sa buhay kahit hindi sila makadalaw dito nang personal.

Hinihikayat ko kayo na samantalahin ang mga programa sa edukasyon at pagsasanay upang maihanda ang inyong sarili sa paglabas sa bilangguan.

Nais nating mas marami pang PDL ang makalaya sa tamang panahon.

Kaya hinihikayat ko ang mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa mga law school at organisasyon ng mga abogado upang mapalawak ang libreng tulong na legal. Maaari ring makilahok ang mga kuwalipikadong law student sa gabay ng mga abogado.

Sa pamunuan ng BuCor, tiyaking naaayon sa batas at dumaraan sa maayos na pagsusuri ang bawat na paglaya.

Every release should be done painstakingly. Second chances should never come at the expense of public safety.

Walang special treatment. Walang iligal na paggamit ng cellphone. At tuldukan natin ang operasyon ng iligal na droga sa ating mga bilangguan.

Hinihikayat ko rin ang DOLE, at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan, mga LGU, pati ang pribadong sektor na magbigay ng pagkakataon sa ating mga bagong laya.

Ang makataong hustisya ay pagpapatupad ng batas nang may pananagutan at paggalang sa dignidad ng bawat tao.

Maraming salamat sa inyo. Mabuhay ang ating mga bagong laya!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [Applause]

—END—