Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the 2025 Galing Pook Awards Ceremony The Ten Outstanding Barangay Initiatives

Speeches 3 December 2025

Maraming salamat sa ating DILG — Kalihim ng DILG, Secretary Jonvic Remulla.

[Magsi-upo po tayo.]

Mga opisyal ng Galing Pook Foundation led by its Chairperson, which we are very sad that you are leaving – you are leaving that position but I’m sure you will not – you will not leave your advocacies in local government; the other officials from the Department of Interior and Local Government and its affiliates; SM Prime Holdings Inc. represented here by Vice President Liza Silverio and company executives; the Landbank President Lynette Ortiz and other Landbank officials; Galing Pook Foundation’s partner institutions; and of course, ‘yung pinakamahalaga na kasama natin ngayon dito, ang mga nanalo at saka mga finalists sa 2025 Galing Pook Awards: Search for the Top Ten Outstanding Barangay Initiatives.

Isang magandang umaga sa ating lahat. [applause]

Nagtitipon tayo ngayon upang kilalanin ang sampung natatanging programa ng ating mga barangay.

Mula sa isang daan at tatlumpu’t dalawang aplikasyon ng iba’t ibang barangay, nangibabaw ang mga programang pinaparangalan natin ngayon dito sa 2025 Galing Pook Awards Ceremony.

Sa barangay nagsisimula ang serbisyong pinakamalapit sa tao. Dito unang nararamdaman ng bawat mamamayan ang malasakit ng pamahalaan.

Hindi madaling gumawa ng mga programa lalo na kung limitado ang pondo, kulang ang tauhan, at marami pang mga ibang pangangailangan ang komunidad.

Ngunit, pinatunayan ninyo na posible naman ang mahusay na pamamahala kapag malinaw ang layunin ng proyekto at tapat ang proseso sa pagpapatupad nito.

Katulad ng muling pagbuhay ng Macabalo River ng Barangay 57 Dap-dap sa Legazpi City [applause], hanggang sa BUSkwela ng Barangay Balulang, Cagayan de Oro City [applause] na nagbabalik sa pag-aaral sa mga bata, napapakahalaga; mula sa Street Camps ng Barangay Blue Ridge, Quezon City [applause] na naghanda ng mga residente para sa lindol, hanggang sa solar-powered program ng Barangay General Malvar ng Santiago [applause]

Mayroon din tayong mga proyekto sa urban na gardens [at] palit-bote-para-sa-tinapay sa Barangay Daang Bakal, Mandaluyong. [applause]

Napakabago. Nakakapag-isip kayo talaga ng mga panibagong paraan kung paano i – na makilahok ang ating mga kababayan, ang taong-bayan, hindi lamang sa pamahalaan, ngunit kundi pati na sa ating mga pagtulong sa ating mga kababayan.

Mayroon tayong Barangay Daang Bakal, Mandaluyong…Clearance-with-a-checklist sa Barangay Naggasican, Santiago [applause] upang pataasin ang partisipasyon ng komunidad sa pamamahala; at community justice garden ng Barangay Pantal sa Dagupan City. [applause]

Ang gaganda nitong project—proyekto ninyo. Kami, masasabi ko talaga, ang naisip ninyong mga bagong project, hindi namin naisip sa national government ‘yun. Sa barangay lang talaga manggagaling ito. [applause]

Mula sa kariton na tumutulong sa conflict resolution sa Barangay Poblacion, South Cot. (Cotabato) hanggang sa muling pagsilang ng Tripa de Gallina ng pangunguna ng Barangay San Isidro sa Makati City [applause], sa sign language training, Barangay Tagas, Tabaco — Tabaco City. [applause]

Iba-iba man ang programa, iisa ang hatid na mensahe: kapag tinutugunan natin ang pangangailangan ng tao, nagdudulot ito ng magandang pagbabago.

Ipinakita rin ng ganitong parangal na ang tapat at maayos na pamamahala ay hindi lang nasa kamay ng national government, nagsisimula ito sa pangunahing yunit ng pamahalaan, ang barangay.

Dahil kapag malinaw [applause] – kapag malinaw ang proseso ng pamahalaan, lumalakas ang tiwala ng ating mga kababayan; kung may pananagutan, tumataas ang respeto ng mamamayan; at tuwing inuuna natin ang kapakanan ng taumbayan, sumusunod ang pag-unlad ng ating inang-bayan.

Ito ang kulturang nais nating ipalaganap sa pamahalaan, ganito ang serbisyo-publiko na dapat ramdam ng pamayanan: tapat, bukas, at may direksyon.

Let us strive to continue to replicate the success of these barangay initiatives on a national scale—learning what works and strengthening the systems that uphold efficiency, participation, and transparency in government.

Pinapasalamatan natin ang Galing Pook Foundation sa higit sa tatlong dekada ninyong pagtataguyod ng mahusay at tapat na pamamahala. [applause]

Para naman sa ating mga awardees at saka finalists, congratulations sa inyong lahat. [applause]

Sana ipagpatuloy ninyo ang pagbibigay ng serbisyong may malasakit sa ating komunidad.

Huwag niyo pong kakalimutan na dapat eh – na malaki ang pasasalamat natin sa [pagpapaalala na ang pagbabago] at pag-unlad ay nagsisimula sa pinakamaliit na hakbang at lumalakas kapag tayo ay sama-samang kumikilos.

Mabuhay ang mga barangay!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

Maraming salamat po.

Magandang umaga po sa inyong lahat.

[applause]

— END —