Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at Sa Pasay City, Bawat Bayan, Makikinabang Event

Speeches 6 May 2026

[Crowd: BBM! BBM! BBM!]

Maraming, maraming, maraming salamat po Pasay City sa inyong napakainit na salubong.

Maraming salamat po.

Magandang – gabi na pala.

Magandang gabi po sa inyong lahat.

At magsiupo tayo at magpapaliwanag lang po ako kung ano itong mga programa na ating sinisimulan dito sa Pasay at sa lahat ng LGU ng buong Pilipinas.

Ito po, ang sadya ko po rito ay upang tingnan at i-monitor kung ano ba ang pangyayari dito po sa ating mga dalawang – may dalawa pong bagong programa na ating isinusulong.

Ito po ay ang – dalawa, ito ‘yung nakasulat dito, “Bawat Bayan Makikinabang.”

Mayroon din isa pa, “Bawat Barangay Makikinabang.”

At ipapaliwanag ko po sa inyo, ito po ay unang-una, ‘yung para sa lahat ng LGU. Ito po ay binigyan po natin, kinuha po natin sa isang pondo na tawag Local Government Support Fund.

Ito po ay isang pondo na dapat gamitin para tulungan ang ating mga local government.

Ngunit, noong panahon ko… Ako po ay nag-governor ako ng Ilocos Norte ng tatlong termino, siyam na taon.

Sa siyam na taon, wala po akong naramdaman o nakita o nasimot man lang doon sa LGSF na ‘yan.

At tinanong ko sa ating mga kasama na gobernador, mga mayor, ika nila hindi nga nila malaman kung saan – paano gagamitin, saan makuha ‘yang pondong ‘yan.

At mukha namang nagamit noon para sa iba’t ibang bagay, hindi para sa LGU.

Kaya sabi ko, ngayon na ako ay nakaupo, ito na ang pagkakataon ko na gamitin talaga ‘yung LGSF para magsuporta, para tumulong, para makipag-project sa ating mga local government officials. Kaya ‘yan po ang aming ginawa.

Ang… Dahil po sa aking karanasan, eh ramdam naman po natin ang katotohanan ay kapag ang national government lamang ang gumagalaw, kung minsan kahit na maganda ang programa, kahit maraming tulong ang inaabot eh medyo natatagalan.

At maraming kailangan pagdaanan, ang daming kailangan na dokumento at ‘yung mga mabibigyan sana ng tulong ay matagal bago nila magawa, pipila ng mahaba.

Kaya naman naisip ko, eh nandiyan na ang local government. Dahil halimbawa kung gagawa kami ng listahan ng lahat ng mga nangangailangan, anong gaga – anong magiging – anong mangyayari?

Magpapadala at maghahanap kami ng tao na galing sa mga iba’t ibang ahensya, pupunta sa iba’t ibang lugar tapos sila ang titingin, magse-survey sila: Ano ba itong nangyayari dito? Sino ba rito ang dapat tulungan? Sino ba rito ang nangangailangan ng tulong?

Eh naisip ko, imbes na ‘yan ang gawin natin, magtulungan tayo kasama ang local government at ‘yang listahan na ‘yan ay nasa kanila na.

Dahil ang gobernador, ang mayor, walang ginawa ‘yan kung hindi gawin at baguhin at ayusin ang listahan na ‘yun araw-araw.

‘Yan po ang naging trabaho ko bilang gobernador at saka nakikita ko naman. Mga mayor ng mga iba’t ibang lungsod, ganiyan din. Mga bayan ganoon din.

Kaya’t sabi ko, ganito, para mabilis ang pagbaba ng serbisyo sa tao, dapat mag-partner ang local government at saka ang national government.

Dahil ito nga eh mas mabilis ang pangyayari.

Kaya’t basta’t magsama – basta’t maganda ang ugnayan ng local government at saka national government, mas mabilis ang pagbaba ng serbisyo, ng tulong sa taumbayan para maramdaman kaagad ng ating mga mamamayan, maramdaman kaagad ng ating mga kababayan.

At ‘yung pangangailangan ay matugunan kaagad natin at magkaroon kaagad ng tulong.

Kaya’t ganito po ang aming ginawa.

‘Yun lamang, doon sa pagbaba nung LGSF, ika namin eh dapat – ang dapat kasama diyan ay ang pagkain.

Dahil, ang katotohanan po niyan, noong una akong umupo bilang Pangulo, ini-interview po ako, tinanong ako ng isang reporter. Tanong niya sa akin eh ano ba talaga ang layunin mo bilang – habang Presidente ka?

Ika ko sa kanila, ang sagot ko, eh ang talagang pangarap ko ay makita natin, masasabi natin na wala nang gutom na Pilipino. [applause]

Kaya’t ‘yun po ang aking pangarap at susubukan talaga natin na matupad ‘yang pangarap na maging totoo ‘yang pangarap na ‘yan at matupad ang ganiyang klaseng serbisyo.

Kahit hindi natin makuha ang bawat isa na mamamayang Pilipino, basta’t masimula natin at maituloy natin.

Kaya ito po ay isang bahagi noon sa LGSF na binigay natin sa mga local government.

At alam naman natin, mas mabilis gumalaw pagka local government, lalong-lalong na pagka ganiyan ang mayor ninyo, Mayor Emi. Napakasipag din. Ayan, namamaos na sa kakaano – sa kakaikot.

At saka si Cong. Tony. ‘Yan talaga, ika’y maasahan natin. Kaya sabi ko, doon na – magtulungan tayo. Magtulungan ang national at saka ang local government.

Kaya ito po, ito ang naging programa natin na ‘yun sa listahan na ibinigay sa atin ng ating mga local government officials. Doon sa listahan na ‘yun ng mga nangangailangan ng tulong, ‘yun pong hindi talagang nakakatiyak sa kanilang food supply, sa kanilang pagkain, ay dapat eh bigyan natin ng tulong.

At, mayroon po – mayroon pa rin po tayong nababalitaan na isang beses lang kung kumain sa isang araw.

Kung minsan, dalawang araw na walang kain o isa lang ang kain sa dalawang araw, eh napakalungkot naman masyado noon.

Kaya iniisip namin paano natin gagawin, ano ‘yung gagawin natin para matulungan naman ‘yung mga ‘yun.

Kaya ito po, ang aming ginawang programa.

Ginamit na natin ‘yung LGSF, ‘yung pondo nga na Local Government Support Fund upang makapagbigay nitong mga sako-sako na tigsa-10 kilo para sa ating mga kababayan na nangangailangan.

Ito po ang tulong ng pamahalaan upang matiyak naman na kahit papaano may makain.

At huwag niyo pong isipin na ito ay minsanan lamang. Ito po tuloy-tuloy po ito. [applause]

At ang schedule po nito ay sa isang taon, anim na beses po namin gagawin. [cheers and applause]

Sa – pagkadaan ng dalawang buwan, mayroon na naman pong sampung kilo.

Wala ng – hindi na namin ititigil ‘yan.

Hangga’t hindi na kayo nangangailangan, eh kung medyo nakakaahon na kayo, at hindi na kailangan, at kaya na ninyong magpakain sa inyong pamilya, eh ‘yung iba naman ang tutulungan natin.

Ngunit hangga’t nandiyan kayo at nangangailangan kayo, tuloy-tuloy po ang bigay ng pamahalaan nitong bigas para tulong sa inyo.

At ‘yan ‘yung unang programa na aming dala ngayong araw na ito.

May pangalawang programa, eh ganoon din siguro ang pangalan na “Bawat Barangay Makikinabang.”

Ito po ‘yung cheque po na ibinigay ko kanina. ‘Yan po ay para sa mga bara-barangay.

Ang programa po ay ganito.

Ang bawat barangay at hindi lamang dito sa Pasay kung hindi sa buong Pilipinas. Bawat barangay sa Pilipinas ay bibigyan namin ng PhP200,000 para magamit ng mga barangay official.

Doon sa PhP200,000, ang hiniling lang namin sa ating mga barangay official, ‘yung kalahati, ‘yung PhP100,000, ‘yung kalahati ay gamitin para sa scholarship ng ating mga kabataan.

So, tigte-PhP20,000, tigda-Php20,000 ang bibigay sa bawat scholar kaya’t bawat barangay magkakaroon ng limang scholar.

At ito ay sabi ko, dapat ang unahin na ninyo – ang unahin ninyo, ‘yung mga malapit ng magtapos.

Pero mukhang baka mahirapan silang magtapos dahil walang pambayad, dahil kailangan magtrabaho, o kung anuman na dahilan ay dapat tulungan natin ang mga ‘yan.

At alam naman natin na napakahalaga ng magandang edukasyon, na napakalaking bagay na mayroong pinag-aralan ang ating mga kabataan. Kaya’t ‘yun po ang sinama namin.

Eh ‘yun naman sa – ‘yun naman na naiwan doon sa PhP200,000, edi PhP100,000, bibigay natin sa mga scholar. ‘Yun naman na natira na isang PhP100,000 ay iniiwan na natin sa ating mga barangay official. Kayo na ang bahala kung ano ‘yung – saan niyo gagamitin ‘yung PhP100,000 na ‘yan. [cheers and applause]

Mangyayari nito, ‘yung mga barangay official, walang tulog kayo mamayang gabi. Kakatukin kayo doon sa bahay ninyo. “Asan na ‘yung PhP100,000? Kailangan namin na ‘yan.”

Anyway, kaya namin ginawa ‘yun – kaya namin ginawa ‘yun dahil sa… Ito, muli, ay nanggaling sa karanasan ko na ito ‘yung mga naranasan ko bilang gobernador ay dahil sa aking – tapat ang aking paniniwala na walang mas alam sa mga pangangailangan sa isang barangay kung hindi ang mga barangay official.

Walang nakakaalam – walang mas nakakaalam sa mga pangangailangan ng isang lungsod kung hindi ang mayor, sa probinsya, ang governor.

Kaya dapat eh pabayaan natin ang ating mga – ang ating mga local government official na magpakita naman ng kanilang mga inisiyatibo na sa palagay nila ay makakatulong doon sa kanilang lugar.

At kaya sinabi natin, titiyakin natin na mayroon naman silang magamit.

Ito po ay aming ginagawa upang tiyakin, unang-una na may pagkain ang ating mga kababayan at pangalawa upang tiyakin na kahit papaano mayroon tayong natutulungan na scholar para sila pagdating ng panahon na sila na ang magseserbisyo, sila na ang mamumuno, sila na ang magpapatakbo ng Pilipinas, sila naman ay handa.

‘Yan po ang aming programa na nailunsad ngayon at tamang-tama rin po dahil alam naman po natin nagkagiyera sa Gitnang Silangan at naging – nangyari dahil doon ay tumaas ang presyo ng langis.

At alam natin, lahat ng bilihin tataas din ang presyo kapag tumaas ang presyo ng langis.

Ngunit hindi namin ginawa ito dahil doon. Talagang matagal na naming pinaplano ito. Nataon lang at ako ay nagpapasalamat na mabuti na lang na pagdating ng hamon na ng dahil sa pangyayari sa Gitnang Silangan, dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, mabuti na lang at may nakahandang programa na tutulong sa ating mga kababayan na magbibigay sana naman ng kahit kaunting ginhawa sa inyong araw-araw na pamumuhay.

‘Yun naman lamang po at asahan po ninyo ang inyong pamahalaan, national government, local government, lahat mula sa pangulo hanggang sa barangay tanod, lahat po kami ay iniisip namin ang inyong kalagayan.

Lahat kami ay iniintindi namin ang ano – kung ano ang maaari naming gawin upang kayo’y tulungan. Kaming lahat ay nagkakaisa.

At sa – kahit na hindi kami – hindi kami magkapartido, kahit na hindi kami magkasama sa politika, naisasantabi po namin ‘yan para tulungan ang taumbayan.

‘Yan po ang aming pangako, ‘yan po ang aming isinumpa na magsiserbisyo sa lahat ng Pilipino.

Asahan po ninyo na kaming lahat ay hindi lamang nagpapahinga, nagpapasikat, nagpapagwapo. Hindi po ‘yun. Hindi po namin ginagawa ‘yun.

At ‘yung ginagawa po namin ay iniisip po namin lahat ng maaaring gawin upang kayo’y matulungan, upang pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino.

At hindi lang kami nagsasabi sa inyo na ito ‘yung gagawin natin. Ito yung ganito. Nag-uutos lang kami. Kami po ay nakikinig din sa inyo.

At sasabihan niyo kami kung ano ba ang nasa isip ninyo na dapat gawin. Ano ba? Ano ba talaga ang inyong pangangailangan? At gagawin namin lahat ng kaya naming gawin upang kayo ay tulungan.

At walang tigil po. Wala ng kahit… Walang tigil po ang aming ginagawa.

Dahil alam niyo po, hindi – ang tingin po namin sa serbisyo-publiko, hindi po trabaho ito. Ito po ay aming ipinapakita ang malasakit ng pamahalaan para sa ating mga mamamayan.

‘Yan po ang buhay ng public servant.

‘Yan po ang aming gagawin at patuloy na gagawin para sa inyong lahat, para sa ating mga minamahal na kababayan.

Asahan po ninyo, nasa tabi ninyo ang pamahalaan. Kasama po kayo at hindi kayo nag-iisa. Kayo po ay may katuwang, may tutulong sa inyo at gagawin lahat upang kayo ay magkaroon ng mas magandang buhay, nang kaunting ginhawa sa buhay ninyo at makakaasa kayo sa inyong mga kinabukasan at ang kinabukasan ng inyong mga anak.

Kaya, ‘yan lamang po. At ito po at magpapasalamat ulit ako sa inyo. At mayroon na lang –

[Crowd: BBM! BBM! BBM!]

Parang ano – parang nagkampanya uli tayo.

Mayroon lang – mayroon lang po ako idadagdag. Idadagdag ko lang sa ating mga local.

Mayroon lang ako dadagdag sa ating mga local government official. Ito lang.

‘Pagka naging matagumpay itong mga programa natin. Kapag maganda ang patakbo at nakikita natin maraming natulungan at malaki ang itinulong natin sa taumbayan, asahan ninyo sa darating na taon, palalakihin pa natin ‘yung budget para dito sa mga programa nito. [cheers and applause]

Kakatukan namin si Cong. Tony at sasabihin namin, “O boss, ‘yung appropriations natin eh dito natin ilagay para marami tayong natutulungan.” ‘Yun lang po.

Marami pong salamat!

Mabuhay ang Pasay City!

Magandang gabi po sa inyong lahat.

[cheers and applause]

— END —