Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at Sa Bagong Parañaque, Bawat Bayan Makikinabang Event

Speeches 6 May 2026

Maraming-maraming salamat po sa inyo lahat.

Napaka-init naman ang inyong salubong. Sinasabayan niyo ‘yung panahon na mainit ang panahon, mas mainit pa ang salubong na ibinigay ninyo sa akin. [cheers and applause] Salamat po at magandang hapon po sa inyong lahat.

At ako po ay natutuwa na nagkataon ulit ako na makabalik at makasama kayong lahat.

At ang sadya ko po rito ay kaya po ako napunta, iniikot ko po ang iba’t ibang bayan, hindi lamang dito sa Metro Manila kung hindi sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas.

Dahil po tinitingnan po natin kung maayos ang naging pagbigay natin ng ating mga tulong para sa ating mga kababayan.

Ito’y ginawa po namin sa pamamagitan nung tinatawag… Unang-una… May dalawang programa po ‘yan.

‘Yung unang programa ay ginamit po namin ‘yung pondo na tinatawag na Local Government Support Fund.

Ito po ay pondo na itinatabi ng national government at binibigay dapat para pangtulong sa mga local government.

Eh ‘yun lamang eh noong ako’y… Naging gobernador po kasi ako ng Ilocos Norte eh nung governor ako nababalitaan ko itong LGSF. Ngunit ni minsan hindi ko pa nakita na mayroon na – na mayroon nanggaling sa national government, nanggaling sa Local Government Support Fund, kaya’t hindi ko malaman kung papaano ang nangyari at siguro nagagamit ‘yung pondo sa ibang bagay.

Kaya’t noong ako’y umupo na bilang Pangulo, eh ka’ko, ito na ang pagkakataon ko na gawing talagang support fund itong pondo na ito para sa ating mga local government.

Dahil po, ganito po ang aking pag-iisip. Eh ‘pagka ang national government lamang ang gumagalaw, kahit napakaganda ang programa, kahit napakarami ang tulong na dinadala natin, kahit napakaganda ang serbisyo na aming naiisip sa national government, kung hindi po gumalaw nang mabuti at hindi maganda ang ugnayan ng national at saka ng lokal ay hindi po masyadong mararamdaman ng taumbayan ‘yang tulong na ‘yan.’Yang mga serbisyo na ‘yan.

Eh kaya naman sabi ko, sanay naman ako sa lokal na alam ko naman ang patakbo sa lokal dahil marami po akong natutunan noong gobernador ako kung papaano talaga.

Dahil kung minsan, ‘yung pag-iisip pagka nasa national na, eh nakakalimutan nila kung ano ba ‘yung talagang pang-araw-araw ng buhay ng tao.

Ngunit, mga local government official, imposible dahil araw-araw nila kaharap ang taumbayan. Kaya’t alam na alam nilang lahat kung ano ang pangangailangan.

At lagi ko nga pong sinasabi sa mga kasamahan ko, noong nasa Senado ako, noong Congressman ako, ika ko sa kanila, makinig tayo sa local government.

Kasi kung minsan, ‘yung mga panukala ninyo, napakagandang basahin sa papel. Pero subukan ninyong gawin sa local ‘yan, hindi ma – walang mangyayari diyan. Kaya’t pag-aralan natin nang mabuti, magtanong tayo sa mga local government officials.

Dahil ang naging karanasan ko, ang local government official, siyempre magsasabi ‘yan,“Ito ‘yung problema sa amin, ito ‘yung problema sa amin, ito ‘yung pangangailangan namin.”

Ngunit kadalasan, kasama doon sa pagbigay ng problema, paglista ng problema, ay may kasama ring solusyon.

“Doon sa amin may ganito. Basta’t maglagay tayo ng kalsada diyan, maaayos na ‘yung problema diyan. Basta gumawa tayong livelihood, mayroon na tayong – marami na tayong matutulungan.” Lahat po ‘yan eh nakita ko at naranasan ko noong governor ako.

Kaya’t nung nandito na ako, naging pangulo na ako, kako bakit tayo nag-aantay pa na national government lang ang gumagalaw?

Alam naman po natin, ang katotohanan dito, ‘yung national government, kung kami lang ang gumagalaw, may kabagalan. Dahil mga – ang layo ng panggagalinganan ng kung ano man ang gagawin.

Ang daming kailangan ng papeles, ang haba-haba, pipila ngayon ng mahaba, at napakatagal. At mawawalan pa… ‘Yung mga estudyante, ‘di makapasok ng isa, dalawang araw para ayusin lang ang mga papeles.

‘Yung mga iba, kailangan mag-leave sa kanilang mga trabaho.

Eh kaya naman, sabi ko, nandiyan na ang local government. Nandiyan na sila. Naka-ready na sila. Ba’t di natin ibigay sa kanila at sila na ang bahala?

At tutal, ‘yung… Kung gagawa kami ng listahan ng mga… Sasabihin natin, “Sino sa lugar na ito? Sino ang mga nangangailangan?”

Eh mahirap, madami kami gagawin. Magpapa-survey pa kami, magpapapunta pa kami ng tao. Eh kako sabi ko, bakit pa natin gagawin ‘yun?

Lahat ng local government officials, nasa kanila na lahat ‘yan. Alam na alam na nila ‘yan, araw-araw nilang tinitingnan ‘yan.

Kaya’t ‘yung mga listahan po ng mga nangangailangan ng tulong na galing sa pamahalaan ay sa mga local government officials niyo po aming kinuha ‘yan.

Kaya’t dito sa LGSF, ang hiningi lang po namin… Siyempre mayroon – isang bahagi lang naman, eh sabi namin magbigay tayo ng bigas para nakakatiyak tayo ng mga – ‘yung mga medyo nahihirapan na [pakainin] ang kanilang pamilya ay mayroon naman tayong pangtiyak na kahit papaano, mayroon silang ipapakain, mayroon silang kakainin, mayroon silang ipapakain.

Eh, marami… Noong ako’y bagong upo, nagpapa-interview po ako, at ang na – isang tanong ng isang reporter sa akin, eh, tanong niya, ano ba talaga ang layunin mo habang ngayo’y naging Pangulo ka?

Eh kako ang talagang pangarap ko ay masabi natin na inayos na natin ang problema para wala nang gutom sa Pilipinas.

Kaya po namin sinusubukang gawin ito, sinimulan natin ito upang kahit hindi natin maabot ang bawat isa na nangangailangan ay marami po tayong matutulungan.

Kaya po, ito po, magdi-distribute po ang national government sa tulong ng local government, magdi-distribute po tayo ng itong mga sako –tigsa-sampung kilo na sako ng bigas at para naman makatiyak nga na may makain.

At huwag po kayong mag-alala. Ito pong pagbigay ng bigas na ito, hindi po ito minsanan. Gagawin po namin ito anim na beses bawat taon. [cheers and applause] Kaya’t every –

Bawat dalawang buwan, mayroon pong sampung kilo ng bigas sa lahat ng nangangailangan, sa lahat ng hindi nakakatiyak na mapakain ang kanilang sarili, ang kanilang mga pamilya.

‘Yun po ang isang bahagi po nung programa natin at binigyan po natin… ‘Yung LGSF po natin, ang binigay natin diyan para lahat ng probinsya natin, lahat ng mga lungsod, lahat ng bayan, sila po ang humahawak ng pondo ‘yan, sila po ang nakikipag-ugnayan sa national government upang maiparating nang mabilis ang ganitong klaseng tulong sa ating mga kababayan.

At nakita – alam niyo po kung hindi po namin ginawa ito, baka ilang buwan pa bago niyo makita ito.

Kaya’t mabuti na nagkasundo at nagkakasundo ang local at saka national government nang sa ganoon mabilis ang pagbaba ng tulong, mabilis ang pagbaba ng tulong sa mga nangangailangan.

At alam niyo naman po, ‘yan ang trabaho namin bilang public servant, bilang nagsiserbisyo sa publiko, ay alalayan kayo at matiyak na matulungan kayo at matulungan lahat ng nangangailangan.

Isa lang pong programa ‘yun.

Mayroon pang isa. ‘Yun naman po ay – mayroon po isa pa kaming nakita na pondo. Tawag is Socio-Civic [Projects] Fund. Ito po ang aming ginamit na pondo para naman makapagbigay kami sa ating mga barangay.

At ito pong programa naming ginawa ay lahat ng barangay sa buong Pilipinas ay bibigyan po natin ng PhP200,000 para may magamit ang mga barangay officials [cheers and applause] para tumulong sa ating mga kababayan, sa kanilang mga constituent.

Ang hiningi lang namin sa mga barangay official dahil PhP200,000 ang hawak ngayon nila, doon sa PhP200,000, PhP100,000 roon ay dapat gamitin para sa scholarship para tulungan ang aming ngayong tinatawag na Presidential Scholar.

Ang bigayan po diyan ay PhP20,000 bawat scholar at ang lalabas diyan, lima – lima ang magiging presidential scholar sa bawat paranggay.

Ito po ay napaka-importante, napakahalaga po sa aking palagay ang ginagawa na ganito dahil po kung tutusin po ninyo ay ‘yun… Ang kagaya ng sinasabi ko, napuntahan ko ‘yung orientation nung mga scholars kanina diyan sa kabila.

At ‘yan ang sinasabi ko sa kanila, hindi na tatagal ang panahon, kayo na ang mamumuno. Kayo na ang magpapatakbo ng Pilipinas. Kaya’t kailangan mayroon kayong pinag-aralan.

Mayroon kayong – marurunong na kayo, mga sanay na kayo para pagdating ng oras at ang mga tao, ang ating mga kababayan, ang taumbayan, sa inyo na nakatingin, alam ninyo ang gagawin. Alam ninyo kung papaano ayusin ang mga iba’t ibang problemang hinaharap ng bawat isang Pilipino.

Kaya ‘yan ang aming nakikita na isang malaking tulong. Dahil pagka may isa nakapagtapos… ‘Yun din ang aming hiningi sa ating mga barangay officials. Sana ‘yung pipiliin na mga scholar ay ‘yung mga malapit na magtapos pero mukhang – baka hindi kayang magtapos dahil wala – kulang sa pambayad, kulang sa pangangailangan, ‘yun ang mga dapat natin na tulungan para naman ay sila makapagtapos, maging maganda ang kanilang magiging kabuhayan.

‘Yan po ang – ‘yan po… At ‘yung natira po, baka nagtatanong po kayo, ‘yung natira pong PhP100,000 ay kayo na ang bahala doon.

Dahil kagaya ng nasabi ko, ang mga barangay officials, kayong nakakaalam kung ano ba talaga ang pangangailangan. Kayo ang nakakaalam kung paano gawan ng paraan, paano ayusin ang problema na nararanasan ninyo sa inyong mga bara-baranggay.

Kaya’t ‘yan po ang aming binubuo na programa. Ito po ay upang… Lagi natin iniisip po na para papaano pa ang magagawa ng pamahalaan. ‘Yan lang naman ang trabaho namin eh tulungan ang mga nangangailangan, pagandahin ang buhay ng mga Pilipino.

At kahit papaano, sana ay makapagdala nang kaunting ginhawa sa ating mga kababayan.

Lalong-lalo na po ngayon, dahil siguro naman, alam ninyo, nagkagiyera sa Gitnang Silangan at ang naging epekto nito ay nagtaas ang presyo ng langis.

Alam naman po natin na ‘pag nagtaas ang presyo ng langis, lahat ng bilihin ay tumataas din.

Eh kaya naman… Eh nataon po… Hindi po namin ginawa itong programa dahil doon. Naisip na po namin ito bago pa nagkagiyera. Ngunit, mabuti na lang at kahit na may pangyayaring ganiyan, ‘yung giyera nga sa Gitnang Silangan, kahit na may pangyayaring ganiyan ay mayroon na tayong programang ganito upang tulungan ang ating mga kababayan.

Kaya po… At isa pa po, sasabihin ko po sa ating mga local officials, pagandahin ninyo ang patakbo nitong programang ito.

Dahil kung talagang nakita natin na matagumpay ang programang ito, pupuntahan natin mga Congressman natin at sasabihin na dagdagan na ninyo sa susunod na taon ang pondo para rito para mas marami pa kaming magagawa, para mas marami pa tayong matutulungan.

Kaya po asahan po ninyo, ‘wag po kayong nag-a – ‘wag niyong iniisip na ang pamahalaan eh wala, nagpapasikat lamang at nagpapapogi. Hindi po ‘yan ang aming trabaho.

Ang aming trabaho po ay tulungan kayo kung kayo’y nangangailangan ng tulong at maghanap ng iba’t ibang paraan. At kahit na ano na kaya naming gawin ay gagawin namin.

At hindi lang po namin sinasabi sa inyo, ganito ang gagawin namin, ganiyan ang gagawin namin. Kami po ay nakikinig din sa inyo.

At kailangan alam namin kung ano ba talaga ang naiisip ninyo, kung ano ba talaga ang mga prayoridad ninyo para alam namin ang gagawin namin at asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay nandito, nasa tabi ninyo at ginagawa – ginagawa po namin lahat ng aming kayang gawin upang pagandahin ang buhay ng ating mga kababayan, upang pagandahin ang Pilipinas. At ‘yan ang ating pangarap para sa ating lahat.

At sana naman sa tagal ng – ‘pag tumagal na ang panahon, makikita natin na hindi lamang ’yung pang-araw-araw na buhay ang nagbago kung hindi ang takbo ng buong Pilipinas, ng buong – ng inyong lungsod, ng inyong probinsya, ng inyong bansa.

Kaya po, asahan po ninyo, nandito po kami, lagi po nag-iisip upang paano kayo tulungan, nakikinig sa inyong mga hinaing at gumagawa ng kahit na anong paraan upang kayo’y matulungan.

Maraming-maraming salamat po!

Magandang hapon po sa inyong lahat!

Maubhay po kayo!

[applause]

— END —