Remarks by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Meeting with the Filipino Community in Cambodia
Maraming, maraming salamat sa Kalihim ng ating Foreign Affairs, Secretary Tess Lazaro. [Magsiupo po tayo.]
Mahaba-haba itong speech ko kaya’t [laughter]… Pero hindi bale ‘pag gugutumin kayo magpapakain si Ambassador. [laughter]
Talagang ‘yung Ambassador natin game lagi, walang parang ano – hindi siya nataranta.
Nandito rin po ipapakilala ko rin po ang ating mga kasama, mga kalihim ng iba’t ibang departamento ng ating pamahalaan. Nandito po ang Department of Agriculture Secretary, Secretary Kiko Laurel; nandito rin po ang kalihim ng DTI, Department of Trade and Industry Secretary Cris Roque; at ang departamento na para sa ating mga kababayan na nagtatrabaho at naninirahan sa iba’t ibang lugar, ang ating Migrant Workers Department, ang ating Secretary, Secretary Hans Cacdac.
Nandito rin po dahil marami po tayong mga ginagawang agreements sa gitna ng Pilipinas at saka ng Cambodia sa larangan ng edukasyon. At pagdating bukas ay ang meeting namin kasama na po ang paglagda sa mga mahahalaga na agreement sa – para sa edukasyon. Kaya’t nandito po ang head – ang Chairperson ng Commission on Higher Education Chairperson Shirley Agrupis. At siyempre ang ating Ambassador, Ambassador to the Kingdom of Cambodia Flerida Ann Camille Mayo.
At hindi naman siguro makukumpleto ang aking pagbati kung hindi ko babatiin ang ating First Lady, First Lady Liza Araneta-Marcos. [applause and cheers]
Mga Pinoy talaga mahilig sa mga drama. [laughter]
Ang aking mga kasamahan sa gobyerno; mga minamahal kong kababayan.
Magandang gabi po sa inyong lahat!
Sa lahat po ng aking mga biyahe sa iba’t ibang bansa bilang inyong Pangulo, lagi’t lagi ang pinakamasayang bahagi ng aking pagbisita ay ang pangungumusta sa ang ating mga kababayan. Dahil siyempre alam mo pagka nagpulong-pulong ang mga Pilipino ay hindi maiiwasan – nako maganda ang kantahan, laging masaya, laging may pot luck, mayroong – laging may handa.
Kaya’t kami kahit na mabigat ang trabaho kung minsan lagi naming iniisip na pagka natapos ang trabaho nandiyan ang ating mga kababayan na magpapasaya ulit sa atin at magbibigay sa atin ng dahilan para maipagmalaki muli, hindi lamang ang Pilipinas kundi lalong-lalo na ang mga Pilipino.
Kaya’t minarapat ko na kayo ang una kong makasama sa aking pagbisita ngayon dito sa Phnom Penh sa Cambodia. [applause]
Hindi po ito ang unang pagkakataon na tayo ay nagtipon-tipon. Noong 2022 nang ako ay bumisita sa Phnom Penh para sa ASEAN Summit naman, nagkaroon din tayo ng pagkakataon na magkausap-usap.
This time, we are here for a State Visit upon the invitation of His Majesty King Norodom Sihamoni.
Nitong Pebrero lamang, malugod nating tinanggap si Prime Minister Hun Manet sa Maynila.
Sa aking pagpupulong bukas sa mga pinuno ng Cambodia, magkakaroon tayo ng pagkakataon na muling paigtingin ang patuloy na paglago ng ating ugnayan sa Cambodia.
Mahigit-kumulang pitong buwan lamang ang nakalipas, nakapaglagda na tayo ng mga bagong kasunduan sa mga sektor ng finance, trade and investment, agrikultura, edukasyon, cultural property, tourism, competition law, and information and communications technology (ICT).
Madadagdagan pa po iyan ng ilan pang kasunduang tumutugon sa ating pambansang interes at sa inyong kapakanan katulad ng higher education, air connectivity, at ang pagsupil ng transnational crime.
Higit sa lahat ay patuloy nating tatalakayin sa Cambodia ang pagpapatibay sa kaukulang proteksyon at kagalingan ng mga migranteng manggagawa.
Tayo ay nakikipagtulungan sa Cambodia upang sama-samang lumago ang ating ekonomiya.
Hihikayatin natin ang kanilang mga negosyante na maging masigasig sa pag-invest at pagnenegosyo sa mga kompanyang Pilipino upang naman ay patuloy na yumabong ang ating ekonomiya.
Sa kaibuturan ng magandang samahan na ito ay ang mga Pilipinong tulad ninyo na patuloy na pinasisigla ang ating pagkakaibigan.
Maging sa silid-aralan, sa ospital, sa mga tanggapan ng negosyo, kahit sa bagong paliparan ng Cambodia, ipinapakita ninyo ang paghubog, pagkalinga, integridad, at kahusayan ng mga Pilipino.
You represent so powerfully a premium, world-class Filipino brand that embodies heroism.
Hindi lamang kayo bayani ng inyong mga pamilya. Kayo rin ay bayani ng kapos-palad dito sa Cambodia na binabahagian ninyo ng mga bunga ng sarili ninyong paghihirap.
At masasabi ko po sa dami na rin ng napuntahan ko bilang Pangulo ninyo ay lagi pong nangyayari ‘pag pinakilala ako sa kahit na mga pangulo, prime minister, hari, mga sultan, sinoman, ang una lagi pagka nagpakilala ako, “I’m Ferdinand Marcos. I’m President of the Philippines,” kaagad ang kasunod nasasabihin, “Oh, the Filipinos in my country make us so happy. We love them very much. They are very good to us. They are very hardworking. They are very…”
Ang katangian daw ng Pilipino ay hindi lamang sa masipag, hindi lamang sa mahusay, hindi lamang na maaasahan kung hindi ang iba daw sa Pilipino pagka hiningian mo ng pabor, wala sa trabaho, wala sa ano, birthday ng anak ninyo nagpapatulong magluto, iyong mga tipong ganoon. Lagi daw nandiyan ang Pilipino, laging nandiyan ang Pilipino. Kahit walang – hindi naman pagkikitaan, hindi naman – wala namang interes kung hindi tumulong lamang, iyan ang katangian ng Pilipino na inyong laging ipinapakita sa ating mga kaibigan sa buong mundo. [applause]
Kaya po napakaganda ang tingin ng mundo sa Pilipinas dahil po sa inyo, sa inyo na nagbibigay ng karangalan sa pagka-Pilipino natin. Pinapatingkad ninyo ang pangalan ng Pilipino, ang image ng Pilipino, ang reputasyon ng Pilipino.
Kaya’t kahit hindi niyo… Baka hindi niyo po nalalaman ay kami po ay talagang malugod na nagpapasalamat sa lahat ng inyong ginagawa hindi lamang para sa sarili ninyo, hindi lamang para sa pamilya ninyo, kung hindi para sa buong Pilipinas. [applause]
Kasabay nito, ang gobyerno ay patuloy na maglilingkod upang masuklian ang inyong mga tulong at sakripisyo.
Kung kaya’t naatasan ko si Secretary Cacdac na magbukas ng Migrant Workers Office (MWO) dito ngayon sa Phnom Penh. [applause and cheers]
Gagawin ito sa lalong madaling panahon upang maging katuwang ng ating Embahada sa pagsulong ng inyong kapakanan at para ipagtanggol ang inyong mga karapatan.
Hindi natatapos ang ating tungkulin na paniguraduhing maayos ang inyong kapakanan habang nasa ibayong bansa, sapagkat sa atin mismong tahanan ay patuloy nating sinisikap na mapaunlad ang kalidad ng buhay ng ating mga kababayan.
Ito ang pakikibahagi ng pamahalaan upang patuloy na kilalanin ang inyong pagsisikap.
Sa tulong ng aking Gabinete, asahan ninyo na lagi kaming magpupunyagi na maiangat ang buhay ng bawat Pilipino upang isang matatag, maginhawa, at panatag na Bagong Pilipinas ang sasalubong sa inyo sa inyong pag-uwi.
Muli, maraming, maraming salamat po.
Maraming salamat po sa inyong pagbati – na maagang pagbati sa aking birthday. [applause]
Akala ko noon, eh sabi ko Presidente na ako puwede na akong mag-cancel ng birthday para hindi na ako tumanda. Hindi pala puwede. Kahit na anong gawin ko hindi sila pumapayag.
Kaya’t maraming salamat at naalala — pinaalala ninyo po sa akin na tumatanda na talaga ako. [laughter] Ngunit maraming, maraming salamat po.
Nakakataba po ng puso na marinig kayo kumanta. [applause]
At ‘yung aming kakainin mamaya ‘yung aming hapunan para ‘yan na ‘yung cake ang kakainin namin mamaya.
Kagaya ng sabi ko basta kasama ang mga Pinoy laging masaya, lagi kang busog, laging may kantahan, laging may sayahan, at lahat nakangiti.
Kaya’t maraming, maraming salamat po.
At maraming salamat sa lahat ng mga nakarating ngayong gabi na kahit na nanggaling sa napakalayong lugar ay nagawan ninyo ng paraan upang makarating dito at makipagsayahan at makipagpulong sa atin.
Maraming, maraming salamat. At ipagpatuloy natin ang lahat ng ating ginagawa upang pagandahin ang inyong mga buhay, upang pagandahin ang buhay ng inyong mga pamilya, upang pagandahin ang Pilipinas.
Sama-sama po tayo sa pagsulong ng isang
Bagong Pilipinas!
Mabuhay kayong lahat!
Mabuhay ang Pilipinas!
Salamat po! [applause]
— END —