Remarks by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Carabaos and Farm Implements to Aeta Communities
Maraming, maraming salamat sa ating Gobernador. [applause and cheers]
At maraming salamat sa ating dating Pangulo, former President GMA.
At nandito po kasama po natin ang kalihim, ang namumumo ng DSWD, iyon po ‘yung Department of Social Welfare and Development. Sila po ang departamento na ang kanilang trabaho ay tumulong sa mga nanganganib na mga kababayan natin. At pagka – nakikita po ninyo siya.
Ito si Secretary Rex Gatchalian [applause] lagi niyo pong nakikita kapagka ‘yung – kagaya ng nangyari noong nakaraang ilang araw na nagkabagyo nang malaki o nagka… Sa Cebu galing kami sa Cebu kahapon dahil may lindol naman.
Kaya naman ang DSWD ay patuloy na nag-iisip kung papaano makatulong para sa ating mga kababayan, lalong-lalo na ang mga iba’t ibang grupo, kagaya po ninyo na nangangailangan nang kaunting tulong. At ito po ay kaya naman — handa naman ang pamahalaan na magawa lahat upang mapaginhawa ang inyong buhay.
Hindi po maliit na bagay ‘yung kaka-announce lang ni Congresswoman GMA na ‘yung titulo ng lupa ay mabibigay na para hindi na po kayo nag-aalala. [cheers and applause]
Alam ninyo po noong pinag-aaralan namin itong sitwasyon po ninyo ay talaga ang kailangan natin tulungan ang inyong hanapbuhay sa pagsasaka.
At iyan ang nagbibigay buhay kasi dahil – napakahalaga nito dahil pagka kayo’y nagsasaka, hindi po kayo nagpapakain lamang ng sarili ninyo at saka ng pamilya ninyo.
Iyong sinasaka ninyo, ‘yung tinatanim ninyo, ‘yung inaani ninyo ay kasama po ‘yan sa pagpakain ng lahat ng mga Pilipino. Kaya napakahalaga ng inyong sektor ng agrikultura at kailangan na kailangan, lalong-lalo na dahil dito medyo bago-bago pa itong komunidad ay bigyan po natin – bibigyan po natin lahat ng tulong upang makaahon, upang naman makapagkaroon ng mga simple lang na hanapbuhay at makatulong pati sa progreso sa ating minamahal na Pilipinas.
Kaya ngayon po, ngayong umaga po dito po sa programa na sinimulan – nasa DSWD po makakatanggap ang 127 benepisyaryo ng kagamitang pansaka at saka mga kalabaw. [cheers and applause] Nakita ko na ‘yung kalabaw nandoon sa…
Hindi po – hanggang ngayon marami na po tayong mga naimbento na mga makinarya. Marami na po na mga tractor, mga harvester na ganoon. Ngunit kahit papaano hindi talaga mawawala ‘yung kalabaw sa pagsasaka natin.
At dagdag na po natin ‘yang mga tinatawag na farm implement. Iyong mga kagamitan sa pagsasaka para naman eh hindi masyadong mabigat ang trabaho. Makakapagpahinga na po ang ating mga kaibigan at hindi masyadong mabigat ang trabaho. Eh pati kalabaw baka puwede nang magpahinga. Kaya iyan ang ating hangarin.
Makakatanggap din ng tigsa-10,000 piso galing sa DSWD. [cheers and applause] Ang makakatanggap ay halos 1,200 benepisyaryo mula nga sa nai-announce po ng ating butihing Congresswoman galing po sa Barangay Planas at sa Camias. Ito po mula sa DSWD. [cheers and applause]
Ngunit hindi lang po ito – ito po ay bahagi lamang ng aming mas mahabaang programa. Hindi po ito lamang. Patuloy po kung ano ‘yung pangangailangan po na makakapagpaganda, magdadala nang kaunting ginhawa sa buhay ninyo, magpapaganda sa buhay ninyo, at hindi niyo na inaalala kung paano ninyo pinapakain ang inyong pamilya, paano kayo maghahanapbuhay, paano kayo magkakaroon nang kaunting kita.
Iyan po ang aming pangarap na maiabot ninyo ‘yung ganoong klaseng ginhawa sa inyong buhay. At nandito po ang pamahalaan. Asahan po ninyo na lagi – lagi po kaming nandito na tumutulong sa inyo. Nandito po ang inyong pamahalaan. Kami po ay laging naghahanap ng paraan na kung papaano pang tumulong.
Kaya pagka mayroon kayong pangangailangan, huwag kayong magdadalawang-isip na humingi at hindi ito… Ito po ang aming ginagawa. [cheers and applause]
Sinasabi ko nga pagka kung minsan pagka ‘yung mga mayroon kaming nabibigyan nang kaunting benepisyo ay nagta-thank you. Huwag na kayong mag-thank you dahil trabaho talaga namin ito. Pera ninyo ito, kaya binabalik lang namin sa inyo ito. [cheers and applause]
Kaya iyan po ang pag-iisip ng inyong pamahalaan at nandito po para tumulong para pagandahin ang buhay ninyo, para makatulong pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino, para pagandahin ang ating minamahal na Pilipinas.
Maraming, maraming salamat.
Magandang umaga po sa inyong lahat. [cheers and applause]
— END —