Remarks by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Biyayang Bigas Para sa Maynila
Biyayang BigasMaraming salamat sa ating butihing Mayor, Mayor Isko, sa iyong pagpakilala at saka sa lahat ng kanyang magandang salita ngayong umaga na ito. At magandang umaga po sa ating mga kababayan.
Nandito po tayo upang witness-in ‘yung pagbigay natin ng Biyayang Bigas. Ito ay nandito sa Maynila.
Kagaya ng sinabi ni Yorme, hindi naman dito lang sa Maynila ito. Ito ay gagawin natin sa buong bansa.
Nauna lang ang Manila dahil mabilis gumalaw ang Office of the Mayor dito sa Maynila. [cheers and applause]
Lagi sila ang nauuna. Sila ang laging ano – pagka nagbubukas kami ng programa, nauuna sa sinasabi ko: “Sino ‘yung handa? Sino ‘yung ready?” “Maynila, puwede na raw bukas.” O ‘yan, ‘di punta na ako sa Maynila. [cheers and applause]
Ito po, alam niyo po, itong programa na ito ay aming ginawa dahil ay talagang tinutugunan natin ang lalong-lalo na lahat ng mga kababayan nating nangangailangan ng lahat ng mga iba’t ibang bagay.
Ngunit ang nangunguna diyan ay ‘yung pagkain. At sa pagkain, tayong mga Pilipino ay ‘pag pinag-usapan ang pagkain, kailangan bigas. At ‘yung ulam, siguro mas madali na ‘yun. Basta’t may bigas, buhay na tayo.
Kaya’t ginawa po namin ay gumawa tayo ng programa para nga tiyakin na lahat ng ating
mga kababayan ay kahit papaano may kinakain.
Alam niyo po noong una akong umupo, may nagtanong sa akin na reporter, tinanong sa akin: “Ano talaga ang pangarap mo dito sa administration mo?”
Sabi ko, “sana pagbaba ko bilang Pangulo ay masasabi ko wala nang gutom na Pilipino.” Kaya po aming ginagawa patuloy na ginagawa ito.
Ginawa po natin ito sa pamamagitan ng tinatawag na LGSF, ‘yun ay Local Government Support Fund.
Ito ay isang pondo na matagal na doon, governor pa ako nakikita ko na ‘yan pero wala kaming nakikita na bumababa sa local government. Kung saan-saan nagagamit ‘yung pondong ‘yan.
Kaya ang ginawa ko ay tiniyak ko na talagang local government ang mabibigyan ng tulong.
Dahil talaga dapat sa kanila ‘yung pondo na ito.
At pangalawa, mas mabilis gumalaw. ‘Pag hinihintay natin ang national government, siyempre malayo ang pupuntahan nung pondong ‘yan.
Ang daming mga papeles na kailangan gawin, ang daming mga dokumento. Tapos iisa-isahin ninyo ‘yung bawat probinsya, bawat lungsod. Iisa-isahin ninyo, medyo matagal.
Kaya sabi ko, ba’t di na lang natin bigay ‘yung pondo sa ating mga local government, sila na ang bahala at sila ang on the ground.
Tama naman ang nangyari. Nakita naman ninyo, pagbaba ng pondo sa ating mga LGUs, LGU executives, ay kaagad – agad-agad ay nakikita natin ang resulta.
Nandiyan na ang ating pagbigay ng Biyayang Bigas para sa ating mga kababayan. Lalong-lalo na sa mga talagang nangangailangan.
Sa kasalukuyan, today is April 15, ay nakapag-release na ang national government na halos 15 bilyong piso para dito sa programang ito. [applause]
At dito sa Maynila, ang magiging benepisyaryo dito ay mga 80,000. [Tama ba ‘yun?] [Mayor Isko: 80,000] 80,000 ang magiging beneficiaries dito.
Ang programang ito ay magbibigay nitong 10 kilo na bigas, anim na beses sa isang taon. At patuloy lang ating binibigay.
Binigay na po natin sa ating mga local government para naman ay mabilis. At alam ng local government kasi kung minsan ‘yung listahan ng ating mga – dito sa national government, sa mga ahensiya, kung minsan luma na.
Sino ba talaga ‘yung mga nangangailangan? Sino ba ‘yung mga talagang mahihirap na walang makain? Kung minsan ‘yung listahan namin medyo nahuhuli.
Sabi ko, naging governor nga ako, sabi ko alam namin ‘yan, araw-araw namin ginagawa ‘yang listahan na ‘yan. Kaming tanungin ninyo.
Kaya ganoon na nga ang ginawa namin. Tinatanong namin ang mga LGU executive para ang LGU executive ang nakakaalam kung saan pupunta, sino ang nangangailangan,
papaano pabilisin ang pagpaabot ng tulong sa ating mga mahal na kababayan.
Kaya po, ito po ang simula. Kagaya ng sabi ko, nauna ang Maynila. Ngunit patuloy po ito at saka buong bansa ay mabibigyan natin.
Nataon naman na nagkaroon ng krisis pa sa Gitnang Silangan, sa Middle East. Nakita naman natin ang pangyayari. Nagka-giyera. Nagtaasan ang presyo ng langis.
Alam naman natin ‘pag tumaas ang presyo ng langis, sabay-sabay, lalong-lalo na ang pagkain. Kaya ‘yun ang binabantayan namin nang mabuti na kahit papaano na ‘yung hindi gaanong kabigat ang magiging epekto sa taong- bayan. ‘Yun ang aming binabantayan.
Kasi wala tayong magagawa doon sa presyo ng langis. Ngunit sa presyo ng pagkain, ‘yun mayroon tayong magagawa.
At nataon nga itong programang ito. At sana po –ipapagpatuloy nga natin ito. Sana po ito ay makatulong sa ating mga kababayan.
Sana po ay kahit papaano matupad ang aking pangarap na pagbaba ko bilang Pangulo, wala na pong gutom na Pilipino.
Maraming salamat po. Magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]
— END —