Presidential Address by President Ferdinand R. Marcos Jr. (Executive Order No. 110/UPLIFT Updates)

Speeches 31 March 2026

Magandang araw po sa inyong lahat.

Kahapon, nagtipon muli ang buong UPLIFT Committee, kasama diyan ay ang Executive Secretary, mga kalihim ng Department of Energy, ang Department of [Transportation], ang DSWD, ang Department of Agriculture, Department of Finance, ang Department of [Economy, Planning, and] Development, at ang DBM.

Magmula pa man ng nagsimula ang gulo sa Middle East, agad na kami na nagpupulong, ang mga miyembro ng UPLIFT, at tinitingnan namin ang dapat tugisin sa iba’t ibang mga sektor. Kaya’t continuation lamang po ito na aming isang buwan nang ginagawa at pormal nating itinatag ang UPLIFT upang mas mabilis na maprotektahan ang bawat Pilipino.

Simulan po natin sa pagkain.

Kapag tumaas kasi ang presyo ng langis, sumusunod ang presyo ng pagkain. Iyon ang ayaw naming mangyari.

Nagrekomenda na ang National Price Coordinating Council ng price cap na PhP50 bawat kilo sa imported na well-milled rice at ilalabas natin ang Executive Order para maipatupad na ito sa lalong madaling panahon.

Pinalalawak din ang P20 rice program. May 627 na ng center sa buong bansa. Ito’y naging mas malawak dahil dati ang aming pino-provide sa P20 rice ay 600 tons, ay ngayon umakyat na sa 2000 tons dahil tumaas ang demand.

Mayroon ding dadating na tulong galing sa Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families. Mahigit apat na milyong benepisyaryo ang makakatanggap ng PhP2,325 bawat isa sa Abril.

Mayroon ding fuel subsidy para sa mahigit na 40,000 na magsasaka. Ang atin namang mga mangingisda, makakatanggap na ng halos 100,000 na fuel card at fuel voucher.

Sa ngayon, ang presyo ng Basic Necessities at Prime Commodities ay nananatiling nasa Suggested Retail Price levels—kasama na dito ang bigas.

Ito po ang mga primary commodities. Dalawa – 205 na commodities na kinokontrol po natin ang presyo.

Patuloy tayong nakikipagusap sa manufacturer at retailer na hindi sila magtaas muna ng presyo hanggang sa susunod na buwan.

Sa ilalim din ng EO 110, binigyan natin ang DOE, PNOC, at PNOC-EC [ng] kapangyarihang kumilos nang mas mabilis sa pagbili ng langis. At ginawa naman nila ito.

Nag-order na ang PNOC-EC ng 1.04 milyong bariles ng diesel. Mayroon ding 142,000 na bariles na [na-deliver] ngayong linggo. Ang natitira ay darating sa buwan ng Abril.

Nai-release na ng DBM ang PhP20 bilyon para sa procurement ng hanggang dalawang milyong bariles ng karagdagang langis. Sampung araw ito na dagdag sa ating buffer stock. Sa ngayon, may 51 days tayo na supply dito sa bansa.

Noong March 25, nilagdaan ko ang Republic Act No. 12316. Itong batas na ito ay nagbibigay sa akin ng kapangyarihang suspindihin ang excise tax sa langis kapag kinakailangan. Magtatagpo ang DBCC ngayong linggo para ibigay ang kanilang pag-aaral dito sa bagay na ito sa excise tax.

Sa bisa ng EO 110, may kakayahan na ang Department of Energy na magrekomenda ng aksyon sa ERC tungkol sa operasyon ng tinatawag na Wholesale Electricity Spot Market o WESM upang mabantayan ang presyo ng kuryente at maiwasan ang biglaang pagtaas nito.

Simula March 26, pansamantalang sinuspinde na ng ERC ang WESM. Ibig sabihin, ipatutupad na ang optimal dispatch ng mas murang energy source tulad ng renewable. Magkakaroon din ng kontrol ang gobyerno sa presyuhan sa WESM. Kasalukuyan itong inaayos na ng ERC.

At para sa pangmatagalang solusyon: matagumpay na na-drill ang Camago-3 well. Nagpo-produce ito ng hanggang 60 million cubic feet ng gas bawat araw. Ang Malampaya gas ay nagkakahalaga ng PhP4.80 kada kilowatt-hour. Ang imported na LNG naman ay PhP10.30. Malaki po ang pagkakaiba. At ito ay sarili nating yaman.

Para sa mga mananakay: 50% discount na sa LRT-2 at MRT-3 para sa lahat. Mahigit 12 milyong karagdagang pasahero ang makikinabang dito. Patuloy din ang Libreng Sakay sa Metro Manila, sa Metro Cebu, at sa Metro Davao.

May temporary toll discount para sa mga jeepney, sa bus, at sa freight food transport sa NLEX, SLEX, at STAR. Simula April 15, piso na lang ang RORO terminal fee para sa mga sasakyang may dala ng agricultural products.

PhP2.5 bilyon ang inilaan naman para sa fuel subsidy ng mahigit na 1.4 milyong driver-beneficiary at unit. Nakatanggap na ng fuel subsidy ang 155 na driver at 55,252 na unit. Ito’y nagkakahalaga ng PhP300 milyon.

Mahigit 256,000 na na transport workers sa Metro Manila ang nakatanggap na ng PhP5,000 na cash assistance. May PhP1.28 bilyon pa na ibibigay. Magsisimula na ang nationwide na pagbigay sa April 6.

Kumustahin din naman natin ang lagay ng ating mga OFW.

Mula March 5 hanggang March 29, nasa 2,551 na OFW na at 835 ng kanilang dependent ang nakauwi na sa bansa.

Mayoon din tayong reintegration program upang masuportahan ang kanilang pagsisimula muli dito sa ating bansa.

As of March 27, 18,394 na OFW na nasa Gitnang Silangan ay nabigyan na ng tulong, gaya ng pagkain, temporary shelter, medical aid, transportation, financial support, at repatriation.

Habang may Pilipinong nangangailangan ng tulong, patuloy kaming magsusumikap na ipaabot ito. Hindi kami titigil sa pagkilos hanggang maramdaman ito sa bawat tahanan.

Ngayong Semana Santa, sa ating pagninilay at panalangin, nawa’y isama po natin sa ating dasal ang kapayapaan at kaginhawaan ng lahat.

Bilang Pilipino, ipakita natin ang likas na pakikipagkapwa natin. Maging mapag-unawa. Maging mapagbigay. Maging mapagmahal na Pilipino.

Maraming salamat po.

— END —