PBBM Vlog: on undas, disaster preparedness, climate change

Speeches 1 November 2024

Magandang araw sa ating lahat at sana ay nasa mabuti kayong kalagayan.
 
Matinding pagsubok ang sinasapit ng marami sa ating mga kababayan dahil sa nagdadaang bagyo. Kaya’t ngayong Undas, bukod sa ating mga yumaong mahal sa buhay, ay isama na rin natin ang ating panalangin para sa mga biktima at nasalanta ng sakunang ito.
 
B-ROLLS OF: TYPHOON KRISTINE WIND/RAIN DAMAGE, RELIEF EFFORTS, INSPECTION, ETC.
 
Milyong-milyong indibidwal at pamilya ang naapektuhan ng nagdaang bagyo. Mahigit isandaan ang naitalang namatay, at may ilan pa ring nawawala at pinaghahanap pa.
 
 Bilyong- bilyong halaga naman ng agrikultura at imprastruktura ang napinsala.
 
Dalawang linggo na ang lumipas nang ginanap dito sa ating bansa ang Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction. Isang napapanahong pagtitipon para pag-usapan at solusyunan ang mga ganitong uri ng sakuna na nararanasan, hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi ng buong mundo.
 
Dahil nga ang panahon ay nagbabago na: ang tag-init ay sobrang init; ang tag-ulan grabe naman ang ulan, record-breaking rainfall, ika nga. Talagang extreme weather conditions.
 
May mga lugar na hindi pa binabaha kahit kailan pero lumulubog na ngayon. Sa maikli at mabilis na panahon, tumataas kaagad ang tubig dahil sa bigat ng pagbuhos ng ulan.
 
At ang mga dating mga flood control systems ay na-overwhelm. Kung maalala ninyo ang Ondoy, ang bumagsak na ulan dito sa Kristine ay halos doble nung bumagsak nung Ondoy kaya’t na-overwhelm ang ating mga flood control.
 
Kaya naman maraming pagbabago sa pagpaplano ng mga imprastruktura na pinapatayo natin. Iyan ang mga kailangang gawin.
 
Ang mabilis na pagresponde sa mga nasalanta ay mananatiling prayoridad natin. Kasama ang DSWD, DND, DPWH, DILG at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, maaasahan ninyong pagtitibayin pa ang ating national at local disaster risk reduction at response.
 
Bahagi na talaga ito ng pamumuhay natin. Itinuturing na high-risk ang ating bansa sa epekto ng climate change. Kaya kailangan natin maging magaling sa larangan na ito. Disaster risk reduction, both the public at saka private sector. Para naman mabawasan ang mga napapahamak sa mga ganitong uri ng sakuna.
 
[Question on screen: Ano ang kalagayan ng mga kababayan natin na nasa evacuation centers?]
 
Mabuti naman, ngunit napuno kaagad. Hindi na evacuation area ang pinaglalagyan ng mga tao, lalo na sa Naga City kung saan ako nakapunta. Kung saan-saang building. Iyon na nga, City Hall nga na Naga ay puno na dahil doon dinala ‘yung mga evacuees.
 
Ang naging problema talaga sa Bicol ay ang tagal bumaba ng tubig. Natagalan tayo na makapasok hangga’t nagkaroon tayo ng mga rubber boats dahil ‘yung truck hindi pa kaya pumasok. Iyong mga relief goods ‘pag dala ng mga tao sa evacuation center, ginawa namin rubber boat na ang ginamit namin.
 
 
[Question on screen: May mga nagre-react dahil daw kahit balwarte ng aking katunggali noong eleksyon ay pinupuntahan ko.]
 
May mga nagre-react dahil daw kahit balwarte ng ating katunggali noong eleksyon ay pinupuntahan ko.
 
Eh nandoon ang bagyo. Ang bagyo hindi nangingilala ng eleksyon. Kaya kung saan na may problema, kung saan ang nangangailangan ng tulong ay doon tayo pupunta.
 
Mga kababayan, hindi tayo titigil hangga’t hindi pa nakakabangon ang lahat. Walang pagod ang ating mga ahensya. Naririnig namin ang inyong saklolo at ginagawa namin ang lahat upang mailagay kayo sa mas mabuting kalagayan.
 
Sa isang Bagong Pilipinas, lalo pa natin pagbubutihin ang ating pagtugon sa hamon ng climate change.
 
Upang, una, mabawasan ang namatay sa bawat sakuna; pangalawa, upang mabawasan ang bilang ng mga tao at pamilyang naaapektuhan; at pangatlo, upang maprotektahan ang mga maliliit na komunidad at ang mga kabuhayan nila dito.
 
Sa isang Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga.
 
Isang payapang Undas po sa inyong lahat.
 
 

—END—