Message of President Ferdinand R. Marcos Jr. to Presidential Scholars

Speeches 21 May 2026

Good morning. Magandang umaga sa inyo.

[Magsiupo na.]

Sarap dito sa loob, malamig. Ang init sa labas.

Anyway, magandang tanghali na sa inyo lahat, kayong mga ating presidential scholar. ‘Yan ang ngayon ang tawag sa inyo dahil sa programa natin na nagbibigay tayo ng PhP200,000 sa bawat barangay.

Ang request lang namin sa mga barangay officials ay ‘yung PhP100,000 doon sa binigay naming PhP200,000, ‘yung PhP100,000 ay maghahanap –kada barangay maghahanap ng lima na skolar.

At ang aming advise sa ating mga barangay officials ay kako, hanapin ninyo ‘yung mga malapit ng magtapos pero eh namimiligro ‘yung pagtatapos nila dahil may kulang sa pambayad, kailangan magtrabaho, kung ano man.

Basta’t makatulong. So, bawat isa sa inyo, makakatanggap ng PhP20,000. ‘Yun ang pampatulong sa inyo para sa inyong scholarship.

At lagi kong sinasabi sa ating mga presidential scholar na nakikita ko ay dapat eh mapakinabangan ninyo nang mabuti ito, ‘yung PhP20,000 na ‘yan at gamitin ninyo sa mabuti para matulungan ang pag-aaral ninyo, matulungan ang pag-edukasyon ninyo.

At sa ganoong paraan ay makakatulong tayo ng napakarami dahil ang barangay sa Pilipinas, more than 42,000. Kaya kung kada barangay, makakakuha tayo ng lima, more than 200 to 210,000 plus ang natutulungan natin.

Para sa akin, napakahalaga nito. Dahil para sa akin, lagi kong sinasabi ay ang edukasyon… Para sa pamahalaan, ang edukasyon ay hindi pribilehiyo, ito’y karapatan ng bawat na ating kabataan na kailangan ng pamahalaan ay asikasuhin at tiyakin na maganda ang sektor ng edukasyon.

Naiwanan lang tayo nang kaunti dahil sa nakaraang ilang taon, hindi masyadong nabibigyan ng atensyon ang ating education sector.

Pero eh ngayon, dahil sa aking paniniwala na ito nga ay karapatan ng bawat sa ating kabataan, na sinong gustong mag-aral, kailangan mayroon silang paaralan, mayroon silang paraan upang makapag-aral nang mabuti, at maganda ang magiging instruction sa kanila. Kaya’t namin binuo itong programa na ito.

Ang lagi kong sinasabi sa ating mga presidential scholar, sana mapakinabangan ninyo nang mabuti ito.

At sa karanasan ko eh talagang naramdaman ko ‘yan. Kung… Ako’y napakapalad at nakapag-aral ako sa magagandang eskwelahan. At sa buong buhay ko, mula noong nag-graduate ako, buong buhay ko, nagagamit ko talaga ‘yung natutunan ko. Araw-araw nakikita ko na nagagamit ko ‘ yan.

Kaya ito’y biyaya na binibigay sa inyo para eh kayo ay magtapos at maging maganda ‘yung training ninyo, marami kayong alam. At ito’y habang buhay.

Eh hindi na ito – itong kayamanan na ito, ang isang edukasyon, ang kayamanan – ay kayamanan ‘yan.

Hindi na makukuha sa iyo ‘yan, hindi na malulusaw ‘yan, hindi maaagaw ‘yan, hindi mananakaw ‘yan. Habang buhay kayo, nandiyan, nasa sa inyo ‘yan at magagamitin ninyo para pagandahin ang inyong mga buhay, para pagandahin ang buhay ng mga pamilya ninyo at saka ‘yung mga community ninyo.

Kaya mag-aral kayo nang mabuti, study hard, work hard, at makikita natin napakaganda ang magiging tulong ng magandang edukasyon para sa inyong lahat.

Kaya ‘yun lang, ipapaliwanag ko lang ‘yung programa natin.

At sana ay kagaya ng sabi ko, mabalikan ko kayo pagka may hawak na kayong diploma.

Sige, good luck sa inyo at – ating Presidential Scholar.

Sige, pagbutihin ninyo at – pagbutihin ninyo! At alam mo naman kami, eh may – hindi naman forever kami nandito. Darating ang araw, kayo naman ang mga liderato dito sa Pilipinas.

Hindi ko ibig sabihin sa gobyerno ha? Gobyerno lang ha? Sa lahat-lahat ng – sa lahat ng pamamaraan sa – kayo magpapatakbo ng negosyo, kayo ang magiging teacher, kayo ang magiging – nasa pamahalan. Eh kayo na ang magpapatakbo ng Pilipinas. Kay kapag maganda ang pag-aaral ninyo, maganda ang patakbo ng Pilipinas at matutulungan ninyong pagandahin ang buhay ng bawat kababayan natin at pagagandahin ang ating minamahal na Pilipinas.

Maraming salamat.

Sige, good luck sa inyo.

[applause]

— END —