Message by President Ferdinand R. Marcos Jr.
Mga kababayan, nitong nakaraang linggo, sinimulan na natin ang pagtatatag ng mga hakbang upang mabawasan ang impact ng pagtaas ng presyo ng langis bunga ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Una, upang masiguro na tuloy-tuloy ang operasyon ng sektor ng transportasyon, bukas, March 17, ipapamahagi ng DSWD ang PhP5,000 na cash relief assistance sa 139,000 na tricycle driver sa 17 LGUs sa Metro Manila.
At isusunod na ng DSWD ang pamamahagi sa mga tricycle driver naman sa labas ng Metro Manila.
Sa mga susunod na araw, ang mga jeepney at TNVS driver ay makakatanggap naman ng PhP5,000 na cash relief assistance.
At sa huling linggo ng Marso, ilalabas na ng DOTR ang fuel subsidy.
Maliban dito, na-certify ko na bilang urgent ang dalawang panukalang batas na magbabawas sa excise tax sa petrolyo at mag-aamyenda sa Biofuels Act upang magamit natin ang mas murang bioethanol.
Tuloy-tuloy din ang pagpapatupad ng Love Bus Program. Makakatulong po ito para makatipid sa pamasahe at gasolina ang taong-bayan. Kaya’t gamitin po ninyo ang libreng sakay sa Metro Cebu, Metro Davao, at Metro Manila.
Pangalawa, kailangang matiyak na may sapat na suplay ng pagkain. Upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda, ipagpapatuloy ng DA, ang Department of Agriculture, ang pamimigay ng PhP3,000 na fuel subsidy sa ating mga magsasaka. Mahigit 26,000 magsasaka ang mabibigyan nito.
Para naman po sa mga mangingisda, ang BFAR ay magbibigay sa Huwebes, March 19, ng PhP3,000 na fuel subsidy sa higit na 26,000 mangingisda.
Sisikapin din ng Department of Agriculture na ipamahagi sa Abril sa bawat magsasaka at mangingisda ang lagpas 2,000 pisong tulong mula sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program. Magagamit po ito ng mga magsasaka sa kanilang hanapbuhay.
Sinimulan na nitong Pebrero ang implementasyon ng Local Government Support Fund, ‘yung LGSF. Sa mga nabigyan na, maaari na pong gamitin ang halagang ito upang bumili ng bigas sa ating mga magsasaka at ipamahagi sa kanilang mga komunidad.
Muli, nananawagan ako sa ating mga local government unit na siguruhing wala ng pass-through fee na sisingilin. Nakarating sa akin na may ilang pang mga barangay na naniningil pa rito sa bawat sako ng palay at sasakyan. Sana matigil na ninyo po ito dahil ang epekto lamang nito ay pinapamahal ang presyo ng ating mga bilihin.
Pangatlo, sinisikap nating maprotektahan ang mamimili nang hindi nalulugi ang mga negosyante. Babawasan ng CAAP ang singil sa passenger service charge, landing fee, parking fee, at iba pang fee.
Ito ay makakatulong para bumaba ang gastos ng mga airline at ang mga pamasahe sa eroplano.
Samantala, pinaiikli naman ng Civil Aeronautics Board ang araw ng pagre-review ng fuel surcharge mula sa isang buwan, 15 days na lang po. Mas mabilis na ma-adjust ang pamasahe kapag nagbago ang presyo ng jet fuel.
Ibig sabihin, kapag tumaas ang presyo ng jet fuel, mas kontrolado ang pagtaas ng airfare. At kapag bumaba naman ang presyo ng jet fuel, mas mabilis ding bababa ang pamasahe.
Sa lahat ng ahensya ng pamahalaan, repasuhin ang mga patakaran ukol sa lisensya, permit, clearance, certification. Tingnan ninyo kung alin dito ang puwede munang suspendihin o ‘di kaya ay babaan ang mga singil upang makabawas sa mga iniintindi ng taong-bayan.
Ikahuli, tinututukan din natin ang kapakanan ng mga kabataang Pilipino. Gumagawa tayo ng mga hakbang upang hindi makadagdag sa bigat sa bulsa ang pag-aaral.
Bawal pa rin ang mga bayarin o kontribusyon na sisingilin sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, lalo na ngayong panahon ng graduation.
Sa March 25 naman, magsisimula ang Serbisyo Fair ng DepEd. Dito, ang mga ahensya ng gobyerno at mga employer ang pupunta sa eskwelahan upang makapag-apply ng trabaho ang mga high school student at graduate natin.
Mas madali nang makakakuha ng clearance, hindi pa gagastos nang malaki sa pamasahe.
Mga kababayan, ngayon, higit kailanman, kailangan natin ang pagtutulungan ng bawat isa. Walang iwanan, walang maiiwan sa pagharap natin sa hamong ito. Asahan ninyo ang patuloy naming paggawa ng mga hakbang upang maibsan ang mabigat na epekto ng kaganapan sa Gitnang Silangan sa taong-bayan.
Nawa’y manatili ang ating tiwala sa isa’t isa at ang pananampalataya na malagpasan din natin ang mga pagsubok. Dalangin natin ang kapayapaan at kaligtasan ng lahat. Marami pong salamat.
— END —