Mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (Measures to address the impact of oil price increase due to the Middle East crisis)

Speeches 6 March 2026

Mga kababayan,

Ang Pilipinas at ang buong mundo ay kasalukuyang nakakaranas ng epekto ng giyera sa Gitnang Silangan.

Kapag may kaguluhan sa rehiyong iyon, gumagalaw ang presyo ng langis, gumagalaw ang presyo ng kuryente, gumagalaw ang presyo ng lahat ng bilihin.

Dahil sa kaguluhang ito, naapektuhan ang pagdaan ng mga barkong nagdadala ng langis sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa buong mundo.

Kapag nagkaroon ng problema sa daanang ito, naaapektuhan ang suplay ng langis at tumataas ang presyo nito sa buong mundo, hindi lamang dito sa Pilipinas.

Sa susunod na linggo, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Tinatayang tataas ang presyo ng gasolina ng PhP7.48 kada litro, diesel ng PhP17.28, at kerosene ng PhP32.35.

Malinaw sa atin ang tanong ng maraming Pilipino ngayon:

Ano ang gagawin ng pamahalaan?

Naghahanda na po tayo.

Una, nakikipag-ugnayan na tayo sa Kongreso upang mapagkalooban ang Pangulo ng pansamantalang kapangyarihan upang bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo kung papalo ito sa US$80 kada barrel.

Ikalawa, kinakausap na natin ang Kongreso upang amyendahan ang Biofuels Act of 2006, upang magamit natin ang mas murang bioethanol para sa pagbababa ng presyo ng gasolina.

Ikatlo, ilalabas natin sa lalong madaling panahon ang fuel subsidy at cash transfer para sa mga apektadong sektor.

Makikipagtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at ang mga lokal na pamahalaan upang matiyak na makarating agad ang tulong sa mga nangangailangan.

Kasabay nito, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan upang matiyak na walang mananamantala sa sitwasyon na ito.

Nakikiusap ako sa ating mga negosyante at mga traders: huwag ninyo sanang samantalahin ang sitwasyong ito. Pinapaalala ko sa lahat na ang hoarding at ang profiteering ay labag sa batas.

Para naman sa bahagi ng pamahalaan: Simula sa Lunes, ika-9 ng Marso, pansamantala nating ipapatupad ang four-day work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo.

Hindi kabilang dito ang mga nagbibigay ng emergency o pangunahing serbisyo, gaya ng mga pulis, bumbero, at mga tanggapan na nagbibigay ng frontline services sa publiko.

Bukod pa rito, inaatasan ko ang lahat ng ahensya ng ating pamahalaan na magtipid at magbawas ng sampu hanggang dalawampung porsyento sa konsumo ng kuryente at gastos sa petrolyo.

Pansamantala ring ipinagbabawal ang mga biyahe at aktibidad ng pamahalaan na hindi naman kinakailangan, gaya ng mga study tour, team-building activities, o mga meeting na maaari namang gawin online.

Para naman po sa ating mga kababayan na kasalukuyang nasa mga bansa sa Gitnang Silangan, ang DFA, DMW, at OWWA ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo upang mag-monitor sa inyong mga kalagayan.

Nasimulan na po ang paglikas ng mga Pilipino na nais magpa-repatriate at sa oras ligtas na ang pagbiyahe ay mailikas na natin lahat.

Mga kababayan, hindi natin alam kung kailan matatapos ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Biktima tayo ng isang giyera na hindi natin pinili o ninanais.

Hindi natin kontrolado ang digmaan. Pero kontrolado natin kung paano natin poprotektahan ang Pilipino.

Hindi ito ang pinakamalalang pagtaas ng presyo ng langis na naranasan ng ating bansa.

Marami na tayong napagdaanan na pagsubok. At sa bawat pagkakataon, dahil sa ating pagkakaisa, pananampalataya sa Diyos, at malasakit sa isaโ€™t isa, nalampasan naman natin ang mga ito.

Naniniwala ako na malalampasan din natin ang pagsubok na ito.

Maraming salamat sa inyong pakikiisa at sa inyong pagtutulungan.

โ€” END โ€”