Mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Speeches 3 December 2025

Nitong nagdaang taon at buwan, hinarap natin ang mga hamon ng kalikasan. Malalakas na bagyo, magkakasunod na lindol, pagputok ng bulkan, at mga pagbaha.

Sa gitna nito, naging matibay na sandigan ng bayan ang ating mga military at uniformed personnel o MUP.

Hindi rin nawawala ang banta sa ating seguridad. Ngunit, panatag ang sambayanan dahil nandiyan ang ating kapulisan at kasundaluhan.

Ang ating mga MUP ang unang sumasagot sa tawag ng tungkulin, kahit kaakibat nito ang mga banta sa kanilang kaligtasan.

Sa lupa, tubig, o himpapawid, hindi kayo nagdadalawang-isip na magsakripisyo ng inyong kaligtasan para sa kapakanan ng bawat Pilipino.

Bilang pagkilala sa inyong walang sawang paglilingkod, dedikasyon, at husay, ating itataas ang Base Pay ng MUP.

Kasama rito ang lahat ng military and uniformed personnel mula sa Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, National Mapping and Resource Information Authority.

Ito ay ipapatupad natin sa tatlong trancheโ€”sa January 1, 2026; January 1, 2027; at January 1, 2028.

Bukod pa riyan, simula January 1, 2026, ang Subsistence Allowance ng lahat ng MUP ay magiging PhP350 na kada araw.

Naniniwala ang Administrasyong ito na ang mga nagtatanggol sa bayan ay nararapat ring protektahan ng pamahalaan.

Makatarungang sahod at sapat na suporta, ito ang handog ng sambayanan sa ating mga tagapagtanggol.

Mabuhay po kayo.

Mabuhay ang Bagong Pilipinas.

โ€” END โ€”