BBMVLOG 724: Handa sa Sakuna
Nitong mga nakaraang linggo ay sunod-sunod ang mga lindol na tumama sa ating bansa: mula sa Cebu, Baguio, Surigao, Davao, Zambales, Metro Manila.
Napakarami ang pinsalang natamo ng ating mga kababayan.
Napakalaki ang naging damage dahil ang lindol, ang sinisira ay ang mga gusali, ang mga tahanan.
Kaya iba naman ang aming pagresponde. Dahil ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire na tinatawag kung kaya very prone tayo sa mga ganitong sakuna at kalamidad. Lindol man o pagsasabog ng bulkan, kailangan natin lalo pang paigtingin ang ating disaster preparedness and response.
Ito ang ilan na mga paalala na maaaring magligtas sa atin at sa ating pamilya sa oras ng mga ganitong pangyayari.
Unang-una, magplano. Magkaroon ng plano at alam ng bawat miyembro ng pamilya kung ano ‘yung plano na ‘yun. Pati na ‘yung mga kasambahay. Saan ang evacuation area? Saan tayo tatakbo? Saan ang meeting place kapag lumindol? Saan ba pupunta? Saan tayo magkikita-kita?
Para pati ‘yung nasa labas ng bahay, pagka nilindol, alam nila kung saan tatakbo, makita ang kanilang pamilya.
Siguruhin na isa itong safe na lugar. Turuan ang mga bata kung ano ang dapat gawin nila kapag may lindol.
Ang pangalawa, maghanda po kayo ng go bag. Ano nga ba ‘yung go bag? Ano bang nasa loob ng go bag? Mga importanteng dokumento, papeles, at pag-aari na hindi talaga natin puwedeng maiwan.
Ilagay din ito ang mga basic survival item tulad ng mga pagkain; delata; biskwit; tubig; first aid kit, napakahalaga;
mga gamot, ayan pa; emergency hygiene kit; flashlight po; pito; lighter, at iba pa.
Maaari rin ito lagyan ng rugged phone o kaya mga radyo. At mas mainam kung makakapaglagay din ng emergency cash sa inyong go bag. ‘Pag kailangan tatakbo, nakahanda na ‘yan, hindi na kayo maghahanap at mangongolekta ng inyong mga gamit.
Nandiyan na lahat ang mga importante. Basta kukunin na lang ninyo sabay alis para hindi na kayo ma-delay sa loob ng isang building o sa loob ng inyong bahay.
Ngayon, nakikita natin, mga LGU natin ay may mga kanya-kanyang proyekto para magbuo ng go bag. Sundan niyo po ‘yun. Nandoon po lahat ang pangangailangan natin sa emergency.
Isa pang mahalaga ay ang tamang impormasyon.
Importante na may tamang impormasyon kayo sa mga ganitong panahon. Alamin ninyo ang abiso ng LGU. Makinig sa ating mga awtoridad, barangay official, munisipyo, coast guard, pulis, first responders, at iba pa.
Alam din ang mga importanteng numero na kailangan ninyong malaman. Emergency numbers, kung saan puwede sumaklolo. Ipaskil ninyo ito sa inyong bahay, sa kuwarto man o sa refrigerator, kung saan man. At siyempre, makinig sa balita: radyo, TV, o social media.
Mayroon lang akong pag-iingat: pag-ingatan ninyo ‘yung fake news. Noong nangyari sa Davao at saka sa Cebu, mayroon mga dumating na fake news. Naniwala ang mga kawawang biktima at sila sa kakatakbo, sa kakatago, sa kakapunta sa ibang lugar, marami pa rin nasaktan.
Ang pakinggan lang po ninyo ay ang mga balita na nanggaling sa mga official website na mga ahensya ng government, local government man o sa national government, sa pulis, sa PHIVOLCS, sa PAGASA.
Doon po kayo makinig. Huwag po kayong makinig sa hindi ninyo nalalaman kung saan galing na balita o na impormasyon.
Sa amin naman, sa pamahalaan, patuloy din ang maagap na paghahanda. Sa DSWD at kahit mga local government unit, ating mga food pack, mga go bag, ready na po ‘yan. Naka-deploy na sa ating mga warehouse.
Ang communication at information drive ng ahensya ng pamahalaan ay pinaigting na rin para may mas kaalaman ang ating mga kababayan.
Ang mga polisiya natin sa pagpapatayo ng mga gusali ay kailangan sundin at isagawa ng mga buong katapatan. Bahay man ‘yan, tulay, building, o kahit anong imprastruktura, kailangan sumunod. May mga nakatakda
tayong safety standard. Mula sa pagsusuri ng lupa hanggang integridad ng mga itatayong istruktura.
Ang kaligtasan ng bawat pamilyang Pilipino ang nakasalalay dito.
Higit sa pagbangon o pagresponde, mas mahalaga ang maging handa.
Likas sa ating bansa ang mga sakunang ito, kung kaya’t kailangan ay likas rin sa atin ang mga paalalang aking nabanggit.
Hindi lang tumutugon sa sakuna, natututo sa mga aral ng bawat sakuna. Mas marunong at mas maagap na ang bagong Pilipino.
Mag-iingat po tayong lahat.
— END —