BBM VLOG 280: Bayanihan
Mga kababayan, ito ang panahon para ipakita at isabuhay ang inyong pagka-Pilipino.
Noong isang araw ay ipinagdiwang natin ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa katapangan at sakripisyo ng mga Pilipino na lumaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Bataan.
Sa panahon ng kagipitan, dapat ay mangibabaw ang ating pakikipagkapwa-tao.
Ito ang kabayanihan na maaari nating ipakita ngayon.
Nakakalungkot at nakakagalit din ang iba nating mga nakikitang insidente kamakailan dahil sa kalagitnaan nitong pinagdadaanan natin ay pinili nila isipin lang ang kanilang mga sarili. Tingnan natin nang mabilis ang ilan sa mga ito.
[Video Clips]
Nakakalungkot naman masyadong makita lahat ito. Bagamat naiintindihan natin ang kalagayan ng bawat isa. Hindi ito nagpapahintulot sa atin na gumawa ng mga ganitong bagay.
Isang negosyante, hindi makabiyahe dahil kinunan mo ng krudo.
‘Yung gasoline boy na tinakasan, baka sa kanya pa ikaltas ang ninakaw na gasolina.
At ‘yung may mga kaya, huwag kayong nagho-hoard ng diesel.
Ang tanging pinapayagan lamang na magtabi sa drum ng gasolina ay ang mga consumer na may legitimate operational requirement dito. Gaya ng mga mangingisda at marine equipment operator, mga ospital, at iba pang mga gumagamit ng generator set.
Huwag niyo rin ilalagay sa panganib ang mga kapitbahay ninyo.
Sa paghahanap natin ng ginhawa, huwag naman sana tayong manlamang sa kapwa. Hindi ganiyan ang Pilipino.
Pero sa kabila nitong mga ito, marami naman tayong mga kababayan na may mabubuting kalooban na nagpapamahagi ng kung anong tulong ang kaya nilang ibigay. Halimbawa, ang malalaking kumpanya ay aktibo na nagbabahagi sa bayanihang ito.
May mga private citizen naman na inaabot ang kanilang kamay sa pagtulong sa kanilang kapwa.
[Video Clips]
Mayroon din namang iba ay naglalagay ng community pantry at nagsasagawa ng mga feeding program.
At siyempre, marami ring iba diyan ay hindi nagpo-post sa social media.Tumutulong na lang.
Maraming-maraming salamat sa iyo. Ganiyan ang Pilipino.
Gusto ko kayong saluduhan at pasalamatan. Maasahan ninyo na kami sa pamahalaan ay hindi titigil sa paghahanap ng ginhawa para sa ating mga kababayan.
Ginagawa po namin ang lahat.
Maraming kailangan balansehin, maraming dapat alagaan. Pero hindi ito magiging sapat kung wala ang tulong ng bawat isa, kung wala ang kawanggawa ng bawat isa, kung wala ang panalangin at mabuti o positibong pag-iisip ng bawat isa.
Ipakita ninyo ang inyong pagka-Pinoy sa panahong ito.
Magtulong-tulong tayo.
— END —