BBM VLOG 278: Sagot sa Polisiya (Part 1)
Noong nakaraang dalawang linggo ay nag-vlog tayo tungkol sa mga polisiya. Laking gulat namin na makita namin ang comment section dahil sa dami ng suggestion ninyo.
Tama lang na ihayag ninyo ang inyong mga saloobin. At wala ring malaki o maliit na hinaing, lahat po ‘yan ay problema basta pabigat sa pamumuhay ng tao.
At nandito naman kami para makinig at aksyunan ang mga bagay-bagay na ‘yan. Basahin natin ang ilan sa inyong mga suggestion.
Mula kay Geraldo Buena: Mr. President, ‘yung mga senior citizen natin kapag binibigyan ng ayuda, bakit naman po kailangan pang magpunta sa court at maghihintay pa nang matagal bago ibigay ang anumang pinagkakaloob sa kanila? Madalas kailangan pang antayin ‘yung pulitiko na dumating dahil isa-isa pang silang magsasalita sa harap at paulit-ulit lang naman na ipinapakilala ang kanilang mga sarili. Nakakarindi sa pandinig ito. Puwede bang tapusin na ang ganiyang kalakaran? Sayang ang tanggapan ng barangay kung hindi sila puwedeng gamitin upang ihatid sa bawat bahay ng mga benepisyaryo ang ayuda para sa kanila.
Alam niyo po, basta’t ito ay mga programa ng national government. Ang mga speech at iba pang pang-epal bago ng distribution, hindi na pupuwede ‘yan.
Hindi puwedeng gamitin ang government services sa pamumulitika o pagpo-promote ng sarili.
Nakasaad na po ito sa DILG Memorandum Circular at kabilang rin sa provision ng GAA kung paano dapat gamitin ang pondo ng bayan. Bawal na po sa distribution ng tulong na nanggaling sa national government.
Sa distribution naman, pinapag-usapan na ang pag-digitize ng proseso. Baka puwedeng Gcash.
May ibang mga LGU na gaya ng Makati na sinusubukan na ang ganitong sistema.
Dapat tingnan pa rin ng mga local government unit ang modelong ito. Aralin ang sistema at unti-unting ma-implementa. Basta’t sa national government nanggaling ‘yan, mabilis na. ‘Di ka na kailangan makinig sa mahabang speech ng mga pulitiko.
Ito nanggaling kay Bong Dalo: Dapat pong padaliin ang pag-correct sa birth certificate kasi po ang ginagawa nila ay paisa-isang letra lang po. Kung mali ang pangalan at apelyido at birthdate, minsanan na lang po. Kung late registered naman ay papupuntahin ka pa kung saan ka naipanganak. Nandito ako Luzon tapos doon ako pinanganak sa Mindanao, ang layo naman. Magkano pa ang gastusin, kawawa naman ang tao.
Ay mukha talagang pahirapan ito. Sa tingin ko, sa mga nagagawa na ating improvement gamit ang eGov at internet, dapat ay isa na ito sa mga serbisyong hindi na natin inaalala. Napaka-basic naman niyan at ilang oras ang kakainin sa inyong araw para lang pilahan ang iisang dokumento.
Nitong nakaraang linggo lang, sa pamamagitan ng PSA or Philippine Statistics Authority, mayroon na tayong PSA e-certificate service. Dito na kayo makakapag-apply ng digital copy ng inyong birth certificate, marriage certificate, at iba pang mga dokumento.
Dapat ay kasama na ng PSA ang ganitong sebisyo. At kung magre-request ng physical copy, ay dapat naman sa kahit saang branch ng PSA, puwede na itong kunin.
Ang mahalagang bahagi rin dito ay dapat i-recognize o dapat tanggapin ang mga digital document ng lahat ng opisina sa ating bansa. Dapat itong kilalanin ng bawat government office upang maging kapaki-pakinabang ito.
Kung tutuusin, marami na tayong serbsiyo sa eGov na kailangan lang fully ma-integrate sa workflow ng iba’t ibang opisina.
We need to be open in integrating so our digitization program can succeed.
But having said that, kailangan natin intindihin na ang physical appearance sa ibang proseso ay hindi natin maisawalang-bahala para hindi tayo malusutan ng fraudulent birth registration.
Nakita naman ninyo ang nangyari kay Alice Guo at ‘yan exactly, ganiyan ang nangyari, fraudulent birth registration. Ayaw natin naman masama sa ganiyan.
Mula kay Vivian Saremo: Mahal na Pangulo, more training po sa mga youth na maging disiplinado kasi marami na daw pong tamad na kabataan. Sila po kasi ang pag-asa ng bayan.
Salamat, Vivian sa suggestion mo. Kabataan o hindi, kinakailangan talaga na mas malakas na kampanya sa disiplina. Asahan mo na may ilulunsad tayong programa sa mga susunod na linggo. MMDA Disiplina Campaign, ready to roll out na po ‘yan.
Mula kay Mona Liza at ang kanyang suggestion ay ganito: Ang pahirapan pagkuha ng ID or PSA ng mga taong walang ID. Bongbong Marcos, sana po mapansin. Lalo sa mga pinakamahihirap na kababayan natin na ‘di nakapag-aral at ‘di makakuha ng ID.
Ito po, sa DSWD natin na siyang nagha-handle ng poorest of the poor cases, mayroon na silang binibigay na Pag-abot ID para sa mga street dweller. Puwede na rin ‘yan pang-simula. If mag-apply na sila sa Barangay or other agencies ng ID, kailangan kilalanin na ‘yan.
Siyempre wala naman pa silang government na ID.
Mayroon din Co-Location program ang DSWD kung saan dinadala nila ang PSA sa mga payout site nila.
Ang PSA naman ay tutulungan silang magkaroon ng mga dokumento, ng birth certificate, national ID.
Ito po ay nakita po natin at ‘pagka pumupunta po sa – lalong-lalo na ‘yung tinatawag na street dweller, nagpupunta sa ating mga shelter, kasama na po lahat ‘yan, ‘yung ID, ‘yung DSWD na ID, pati na kung mayroon silang – mayroon silang pruweba doon sa kanilang birth certificate, lahat po ng dokumento, binibigay na natin.
Pinadali na rin ng PSA ang proseso ng pagkuha ng national ID. Tinatanggap na po ng PSA ang kahit na anong dokumento na may pangalan, araw ng kapanganakan, address, litrato, o lagda, o thumbmark katulad po ng Barangay Clearance.
Sa mga kababayan po natin na kabilang sa marginalized sector o nakatira sa mga GIDA, kung may Barangay Clearance kayo, maaari na po ninyong makakuha ng national ID.
Pero para naman doon sa mga iba na hindi naman kabilang sa poorest of the poor at gusto lang makapagsimula, subukan po ninyo ang mga digital service natin gaya nung nasa PSA.
Gamitin natin nang gamitin at kami naman sa national government, dapat ay padadaliin namin ang proseso.
Kaya PSA, padaliin niyo na, pabilisin niyo na.
— END —