BBM VLOG 278: Krisis sa Langis

Speeches 22 March 2026

Magandang araw po sa inyong lahat.

Maliwanag naman na itong giyera sa Gitnang Silangan ay talagang malaking naging epekto sa buong mundo at dito rin sa Pilipinas.

Siyempre hindi natin maaaring hayaan na pasanin itong mga mas nakakaraming commuter.

VIDEO: Paggising ko kaninang umaga, nakita ko ‘yung mga headline at ang pinag-uusapan ay ‘yung naaprubahan na fare hike. Siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan. Kaya iniutos ko sa DOTR na suspendihin muna ang fare hike.

Ang mga Love Bus “Libreng Sakay” Program natin, nationwide at operational pa rin sa Metro Manila, sa Metro Cebu, at sa Metro Davao.

Sa LRT2 at MRT3 naman ay may 50% na diskwento simula March 23 – iyong blue Beep cards na may 50% discount. Habang ang white Beep card ay patuloy ang 50% discount para sa mga PWD, senior, at estudyante.

Ang pag-release naman ng mga iba pang mga pondo para sa mga cash relief at subsidies ay patuloy sa iba’t ibang mga ahensya.

Fuel subsidies sa DOTR ay nai-release na. Halos isang daang libo na na tricycle driver ang nabigyan ng Marso noong 20. Pati na rin ang nationwide rollout para sa ibang transportation sector workers na magsisimula sa April 6.

Naintindihan natin ang sigaw ng mga nagpoprotesta na kababayan nating nasa sektor na ito. Pero gusto kong ulitin sa inyo, hindi kayo maiiwanan. Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan.

Masusi natin binabantayan ang mga presyo ng mga ibang bilihin. Noong isang araw naman ay sumugod din tayo sa palengke para makita ang presyo ng mga pangunahing bilihin o prime commodities.

Sa awa naman ng Diyos, stable pa at wala naman masyadong pag-abuso. Walang nagbebenta ng higit sa suggested retail price.

Patuloy tayong makikipag-ugnayan sa ating mga manufacturer ng mga basic commodities na critical sa panahon na ito.

Sa bigas naman, ongoing pa rin ang 20-peso rice sa 177 na LGU, at pararamihin pa natin ’yan. Napapag-usapan din ang paglalagay ng price cap muna sa bigas. Abangan po natin ito.

So sa bigas, wala tayong problema. Sapat ang supply at nakokontrol pa natin ang presyo.

Fuel subsidies din ang nag-aabang para sa mga magsasaka at mangingisda.

Ongoing na talaga ‘yung mga programang ‘yan. Pero nagpadagdag pa tayo ng 50 million sa mga regional field offices.

Ang presyo naman ng fertilizer eh ibang usapan po ’yan dahil petroleum product ’yan. Nakikipag-usap na tayo sa iba’t ibang fertilizer-producing countries. Okay pa tayo sa Abril, pero pinaghahandaan na natin ang May to June.

Sa supply naman ng kuryente, kinakausap ang mga power generation company upang madagdagan pa ang kapasidad ng ating mga grid sa susunod na 60 days.

Dalawampu’t tatlong power project na may kapasidad ng 900 megawatts ang inaasahang mag-o-online para makatulong sa supply.

Ongoing din ang koordinasyon sa paggamit ng Malampaya natural gas na full capacity para madagdagan naman ang supply natin sa kuryente.

Tungkol naman sa supply ng langis, nagkikipag-usap na po tayo sa mga bansa na ating mga trade partner gaya ng India. Ngunit sinasama na natin lahat ng mga iba at nilalapitan ang China, Japan, Thailand, Brunei, South Korea patungkol sa mga posibleng supply arrangement.

Maganda naman ang naging usapan natin. Buti na lang at talagang kinakaibigan natin sila at sila ay handang tumulong sa atin.

At hindi po natin kinakalimutan ang mga ating kababayan na nandoon sa mga alanganing lugar sa Middle East.

Tuloy-tuloy naman ang pagdating ng ating mga kababayan mula sa Gitnang Silangan. Mahigit 1,400 overseas Filipino workers at 334 dependents na ang nakauwi mula noong ika-lima ng Marso hanggang March 17.

Iyong pangatlong government-chartered flight naman ay dumating dito noong March 18 na may sakay na 153 OFW, 114 dependents, at saka 50 stranded na Pilipino.

Sa mga susunod na araw ay mas marami pa ang pararatingin natin. Marami sa kanila ay uuwi sa Visayas at Mindanao. Kaya tinayak naman natin na makakapag-hotel muna sila at bino-book natin sila sa mga flight na papunta sa kanilang mga probinsya. Tinitiyak natin na naaalagaan sila nang mabuti.

Ngayon ang panahon para magtulungan. Ngayon ang panahon para maipakita natin sa buong mundo ang katangian ng bayanihan na nasa puso ng bawat Pilipino.

Bawat isa sa atin ay may magagawa namang paraan para makatulong. Pagtitipid man, pagtulong sa kapwa, o kahit sa pamamahagi ng tamang impormasyon at hindi pagkakalat ng fake news. Huwag naman sana tayong magdagdag pa sa problema.

Lahat tayo ay kailangan magtulungan. Alalahanin natin ang pagmamahal natin sa ating mga kababayan.

Huwag nating kakalimutan na kapag pinabayaan natin ang isa sa atin, napabayaan na natin ang buong bansa.

Asahan naman ninyo na nandito lang ang pamahalaan bilang inyong takbuhan at sandalan.

Maraming salamat po. Magandang araw po sa inyong lahat.

— END —