BBM VLOG 276: POLISIYA

Kamusta po kayo? Sana’y nasa mabuti kayong kalagayan.
Ako naman, eto, nagre-recover na rin. Pero maganda ang assessment ng mga doktor, nothing serious. Kailangan lang magpalakas ulit. Namayat na nga ako at sabaw lang pinabinibigay sa akin ng ilang araw. Mabuti na ‘yan at para akong nag-diyeta.
Ang usapin natin ngayon ay tungkol sa mga polisiya.
Alam n’yo po, bukod sa malakihang proyekto at iba’t ibang mga programa ng pamahalaan, isang bahagi ng trabaho namin ang magpakilala ng mga bagong polisiya, polisyang magpapagaan sa buhay ng tao.
Papano natin malalaman na ang isang polisiya ay maganda? Ang isang polisiya na maganda ay matutupad kung anuman ang inyong ninanais.
Halimbawa, para sa pamahalaan, para pagandahin ang buhay ng tao, para magbigay tayo ng magandang healthcare, para matulungan natin ang mga mahirap, para pababain ang presyo ng mga produkto, paano natin pagagandahin ang ekonomiya.
At kasama diyan sa polisiyang yan, ang ibig sabihin ay nagbibigay ng gabay kung papano natin aabutin ang ating mga pinapangarap.
Pangalawa, nakakatulong sa pagpapabuti ng pag-uugali, behavior at pag-iisip ng mamamayan.
Pangatlo, madaling maintindihan ng kung sino man ang kailangan magpatupad ng polisiya na iyon.
Pang-apat, kayang ma-enforce at mag-implementa.
Panglima, nakakatulong sa mamamayan, hindi pampabigat, hindi perwisyo.
Sa ibang bansa higit na mapapansin ang epekto ng polisiya sa kultura at pag-uugali ng tao. Una diyan siyempre ang polisiya sa pandisiplina.
Halimbawa, tanyag ang Singapore sa polisiya na pagbabawal ng bubble gum.
Pinagbawal ang pagbebenta at pagpapasok nito sa bansa dahil napakahirap linisin at kapag idinidikit kung saan-saan. Maraming insidente na nai-stuck ang mga pinto ng tren dahil sa improper disposal. Lumalaki ang cleaning cost at nade-delay ang biyahe.
Kamakailan, naglabas na rin sila ng polisiya na mga online scammer ay sinasabi, anim hanggat dalawampu’t apat na palo ang aabutan ng mga mahuhuli na ginagawa ang labag sa polisiya nila.
Sa Alemanya naman, ay may mahigpit na polisiya sa pagpapadaan sa ambulansya at iba pang emergency vehicle gaya ng fire truck.
Naalala ko ito dahil may insidente tayo kamakailan kung saan hindi pinadaan kaagad ‘yung bumbero kahit bumubusina na siya.
Sa Japan naman ay higit ang paggalang sa pedestrian lane. Kaya naman kahit mga bata ay kumpiyansang tumatawid dahil safe na safe ito.
Marami rin mga polisiya patungkol sa work-life balance at wellness.
May mga bansa, gaya ng Espanya, na may local policy na in-encourage na mag-siesta. Nagsasara ang mga tindahan pagkapanahon na mag-lunch.
Maraming bansa, gaya ng Pransya, ang implement na right-to-disconnect policy. Ibig sabihin, hindi mo kailangan sagutin ang tawag ng trabaho kapag wala sa oras at outside working hours. Hindi bagay sa Pilipinas ‘yan dahil masyadong masipag ang Pilipino. Kahit anong sabihin mo, sasagutin at sasagutin nila ‘yan.
Sa Belgium naman, isa sa polisiya nila at sila’y nauna rito ang tinatawag na four-day work week. Ibig sabihin, sa isang linggo, apat na araw lang ang trabaho.
Lahat ng polisiyang ito ay inisip para magkaroon din ng mas magandang productivity ang mga mamamayan at mabawasan ang tinatawag na burnout.
May iba namang bansa na may special policy sa kalusugan. Malalaking tax ang ipinapataw sa mga sugar products para ma-discourage ang mamamayan na masyado ang pagkonsumo nito. Isa ang Mexico sa gumawa nito. May version din ang UK, Middle East, pati na rin tayo dito sa Pilipinas.
Sa New York, ipinagbawal ‘yung tinatawag na trans fat. Hindi ka pwede na mag-serve ng pagkain na may trans fat na laman. Ito ay paraan para labanan ang obesity at diabetes sa mamamayan natin.
Maganda lahat ‘yan. ‘Yang sa road courtesy, kailangan natin ‘yan. Pati ‘yung sa kalusugan, kailangan din natin ‘yan.
Pero ang tingin ko, kailangan natin tutukan ang mga lumang polisiya na nagpapabagal at nagpapahirap sa mga government transaction sa ease of doing business, ‘ika nga.
Tanyag tayo sa polisiyang kailangan ng ID para mag-apply kumuha ng ID. Isang repleksyon ng napakalumang sistema.
Mahilig din tayo sa mga pag-fill out ng duplicate o triplicate. ‘Yung mga abogado kung ano-anong kopya na hinihingi nila, dose-dosena, ‘sang katutak na mga form na pare-pareho naman ang hinihiling na impormasyon. Physical appearance sa mga transaksyon na pwedeng digital na. At marami pang iba na pampagulo lamang.
Hindi tayo dapat pumipila ng madaling araw sa opisina ng gobyerno para lang kumuha ng isang dokumento. Kaya isa sa pinagtutuunan natin ay ang eGov app at digitalization ng government system. Maraming masusulosyunan na problema ito. Halimbawa sa LTO, wala nang confiscation ng physical ID, recognized na digital license.
Meron na tayong Beep card sa MRT, 50 percent off for students at saka PWD kasi sila ang mas may kailangan ng suporta. Tapos libre pa buong pamilya pag Linggo.
Zero billing policy para maisama natin ‘yung itinatawag na middle class. Free fast Wi-Fi sa lahat ng bus at saka tren, habang naghihintay kayo makasakay at least makapag-internet na mabilis.
Makikita mo sa mga polisiya ang mga pinapahalagahan natin ng ating bansa: ang disiplina, ang seguridad, kalusugan at iba pa.
Dito sa ating bansa, marami pang polisiya ang kailangan natin baguhin at ribisahin. Nakikita natin sa balita at naririnig natin ang mga kababayan natin, ang kanilang mga reklamo.
Nakikita natin sa ating mga nakasanayang pamamaraan na pinaglumaan na ng panahon. Tila maliit na bagay pero laking perwisyo sa tao.
Kailangan padaliin ang pamumuhay ng Pilipino. Dahil ang sistema ay kailangan nagdadala ng ginhawa sa tao, hindi sakit ng ulo.
Kailangan din natin tandaan na matagumpay ang mga polisiya sa ibang bansa dahil sa kooperasyon ng ating mga mamamayan. Na bagamat hindi popular sa simula ang isang polisiya, kapag binigyan ng pagkakataon maimplementa nang tama, maganda naman ang resulta.
At siyempre, tandaan natin na sa kabila ng polisiyang inilalatag natin, ito dapat ang nagtutulak sa atin na maging mas mabuting Pilipino.
Ang mga polisiya ay kultura na isinusulat bilang batas. Ipaalam ninyo sa amin sa comment section kung may mga mungkahi kayong polisiya na makakatulong solusyonan ang marami nating problema. Aabangan namin ang mga suggestion ninyo.